CHAPTER FOUR

18.6K 191 0
                                    


NAGTALO ang puso at isip ni Andres kung ano ang gagawin niya. Nagpaalam siya kay Mr. Salandanan bago siya lumabas ng bahay nito. Sinundan niya si Patricia. Naawa siya rito lalo na nang makita niya ang mga kalmot sa katawan nito. Umiiyak ito nang umalis kaya nag-aalala siya na baka kung mapaano ito sa daan.

May kasalanan din ito. Bakit pinatulan ni Patty ang madrasta nito gayong alam nitong buntis si Wilma? Hindi rin tuloy niya masisi si Mr. Salandanan kung nagalit man ito sa anak nito. Natural lamang na mag-alala ito sa kondisyon ng asawa.

Iwinaksi ni Andres sa isip ang mga negatibong bagay tungkol  kay Patty. Ayaw niyang maapektuhan ang desisyon niyang pagmalasakitan ang dalaga. Kailangan niyang maalalayan ito sa pag-uwi. Baka kung ano ang mangyari dito. Binilisan niya ang paglalakad. Sa pagmamadali ni Andres ay nawala sa loob niyang may sasakyan nga pala siya na maaaring gamitin sa paghabol dito.

"Patty!" tawag niya rito nang malapit na niyang abutan ito. "Mag-usap tayo!"

Lumingon lang ang dalaga pero hindi huminto. Naalarma siya nang makitang patawid ito ng kalsada. Tila hindi nito alintana ang parating na mga sasakyan. Napatakbo siya. Bago pa man ito mahagip ng isang kotse ay nahawakan na niya ang isang braso nito at nahila pabalik sa bangketa.

"Bitiwan mo ako!" Nagpupumiglas ito.

Natitigan niya nang malapitan ang mga gurlis sa pisngi at leeg nito. Parang gusto niyang iganti ito sa may gawa niyon. "Saan mo ba balak pumunta? Ihahatid na kita."

"No, thanks. Bitiwan mo na lang ako, puwede?"

Umiling siya. "Baka kung ano ang maisipan mong gawin. Sasamahan kita."

Sandaling natigilan si Patty. "Iniisip mo bang magpapa-kamatay ako? Hindi ko gagawin iyon. Ayokong bigyan ng rasong magdiwang ang madrasta ko."

Binitiwan niya ito. "All right, kalimutan mo muna ang nangyari. Kailangang magamot iyang mga kalmot mo."

"Salamat na lang pero wala ito. Huwag mo nang abalahin ang sarili mo sa akin. I can take care of myself." Pagkasabi niyon ay tumalikod ito.

Hinabol niya ito at muling pinigilan sa braso. "Kapag sinabi kong ihahatid kita, ihahatid kita. Sumunod ka na lang sa sasabihin ko. Okay?"

Masama pa rin ang mukha nito nang tingnan siya pero sumunod din ito sa kanya. Nang may makita siyang malapit na sari-sari store ay doon niya dinala ang dalaga. Umupo sila sa sementadong upuan sa harap niyon. Bumili siya ng dalawang bottled mineral water at ibinigay ang isa rito.

"Inutusan ka ba ng daddy ko na sundan ako?" tanong nito pagkatapos uminom ng tubig.

Umiling siya.

"Bakit nga pala kayo magkasama? Paano niya nalaman? I mean—"

"Nagpunta siya sa opisina ko kanina. May nakapagsabi raw sa kanya na may alam ako tungkol sa kinaroroonan mo. Hindi ko kayang magsinungaling sa daddy mo dahil nararamdaman ko ang paghihirap ng loob niya sa paghahanap sa iyo."

"Sino kaya ang nagsabi sa kanya?"

"Hindi na mahalaga iyon, Patty. Kung sino man siya, sigurado akong concerned lang siya sa inyong mag-ama."

Hindi ito nagsalita.

"Hintayin mo ako. Kukunin ko lang ang kotse ko."

Tahimik pa rin si Patty. Tila may malalim na iniisip ito.

"Gusto mo bang sumama na lang?"

Umiling ito.

"Okay, hintayin mo lang ako rito. Huwag kang aalis."

THE STORY OF US: PATTY AND ANDRES (published under PHR2370)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon