CHAPTER SIX

18.9K 181 1
                                    


"BAKIT nandito ka?" gulat na tanong ni Patricia kay Andres.

Lumagpas ang tingin ni Andres sa likuran ng dalaga.  Nakita niya ang isang bote ng alak at baso sa ibabaw ng coffee table. Mukhang umiinom ito bago pa siya dumating. Para sa kanya, hindi magandang tingnan sa babae na naglalasing ito dahil sa problema. Lalaki ang karaniwang gumagawa niyon. Narinig niya ang background music.

And I don't, I don't know what to do

I'm afraid you'll turn away

But I'll say it anyway

I think I'm fallin' for you...

Natigilan si Andres  habang nakatitig sa mukha ni Patricia. Nang buksan niya ang pinto ay naabutan niyang nakaupo ang dalaga sa sofa at nakasubsob ang mukha nito sa mga tuhod. Marahil ay naramdaman nito ang presensiya niya kaya nag-angat ito ng tingin. Nagtama ang kanilang mga mata.

"P-pasensiya ka na kung pinakialaman ko ang... koleksiyon mo ng alak. Papalitan ko na lang."

Inilang-hakbang niya ang kanilang distansiya, kinuha ang bote ng alak at saka iyon ibinalik sa wine bar.

"Look, I'm sorry. Ngayon lang ako nakialam sa mga koleksiyon mo."

"Alam kong may problema ka pero hindi alak ang solusyon sa problema sa 'yo."

"Wow! Ikaw ba 'yan, Mister Rosario?" nang-uuyam na sabi ng dalaga. Nagtangka itong tumayo ngunit nabuwal  at muling napaupo sa sofa. "Shit!" Umungol ito.

"Lasing ka na," sabi niya.

"Hindi ako lasing," giit nito.

"Kung hindi ako dumating, malamang na magpakalunod ka sa alak."

"Nagpunta ka lang ba rito para manermon? Puwede ba, Andres, masakit na ang ulo ko, huwag mo nang lalong pasakitin." Sumandal ito at ipinatong ang mga paa sa center table.

Natuon ang tingin ni Andres sa mapuputing binti ni Patricia. Naka-pink shorts ito na may slit sa magkabilang gilid. Mamula-mula ang mga sakong nito na animo sakong ng bata.

"Alam kong wala akong karapatang makialam at manghimasok sa buhay mo. Pero sa ginawa mo kanina, inaasahan mo bang hindi ako mag-iisip na baka kung napaano ka?"

"Talaga, nag-alala ka sa akin? Ang sweet mo naman pala," sarkastikong wika nito.

Gusto na niyang mapikon ngunit nagtimpi siya. Inisip niyang nakainom ang dalaga kaya makabubuting huwag na niyang patulan. "Ayoko lang masumbatan ni Winona na pinabayaan ko ang kaibigan niya."

Natahimik ito. Mayamaya ay naghikab.

"Kumain ka na ba? Pasado alas-nuwebe na." Kanina pa siya dapat dumating kung hindi lang nagpahintay ang mga magulang niya at nagpahatid pauwi kasama ang babaeng nais paligawan ng mga ito sa kanya.

"Hindi ako nagugutom," sagot ni Patricia. "Ang gusto kong gawin ay matulog na—" Tinutop nito ang bibig na mukhang masusuka.

"Sandali, huwag ka ritong magkalat." Inalalayan niyang tumayo ito at iginiya papunta sa toilet sa kusina. Iniwan niya ang dalaga sa loob. Naghintay na lang siya sa labas ng pinto. Saglit lang ay narinig niya ang sunud-sunod na pagsusuka nito.Makaraan ang ilang sandali ay hinang-hina ito nang lumabas.

"Kailangan mo ng matapang na kape. Doon ka muna sa sala. Huwag ka munang pumanhik kung hindi mo pa kaya." Inalalayan uli niya ito nang mapansing mabubuwal ito. Habang hawak niya ang isang braso nito ay may naramdaman siyang kakaiba. Waring nakukuryente siya.

THE STORY OF US: PATTY AND ANDRES (published under PHR2370)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon