CHAPTER TWO

25.3K 214 3
                                    


HINDI inaasahan ni Andres ang pagsulpot ni Mr. Enrique Salandanan sa opisina niya sa Katipunan. Malamang sa hindi, isa sa mga kaibigan ng anak nitong si Patricia ang hindi na nakatiis at sinabi rito ang totoong kinaroroonan ng anak nito. Kaya nang tanungin siya nito kung may alam siya sa kinaroroonan ng anak nito, hindi na siya nagkaila. Ayaw niyang kunsintihin ang pagrerebelde ni Patricia kaya inamin niya na pansamantala itong tumutuloy sa bahay niya.

Agad na rumehistro ang pagdududa sa mukha ni Mr. Salandanan. lalo tuloy nadagdagan ang disgusto niya kay Patricia. Wala siyang nakikitang dahilan para hindi nito matanggap ang muling pag-aasawa ng ama nito. Kung hinahayaan man niyang manatili ito sa kanyang bahay, iyon ay dahil sa isang bagay na sinasabi ng kanyang isip pero ayaw lamang niyang bigyan ng pansin.

"Kung talagang ayaw nang umuwi sa akin ng aking anak, wala na siguro akong magagawa kundi ang tanggapin iyon. Mahirap nga sigurong pagsamahin sa isang bubong ang aking anak at ang pangalawang asawa ko. Pero sana kausapin niya ako para naman mapanatag ang loob ko at maayos namin ang mga dapat naming ayusin," anito sa malungkot na tinig.

"Wala ho kayong dapat ipag-alala, Sir. Ako na ho ang nagsasabi sa inyo na maayos ang lagay niya sa bahay ko. At huwag ho kayong mag-alala dahil hindi ako nakatira doon. Doon ako tumutuloy sa bahay ng mga magulang ko. Ipinagawa ko ho ang bahay na iyon para sa magiging pamilya ko. Medyo nagkaroon lang ho ng aberya kaya hindi muna natuloy ang kasal namin ng girlfriend ko. Kaya doon ko pansamantalang pinatira si Patricia ay dahil na rin sa hiling sa akin ng pinsan kong si Winona."

Muna, anang maliit na tinig sa isip ni Andres. Damn fool! Happily married na ang babaeng nais mong iharap sa altar at gawing reyna ng iyong kaharian. Tigilan mo na ang pag-asam na magkakabalikan pa kayo.

"Gano'n ba? Paano kung matuloy—"

"Ah, eh, matatagalan pa ho siguro bago ako ikasal. By that time, malamang na nakabalik na sa inyo si Patty."

Tumangu-tango ito at kapagkuwan ay bigla na namang lumungkot. "Sana nga'y magkasundo na sila ng asawa ko. Nahihiya tuloy ako sa iyo, hijo. Pati ikaw ay naabala ng anak ko."

Ngumiti siya. "Wala ho iyon. Mabuti rin na may nakatira sa bahay ko. Madalang ko ho kasing mabisita iyon. Pero wala naman kayong dapat ipag-alala dahil may nakakasama naman doong housekeeper si Patty," pagsisinungaling niya. Ayaw niyang isipin nito na may namamagitan sa kanila ng anak nito. Iyon ang kahuli-hulihang bagay na nanaisin niyang mangyari.

Mayroon siyang mga pansariling dahilan kung bakit. Una, hindi pa siya handang pumasok sa bagong relasyon. Pangalawa, malabong magkainteres siya kay Patricia. She was a spoiled brat. Beinte-singko anyos na ito pero parang isip-bata pa rin. Umaasa pa rin ito sa ama nito. Sa pagkakaalam niya, bukod sa paminsan-minsang pagtu-tutor sa anak ng mga kaibigan nito ay wala na itong ibang pinagkakakitaan. Oo nga't aktibong miyembro din ito ng Bubuyog Storyteller's Club, pero sa tingin niya ay parang naglalaro lang ito. Nagtatrabaho ito para lang masabing may pinagkakaabalahang makabuluhang bagay.

"Salamat sa pagmamalasakit mo sa aking anak, Andres," malumanay na sabi ni Mr. Salandanan. "Mabuti na lang at nakatagpo siya ng mabubuting kaibigan na tunay na nagmamalasakit sa kanya. Kahit paano ay mapapanatag na ang loob ko."

Nakonsiyensiya siya. Kung alam lang nito na napipilitan lang siyang tanggapin sa kanyang bahay ang anak nito. Matinding pangungumbinsi ang ginawa ni Winona bago siya napapayag nito sa kahilingan nito.

Hindi ka naman umuuwi sa bahay mo, kaya sige na, nakikiusap ako na pumayag ka nang doon muna tumira si Patricia. Minsan lang akong hihingi ng pabor sa 'yo, Andres, bibiguin mo pa ba ako? Nasabi ko na kasi sa kanya na kaysa umupa siya ng apartment, doon muna siya sa house mo. Ayaw kasi niyang magtagal sa Balay Sikatuna dahil anumang oras ay baka matiyempuhan siya roon ni Tito Enrique. Hindi pa siya handang makaharap ang daddy niya. Masamang-masama pa rin ang loob niya.

THE STORY OF US: PATTY AND ANDRES (published under PHR2370)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon