IV

722 22 2
                                    

MUNDO sa LIKOD ng SALAMIN

 

 

 

Sa kabilang dako, nakarating na sa kaharian ang prinsipe at ang kanyang magiting na kanang kamay. Sinalubong sila ng mga kawal na tinatawag na Lepido.

Ang Lepido ay ang nagsisilbing mga bantay sa labas ng kaharian. Katulad ng Mariposa, mga nilalang din sila na may pakpak na katulad ng sa paru-paro. Ang mga pakpak nila ay may kulay na itim at may bahid na dilaw. Mga lalaking nakasuot ng kulay kayumangging tela na bumabalot lamang sa kanilang pang-ibabang katawan na hindi aabot hanggang sa kanilang tuhod na nagbigay dahilan upang sila’y mas magmukhang matitikas at lumitaw ang kanilang magagandang hubog na pangangatawan.  Ang ibang parte ng kanilang katawan ay may tatak na katulad ng sa tigre. Simbolo ng kanilang bilis at kalakasan. Ang kanilang itsura ay hindi mailalayo sa tao dahil sila’y biniyayaan ng magagandang mukha, mayroon silang matulis na tenga upang kaagad nilang marinig ang panganib na parating, matangos na ilong, manipis at mapupulang labi.  May armas na kasing taas ng kanyang balikat, may talim na hanggang bewang ang haba na sapat na makapatay ng isang nilalang na magtatangkang pumasok sa Kaharian ng PRISIMA na walang pahintulot galing sa katas-taasan.

Ikinampay ng mga ito ang kanilang pakpak upang umangat ng kalahating metro sa lupa at saka yumukod sa harap ng Prinsipe upang magbigay galang.

“Magandang araw po mahal na prinsipe” – sabay sabay na sambit ng mga Lepido. Ang kanilang mga boses ay dumadagundong na animo'y nagngangalit na leon. Malalaki at malalalim. Salita pa lamang nila'y kakatakutan na kapag iyong narinig. 

Naglabas ang kanilang mga pakpak ng mga abo na kulay itim at naging maliit na paru-paro ang mga ito upang maging hudyat para sa mga alaga nilang tigre na gumawa ng malakas na ungol na nagsasabing humanda ang mga nilalang sa loob ng kaharian.

Pagkarinig ng malakas na ungol agad na bumukas ang Pintuan ng Salamin.

Sa likod ng Pintuan ng Salamin makikita ang kagandahang ng Kahariang Prisima. Buhay na buhay ang lugar na  ito na animo’y walang kinakaharap na problema.

Katulad ng isang hardin ang Kaharian ay napupuno ng iba’t- ibang makukulay na halaman at bulaklak na nagbibigay halimuyak sa buong kaharian ng Prisima.  Malamig at masarap na simoy ng hangin na dumadantay sa balat.

Ang ibang nilalang ay may kanya- kanyang ginagawa at pinagkakabalahan.

May nilalang na lumilipad sa himpapawid na nagtataglay ng kakaibang ganda sa paningin ng sinumang makakakita dito. Ito’y naglalabas ng kakaibang alab na kulay pula na tila’y nagliliyab ang bahagi ng kalangitan na dadaanan nito. Tinatawag itong Phoenix, dito sa Kaharian ng Prisima Malaya silang nakakapamuhay ng matiwasay at maligaya.

May mga maliliit na nilalang na nagsisitakbuhan ng mabilis na may galak sa kanilang mga mukha. May dala dalang mga pagkain at mga bagay na galing sa kabilang mundo. Nangunguha sila ng mga gamit na sa mga mata nila’y nakakaakit at may malaking tulong sa kanilang pamumuhay. Sila ay tinatawag na Duwende.

Nagsisiawitang mga Blumera naman ang maririnig sa kanang bahagi ng kaharian. Umaagaw ng atensyon sa mga paru-parong lumilipad upang ang mga ito’y  kanilang dapuan. Ikalat ang kanilang mga polen sa hangin upang magbigay buhay  sa panibagong bulaklak na buhay sa kaharian.

Ilan lamang ang mga ito sa mga nilalang na makikita sa loob ng kaharian.

Nagpatuloy ang prinsipe at si Ariel papasok sa loob ng Kahariang Prisima. Yumuyuko ang mga nilalang na nakakasalubong ng mahal na prinsipe. Ngunit mukhang wala pa rin sa sarili ang prinsipe dahil hindi man lang nito napapansin ang mga bumabati sa kanya. 

MUNDO sa LIKOD ng SALAMINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon