KABANATA LIMA
Ilang linggo na ang lumipas simula noong nagsimula ang klase sa Francisco Binetez Elementary School ay tila bago pa rin ang lahat para sa batang mag-aaral na si Adom: patuloy pa rin niyang kinikilala ang kaniyang mga kaklase na hanggang ngayon ay pinagtatawanan siya sa tuwing magsasalita siya. Pilit pa rin siyang nakikihalobilo at nakikipagkaibigan sa mga ito kahit na nararamdaman niyang umiiwas ito sa kaniya. Inuunawa niya pa rin ang mga galaw nito kahit na ang totoo ay gulong-gulo na siya sa tanong na kung bakit ganoon na lamang ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya. Bago ang lahat para kay Adom, dahil tila araw-araw siyang nagsisimulang muli upang kilalanin ang mga tao sa bagong mundong kaniyang ginagalawan.
"Jasmine, puwede ba tayong maglaro?" tanong ni Adom sa kaklase niyang si Jasmine na mag-isang bumubuo ng building blocks.
Napangiti si Jasmine nang lumapit sa kaniya si Adom, subalit agad ding napawi iyon nang sumulpot bigla sa kanilang gilid ang pinakamataba at pinakamatangkad sa kanilang klase na si Dariuse. Kasabay ng biglaang pamumutla at panginginig ni Jasmine ay nakaramdam din siya ng takot para kay Adom dahil masama ang tingin dito ng bully nilang kaklase. Gustuhin man niya na ipagtanggol si Adom kay Dariuse gamit din ang matapang na pananalita ay hindi niya magawa sapagkat mas maliit siya at wala silang kalaban-laban dito.
"'Di ba sabi ko sa inyo, 'wag na 'wag niyong kakausapin ang bulol na 'to?" Nakakatakot ang boses na iyon ni Dariuse. Pinaningkitan niya ng mga mata si Jasmine habang si Adom naman ay nagtataka sa mga ikinikilos nila.
Madalas tuksuhin ni Dariuse si Adom tungkol sa pagiging bulol nito sa letrang K. Lalo na sa tuwing wala at lumalabas ng silid-aralan ang kanilang guro ay hindi nakakalampas ang isang minuto na hindi niya ito tinutukso. Gayon pa man, binbalewala lamang ni Adom ang ginagawa niyang iyon, kung kaya mas lalong tumindi ang inis niya rito.
"Batit bawal nila atong tausapin, Dariuse? Eh, maglalaro lang naman tami, eh!" nagtatakang wika ni Adom sa kaklase.
"Because I want to... Is there any problem?" balik tanong ni Dariuse.
Napalunok si Adom. Hindi pa siya marunong makaintindi ng salitang ingles pero nararamdaman niyang hindi maganda ang sinabi sa kaniya ng kausap. Bumaling siya ng tingin kay Jasmine na ngayon ay tila dahan-dahang lumalayo sa kaniyang tabi.
"J-Jasmine, san ta pupunta?" tanong niya rito. Akmang susundan na niya sana si Jasmine pero agad namang humarang si Dariuse sa kaniyang daraanan. Nag-angat si Adom ng tingin dito, kumunot ang kaniyang noo, at nakipagtagisan na rin siya ng tingin. "Paraanin mo ato, Dariuse. Maglalaro lang tami ni Jasmine," aniya, gamit ang nakikiusap na tinig.
Sa halip naman na sundin siya ni Dariuse ay ngumisi lamang ito sa kaniya bago malakas siyang itinulak na naging dahilan upang mapahiga siya sa sahig. Nagtawanan ang iba pa nilang mga kaklase na naroon habang si Jasmine naman ay agad na nasapo ang bibig gamit ang mga kamay dahil sa gulat.
"Adom!" Lumapit si Jasmine kay Adom at saka naupo sa tabi nito upang tingnan ang masakit na parteng iniinda nito. Nanliliit ang mga mata niyang nag-angat ng tingin kay Dariuse. "Bakit mo ginawa 'yon? Alam mo namang ang laki-laki mo, eh!" galit na bulyaw niya rito na naging dahilan upang tumigil ito sa pagtawa kasama ang dalawa pa nitong mga kaibigan.
Matalim siya nitong tiningnan. "Eh, hahara-hara siya sa dinaraanan ko, eh!" tugon nito sa kaniya bago dumapo ang masamang tingin nito kay Adom na ngayon ay marahan nang umuupo. "Oh ano, lampa? Tumayo ka nga riyan! Nagmumukha na akong masama kay Jasmine, eh! Sa susunod kasi, 'wag kang hahara-hara sa dinaraanan ko. Baka hindi lang 'yan ang abutin mo."
Nagsumikap na makatayo si Adom bago maayos na hinarap si Dariuse. "Hindi naman ato nataharang sa dinaraanan mo, ah? Itaw nga itong nataharang, eh!" singhal niya.
BINABASA MO ANG
The Journey of Adom (PUBLISHED UNDER H&K BPF PUBLISHING)
Conto🎖#5 in NONFICTION - January 16, 2019 🎖#1 in CHILDREN STORY - April 30, 2019 In Genevieve: The name ADOM has the meaning of God's blessing. Kaya naman ito ang naisipang ipangalan ni Enelda Tolentino sa kaniyang nag-iisang anak na lalaki simula noo...