CHAPTER ONE

61.1K 488 18
                                    


EIGHT years old ako nang magpakasal sa simbahan sina Daddy at Mommy. Sa simula pa lang ng preparasyon ay excited na ako. Kasama ako ni Mommy sa wedding shop nang sukatan siya ng bridal gown niya. Nang tapos nang tahiin ang gown niya, bumalik kami sa couturier niya. Inilapat lang ni Mommy sa katawan niya ang gown at saka parang prinsesang nagpaikut-ikot sa harap ng malaking salamin.

Habang pinagmamasdan ko siya ay panay ang tanong ko kung bakit hindi niya puwedeng isukat ang gown niya. Simple lang ang sagot niya. Masama raw kasi. Nagkibit-balikat ako at ginaya na lang ang ginagawa niya.

Manghang-mangha ako sa magandang wedding gown niya. Panay ang paghaplos ko sa malambot na tela niyon. Nilaru-laro ko pa ang mahabang laylayan niyon. Kinulit ko si Mommy. Sinabi ko na gusto ko ring ganoon ang suot ko sa araw ng kasal niya. Ngumiti siya at sinabi sa akin na mas maganda pa raw sa suot niya ang damit na ipinatahi niya para sa akin. Hindi ko na mahintay na makita ang damit.

Ngunit nang makita ko iyon at hindi magustuhan ay sumimangot at nagmaktol ako. Ang gusto ko, kagaya ng gown ni Mommy ang suot ko kapag naglakad ako sa aisle bilang flower girl. Dahil sa pagmamarakulyo ko ay walang nagawa sina Mommy at Daddy kundi pagbigyan ako kaysa raw magkaroon ng aberya sa araw ng kasal ng mga ito. Baka raw hindi ako magmartsa at sa halip ay pumalahaw pa ako ng iyak sa gitna ng simbahan.

Sa tuwing maaalala ko ang pangyayaring iyon ay napapabungisngis ako. Lalo na kapag binubuklat ko ang wedding album ng mga magulang ko. Paano, hindi lamang si Mommy ang nakasuot ng wedding gown, pati na rin ako. Parehung-pareho rin ang makeup at ayos ng buhok namin.

Ngunit sa tuwing titingnan ko ang wedding portrait nila ni Daddy, magkakahalong tuwa, lungkot at pangungulila ang nadarama ko. Wala na si Mommy. Iniwan na niya kami ni Daddy.

Noong nabubuhay pa siya ay malimit niyang ikuwento sa akin ang walang kapantay na pag-ibig niya kay Daddy. Si Daddy ang first and only true love niya kaya gusto ko ay maging kagaya ko rin siya. Dahil ako man ay ikakasal na sa first and true love ko.



"OKAY lang ba kung magpadaan ako sa 'yo sa bahay ni Daddy, Sandra?" kaswal na tanong ni Patricia sa nagmamanehong kaibigan niya. Kagagaling lang nila sa Museong Pambata kung saan nagkaroon ng series of activities ang Bubuyog Storytellers Club na kanilang kinabibilangan. Pagkalipas ng isang buwang pagliban sa organisasyon ay nagpasya siyang maging aktibo uli.

Sumulyap at ngumiti ito sa kanya. Nahulaan na niya kung ano ang iniisip nito.

"May kukunin lang akong importanteng bagay. Naisip kong ngayon na pumunta roon dahil sigurado akong wala si Daddy sa bahay," paliwanag niya. "Gusto ko ring makita si Nanay Millie. Hindi ko siya matiyempuhan sa telepono dahil lagi na lang ang bruhang madrasta ko ang sumasagot. Parang nakadikit na yata sa tainga niya ang telepono."

Huminga ito nang malalim. "Ang akala ko pa naman, eh, gusto mo nang makipag-ayos sa daddy mo. Wala ka na ba talagang balak na bumalik sa inyo, Patty?"

Umiling siya. "Remember, pinalayas niya ako kaya wala nang dahilan para umuwi ako sa bahay namin." Bumuntong-hininga siya. "Mas gusto ko na ang ganito. sanay na akong mamuhay nang mag-isa."

"Patty, kailan ka ba maniniwala sa paulit-ulit na sinasabi ko sa 'yo? Ang sabi ni Tito sa akin, nabigla lang daw siya sa pagpapalayas niya sa iyo. Pinagsisisihan na raw niya ang nangyari. Hinahanap ka nga niya sa amin."

Nakagat niya ang kanyang labi. Mahigit isang buwan na ang nakalilipas mula nang palayasin siya ng daddy niya sa kanilang bahay. Matindi pa rin ang kirot sa dibdib niya sa tuwing sasagi iyon sa kanyang isip.

THE STORY OF US: PATTY AND ANDRES (published under PHR2370)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon