CHAPTER SEVEN

19.6K 202 2
                                    


NAPABALIKWAS ng bangon si Patricia. Masakit ang kanyang ulo. Naalala niya ang nangyari nang nagdaang araw. Sa sofa pala siya nakatulog. Tatayo na sana siya nang matigilan siya. Naamoy niya ang mabangong amoy ng iginigisang bawang. Awtomatikong napatingin siya sa kusina. Nakita niya roon ang bulto ni Andres. Abala ang binata sa paglalagay ng plato sa dining table. Halatang bagong ligo ito. Nakamaong na pantalon si Andres at round-necked shirt na napapatungan ng pulang apron. Nang tumingin ito sa gawi niya ay ngumiti ang binata nang malapad. Inihinto nito ang ginagawa at lumapit sa kanya.

"Gising ka na pala."

Hindi  nakasagot si Patricia. Nahihiya siya sa kanyang hitsura. Tumayo siya mula sa sofa at nagmamadaling umakyat sa hagdan, tangay ang comforter at unan. Dumiretso siya sa loob ng banyo at nag-shower. Mukhang doon natulog si Andres. At kinumutan pa siya nito at binigyan ng unan.

Parang may mainit na bagay na humaplos sa kanyang puso sa ideyang iyon. Naalala niya ang kanyang daddy. Kapag dumarating ito mula sa trabaho, bago  magpahinga ay pumapasok ang ama  sa loob ng kanyang kuwarto at kinukumutan siya. Nakagawian na nitong gawin iyon simula pa noong bata siya. Sa tuwina ay nagigising siya sa dantay ng palad nitong humahaplos sa kanyang noo. At kapag nagising siya ay agad niyang hinahanapan ng pasalubong ang kanyang ama.

Hinamig niya ang kanyang sarili at lumabas ng banyo.


TAHIMIK silang nagsalo sa almusal. Naghanda si Andres ng fried rice, bacon at corned beef. Maganang kumain ang binata samantalang si Patricia ay nahihirapang lunukin ang pagkain. Naaasiwa siyang kasalo ito sa pagkain. Noon lang nangyari iyon.

Sa loob ng panahong pananatili niya sa bahay ni Andres ay dalawang beses pa lang itong napasyal doon. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang tsine-check nito ang bahay. Hindi lingid sa kanya na ireregalo sana nito ang bahay kay Azenith kung natuloy ang kasal ng mga ito.

Noong unang pagbisita ni Andres ay nagkataong sira ang gripo sa lababo sa kusina. Hindi niya alam kung paano pahihintuin ang pagtagas ng tubig sa gripo kahit nakasara iyon. Balak na niyang tumawag ng tubero nang dumating ang binata.  Inayos nito iyon. Nalaman din ni Andres  na sumabog ang microwave oven nito. Nai-plug kasi niya iyon sa two hundred twenty volts gayong one hundred ten volts lang pala iyon. Halatang hindi nito nagustuhan ang nadatnan kaya bago umalis ay hindi magandang salita ang iniwan nito sa kanya.

"Baka naman sa susunod, eh, wala na akong datnang bahay."

Bagaman nasaktan siya ay naintindihan niya ang binata. Mula noon ay naging maingat na siya sa paggamit sa mga kasangkapan at kagamitan sa bahay nito. At para kahit paano ay makabayad sa pagmamagandang-loob nito, sinabi niya rito na huwag na muna nitong papuntahin ang housekeeper nito habang naroroon siya. Inako niya ang paglilinis ng buong bahay. At least, makakamenos iyon sa mga gastusin nito. Parang naging totoong bahay niya ang bahay ni Andres. Panay ang kantiyaw sa kanya ni Sandra.

"Mukhang masama na 'yan, Patty. Baka in love ka na sa may-ari ng bahay na 'yan. Look at yourself, blooming ka."

"Of course not! Malabong mangyari 'yon. Nakikisama lang ako sa lalaking 'yon."

"At bakit naman malabo, aber?"

"Alam mo naman kung sino ang laman ng puso ko, hindi ba?"

Itinirik ni Sandra ang mga mata nito. "Hay, naku, baliw ka kung maghihintay ka  sa pagbabalik ng first love mo, Patty. Hindi na siya babalik. Naghihintay ka lang sa wala."

Hindi siya nakaimik. Matagal na niyang tinanggap sa kanyang sarili na imposible na silang magkita ng first love niya. Nakapag-move on na siya. Sinabi lang niya iyon para hindi siya itukso ni Sandra kay Andres. Malabong magkainteres sa ibang babae si Andres, lalo na sa kanya dahil matagal na silang asar sa isa't isa. Hindi pa nakaka-recover si Andres mula sa heartbreak na dulot ng pagpapakasal ni Azenith sa ibang lalaki. Somehow, hanga siya kay Andres kung magmahal.

THE STORY OF US: PATTY AND ANDRES (published under PHR2370)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon