CHAPTER NINE

19K 189 2
                                    


NAG-DINNER sina Andres at Patricia sa isang restaurant. Pumuwesto sila sa pandalawahang mesa na nasa isang sulok. Kapwa nila naubos ang mga pagkaing in-order nila. Dumighay pa nang malakas si Andres na ikinabungisngis ni Patricia.

"Pasensiya na, tao lang," pabirong sabi ng binata.

"Ang pangit mo," biro din niya. But deep inside her, galit siya sa mga lalaking nanakit dito. Muntik nang masira ang guwapong mukha ni Andres dahil sa tinamong suntok.

"Nahawa lang ako sa 'yo, 'no?" ganti nito.

Mayamaya ay naging seryoso ang mukha ng binata. Titig na titig  sa kanya. Naasiwa siya kaya nag-iwas siya ng tingin.

"Masakit pa ba?" tanong niya sa kawalan ng masabi.

"Medyo. Iyang braso mo?" Inginuso nito ang braso niyang pinilipit ng manyakis na lalaking iyon.

"Medyo manhid pa rin. Hindi pa ba tayo uuwi?"

"Hihintayin pa natin dito ang kaibigan ko. On the way na siya. Sasamahan niya tayo sa presinto."

"Hindi ka na talaga makapaghintay na masampahan ng kaso ang mga lalaking iyon, 'no? Puwede naman sigurong bukas na lang. Gabi na."

"Bakit mo pa ipagpapabukas kung puwede naman ngayon?"

Umirap siya. "Kasi po, baka gusto ninyong magpahinga muna. Tingnan mo nga ang hitsura mo, para kang nakipagsuntukan kay Manny Pacquiao."

"Kasalanan mo kung ba't napaaway ako," anito sa himig na nagbibiro.

"Hayan ka na naman. Ako na naman ang sinisisi mo. Uulitin ko na naman ba sa iyo ang sinabi ko? Hindi naman kita inutusang sumunod sa akin, ah."

"Bakit kasi sinuntok mo ang ungas na 'yon? Puwede naman kasing daanin sa diplomasya."

"Ikaw kaya ang daklutin sa ano. Hindi ka ba maghuhuramentado?"

Dumilim ang anyo ng binata. "Pagbabayaran nila ang ginawa nila sa 'yo."

Pinutol ng paglapit ng isang matangkad na lalaki ang pag-uusap nila. Ipinakilala ito sa kanya ni Andres bilang "Sgt. Moscuerra." Nagkamay pa ang dalawang lalaki. Ilang sandali pa at magkakasama silang umalis. Tumuloy sila sa presintong sumasakop sa pinangyarihan ng lugar at nagsampa ng reklamo laban sa dalawang lalaking nakasuntukan ni Andres. Ayon sa investigating officer, labas-masok na pala sa kulungan ang mga iyon.

Pagkatapos kunan ng statement ng pulis ay matagal pang nakipag-usap si Andres kay Sgt. Moscuerra. Habang naghihintay ay nakaramdam siya ng matinding pagod. Nang magpaalaman na ang mga ito ay niyaya na siya ni Andres na umuwi. Sumakay sila sa humintong taxi na pinara nito.

Habang magkatabi sila sa backseat ay kapwa sila tahimik. Tila napakalalim ng iniisip ng binata. Tuwing malulubak sila ay hindi maiwasang magkasagi ang kanilang mga braso. At hindi niya maikakailang may kakaibang epekto iyon sa kanya. Bumibilis ang tibok ng kanyang puso. Agad din niyang iwinaksi sa isip iyon.

"Siyanga pala, ano nga uli ang kompletong pangalan ng yaya mo?" kapagkuwan ay tanong nito.

"Bakit mo tinatanong?"

"Ipapahanap ko siya kaya hindi na kailangang ikaw pa ang maghanap sa kanya."

"Hindi mo na kailangang pakialaman ang problema ko. Alam kong ginagawa mo lang ito dahil ayaw mong may masabi sa iyo si Winona."

Hindi ito kumibo. Tiningnan lang siya nito nang makahulugan.

Muling namayani ang katahimikan habang nagbibiyahe sila. Nang huminto na  ang taxi  sa harap ng gate ng bahay ni Andres ay nagtaka pa siya nang umibis din ito kasunod niya. Ang akala niya ay ihahatid lang siya nito at pagkatapos ay uuwi na ito sa bahay ng mga magulang nito sa Antipolo.

THE STORY OF US: PATTY AND ANDRES (published under PHR2370)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon