KABANATA TATLO

42 3 0
                                    

KABANATA TATLO

Tulala si Adom habang nakapangalumbaba ito sa tabi ng kaniyang kaibigang si Abet na abala naman ngayon sa pagbibilang ng mga balat ng kendi. Kanina pa siya nito pasimpleng tinitingnan subalit kahit isang beses yata sa ginawang iyon ng kaniyang kaibigan ay hindi niya man lang ito binigyan nang pansin.

Nang hindi na matiis ni Abet ang nakikita niya kay Adom ay pansamantala na niyang itinigil ang pagbibilang bago tinapik ang balikat ng kaibigan na kanina pa nakatunganga. "Hoy, Adom! Kanina ka pa tulala r'yan, ah? Anong iniisip mo?"

"Ha? tanina ta pa ba riyan?" Tila natauhan namang bigla si Adom sa ginawang iyon ni Abet.

"Oo, kanina pa ako rito. Kasama mo kaya ako, 'di ba? Sabi mo, maglalaro tayo ng pera-perahan pero ako lang naman 'yong nagbibilang tapos ikaw tulala. Ano bang iniisip mo? Parang sobrang lalim naman yata niyan? Buong mundo ba 'yan?" may halong pagbibiro na tugon nito.

"Hindi Abet, no!" singhal ni Adom saka hinarap ang kaibigan. "Tahapon tasi, may nabentahan atong babae. Sabi niya, see you soon daw. Anong ibig sabihin no'n?" aniya.

"Hala! Maganda ba?" biglang tanong naman ni Abet.

"Ha? Batit mo naman natanong 'yan?"

"Eh kasi sabi nila, kapag pangit daw may masamang balak iyon sa 'yo. Kaya tanong ko kung maganda ba?" paliwanag nito.

Tila hindi naman kombinsido roon si Adom. "Maganda naman siya, Abet. Pero tahit gano'n, hindi naman yata tama na pagbasehan natin ang itsura ng mga tao, 'di ba? Tasi sabi ni Nanay, hindi raw nababase sa panlabas na anyo ang ugali ng mga tao."

Napaisip naman bigla si Abet sa sinabing iyon ng kaibigan. "Kung sa bagay, tama ka rin naman. 'Yon lang kasi ang paulit-ulit na sinasabi sa akin ni Nanay, eh! 'Wag daw akong magtitiwala sa mga kaduda-dudang tao."

"Gano'n ba? Siguro may taniya-taniyang dahilan lang ang mga nanay natin, noh? Sila na lang taya ang magtinda ng sampaguita sa simbahan?" pagbibiro ni Adom.

Nagtawanan silang dalawa at ipinagpatuloy na nila ang kanilang paglalaro.

"Oo nga pala, Adom. Sasabay na ba kayo sa 'ming magpa-enrol? Next week kasi, i-eenrol na ako ni Nanay, eh!" Sa gitna ng kanilang pagbibilang ng mga balat ng kendi ay naitanong iyon ni Abet kay Adom.

Tila napaisip naman si Adom sa sinabing iyon ng kaibigan. "Oo nga pala, no? Sige, itatanong to tay Nanay mamaya," sagot nito.

Nagkibit-balikat na lamang si Abet sa isinagot na iyon ni Adom bago nagputuloy muli sa pagbibilang.

Dumating ang araw na kinasasabikan ng ibang mga kabataan at lalong-lalo na ni Adom. Maaga siyang gumising upang makapag-asikaso ng mga kailangan nilang dalhin ng kaniyang ina patungo sa eskwelahan na papasukan niya sa susunod na buwan. Masayang-masaya siya sa mga oras na ito sapagkat sa wakas ay magiging isa na rin siya sa mga nakikita niyang estudyante na pumapasok sa paaralan noong nakaraang taon. At isa pa, magkasama pa sila ni Abet sa iisang eskwelahan kaya ganoon na lamang ang pagkasabik nito sa darating na pasukan.

"Handa na ba ang mga gamit mo, Anak?" nakangiting paalala ni Enelda kay Adom na ngayon ay nagsusuklay ng kaniyang buhok sa harap ng maliit at bilog na salamin.

Saglit nitong itinigil ang ginagawa bago nakangiting nag-angat ng tingin sa kaniyang ina. "Opo, Inay! Itaw na lang po ang hinihintay to para matatain na tayo," tugon niya.

"Aba! Mukhang excited na talaga ang anak ko, ha? O siya, sige. Halika na rito't nang makakain na tayo." Inilapag ni Enelda sa sahig ang dala-dala nitong dalawang plato at nag-umpisa na silang kumain.

The Journey of Adom (PUBLISHED UNDER H&K BPF PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon