"Ma, ako na po." Kinuha ko sa kamay ni mama ang sponge saka ako na ang nag-volunteer na maghugas ng pinggan.
Hanggang ngayon hindi pa rin makapaniwala ang pamilya ko sa kung ano man daw na kamilagruhan ang nangyayari sa akin. Tinatawanan ko na lang sila sa tuwing tatanungin nila kung bakit daw ba?
Hindi ako magsasalita sa feeling ko pero halata naman siguro na si Shana ang dahilan 'di ba? Simula nang makita ko si Shana ay hindi na lang puro aral ang nasa isip ko, kaya ko na rin makipagsabayan sa paglilinis sa bahay at makapaglaan ng oras para sa kaniya.
Ngayon na siguro ang tamang oras na ipagpatuloy ko ang naudlot na malagim na plano ko sa mga sapatos ko. Pagkatapos kong maghugas ng pinggan ay kaagad akong tumungo sa kwarto ko at dala-dala ang sewing kit ni mama.
Ni-lock ko ang pinto para siguradong hindi sila makakapasok. Pinatong ko sa ibabaw ang mga sapatos ko saka ginupit-gupit yung tela. Namili ako ng designs na sakto lang sa ginupit ko saka sinimulan ko na ang pagtahi.
Ang hirap naman. Hindi naman kasi ako marunong sa pagtatahi, pambabae lang 'yun pero dahil nga kay Shana ay susubukan ko 'to. Ayaw kong nakakaramdam siya ng ilang sa 'kin.
Nakailang gupit pa ako na halos sira na talaga ang sapatos ko at kailangang punuin ng mga patches. Nanuod din ako ng mga D.I.Y. na videos at masasabi kong nakakaadik siya kahit nangangalay na ang kamay ko.
Nang matapos ko ay hapon na pala. Ilang oras din ako tutok d'un at pakiramdam ko ay kailangan ko ng pahinga. Sumasakit na rin ang batok ko kakayuko. Pero hindi na masama 'to sa isang first timer.
Binalik ko ulit sa kahon ang mga sapatos saka napagpasyahang humiga sa kama pero hindi ang matulog. Nakatingin lang ako sa kisame.
Binalikan ko ang maikling panahon na nakasama ko si Shana. Sana ganito na lang palagi, na masaya lang kami pareho. Na wala ng hadlang sa aming dalawa. Nakangiti lang ako na para bang napaka-perfect na ng lahat. Label na lang ang kulang.
Pero hindi ko mamadaliin si Shana, ayaw kong madaliin dahil alam kong pareho kaming nasa punto ng pakikiramdaman. Pinapakiramdaman pa namin kung ano ba talaga ang damdamin namin sa isa't isa. Pareho kaming walang alam sa rela-relasyon na 'yan kaya baka naninibago lang kami, dapat sigurado na muna kami bago kami magseryoso. Basta ang alam ko lang ay gusto kong makita si Shana.
Nang gabi ring 'yun, hindi ako naghapunan, dinahilan ko na busog pa 'ko. Dali-dali kong tinapos ang mga assignments ko at research. Inubos ko rin ang time ko sa paghihintay sa pag-re-review para hindi naman ako tumunganga rito.
Nang dumilim na ang buong bahay at tanging ang ilaw na lang sa kusina ang bukas ay hinanda ko na ang malaking bag ko.
Naghintay pa ako ng ilang minuto para masiguradong tulog na talaga ang lahat bago ako lumabas sa kwarto at tinungo ang fridge. Binati ako ng punong loob ng fridge kaya mas lalo akong napangiti.
Magtitira naman ako kahit papaano kaya hindi mapapansin ni mama na nawawala ang mga pagkain. Sinalin ko ang mga pagkain sa Tupperware saka maingat na sinilid sa bag. Sinarado ko na ang zipper at lumabas na ako ng bahay. Maingat din ako sa pagsarado ng gate.
Nakahinga ako ng maluwag nang makalayo na ako sa bahay. Sana naman hindi magising si mama at hanapin ako sa kwarto.
Tinungo ko na ang daan papunta sa bahay ni Shana. Nakangiti lang ako habang patungo sa bahay niya na tila sabik na sabik na makita siya. Tanging buwan lang ang nagsisilbing ilaw ko sa daan nang makalabas na ako ng tuluyan sa village maliban na lang sa patay-sinding poste ng ilaw.
YOU ARE READING
A Yesterday's Pleasure
RomanceOne choice can transform. One choice can break. Don't enter in someone's life if you can't take the risk of your actions. He needs assurance. She needs confirmation. You think their sacrifices will lead to love? Or they'll just end up as a memory o...