Wattpad Original
Mayroong 4 pang mga libreng parte

Chapter Three

140K 1.7K 18
                                    

"Hello, Lola? Opo, si Abby ito. La, didiretso po ako ngayon kina Cass... Opo do'n po muna ako matutulog sa unit niya... May naiwan naman po akong mga damit sa kanila, eh... Sige po, tatawagan ko na lang po kayo mamaya 'pag nakarating na po ako kina Cass... Opo... Sige po, La, bye."

Pinindot ni Abigail ang end call button saka ipinasok ang kanyang cellphone sa bag. Katatapos lang ng kanyang night shift na duty sa bahay ng mga Madrigal at ngayon ang off niya. Kapag nagkataon na off siya tuwing Sabado, sa condo unit ng kanyang bestfriend na si Cassandra Aquino siya tumutuloy. Off din ni Cassandra tuwing Sabado at Linggo. Ang isa pa nilang bestfriend na si Francine Montojo ay off din kapag Sabado. Kaya sa pagkakataong lahat sila ay walang pasok, nakagawian na nilang mag-over night sa unit ni Cass. Matagal na rin silang mag-bestfriends simula noong high school pa.

Sumakay sa loob ng elevator si Abigail at pinindot ang fifth floor na button. Nang makarating na sa fifth floor, dirediretso na niyang tinungo ang tinutuluyan ni Cassandra na nasa dulo ng pasilyo. Inilipat niya sa kabilang kamay ang mga bitbit niyang supot ng pagkain at dinukot ang susi sa kanyang bag, matapos ay binuksan niya ang pinto at pumasok sa loob.

Hindi naman kalakihan ang loft-type unit ni Cassandra ngunit kumpleto ito sa gamit, lalo na ang kusina na bukod sa usual na kasangkapan, may kasama pa itong oven dahil mahilig mag-bake si Cassandra. Inilapag ni Abigail sa mesa ang mga supot at saka binuksan ang mga ilaw. Mag-aalas-otso na kasi ng umaga at mayamaya ay uuwi na si Cassandra galing sa kanyang trabaho sa isang BPO company. Tuwing alas-nuwebe naman ang dating ni Francine sa unit.

Nagpapakulo ng tubig si Abigail nang marinig niya ang boses ni Cassandra. "Abby, ikaw na ba 'yan?"

Sumilip si Abigail sa sala mula sa may kusina. Halos magkakatabi lang kasi ang kusina, ang dining area at ang sala. "Oo Cass. Gutom ka na ba? Imi-microwave ko na ang pagkain."

"Mamaya na lang muna," sagot ni Cassandra na papalapit sa kanya. "Hintayin na lang natin si Francine para sabay-sabay na tayo mag-breakfast."

"Okay," sagot ni Abigail. Napaupo naman si Cassandra sa sofa at ipinikit ang mga mata. Mukhang pagod yata ang kaibigan niya. Hindi naman kasi biro siguro 'yong nasa telepono ka at sumasagot ng mga sunod-sunod na tawag nang otso oras. Nursing graduate din si Cassandra tulad niya at magkaklase pa nga sila noong college. Pero hindi talaga nursing ang gusto nitong kunin. Ang gusto talaga ni Cass ay Journalism, kaso ang daddy niya ang nagpumilit na nursing ang kunin nito bilang paghahanda para sa kursong medisina. Kaya matapos ng kanilang graduation at nakapasa ng board ay nagrebelde si Cassandra at bumukod sa mga magulang.

"Gusto mo ng kape, bes?" alok ni Abigail.

"Gatas pa siguro, bes," sagot ni Cassandra habang nakapikit pa rin ang mga mata. "Baka 'di ako makatulog niyan mamaya."

"Gusto mo bang ipagtimpla kita?"

"Salamat na lang, bes. Pero mamaya na lang siguro," turan naman ng kaibigan niya. "Iidlip muna ako, ha. Gisingin mo na lang ako 'pag dumating na si Francine." At saka naman bumagsak ang katawan ni Cassandra sa sofa at biglang humilik.

Natatawa't nailing na lamang si Abigail. Kahit kailan talaga, itong si Cassandra kahit saan ay nakakatulog. Walang pinipiling lugar at oras minsan. Kahit noong nasa kolehiyo pa sila ay natutulog ito tuwing Retorika class. "Hindi naman kasi natin major subject 'yon, eh," pagdadahilan pa nito noon sa kanya.

Bumalik sa pagtitimpla ng kanyang kape si Abigail. Black, no sugar. Gusto niya kasing subukan ang tipo ng kape na iniinom ni Lawrence. Baka magustuhan din niya ito at maging isa sa mga "something in common" nilang dalawa. Iinumin na sana niya ang kape nang dumating naman si Francine. Sumilip muli sa may kusina si Abigail at nakita niyang naghuhubad ng sapatos si Francine at inilapag ito sa may shoe rack sa may gilid ng pinto.

The LOVE DEALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon