KABANATA ANIM
"Okay ka lang ba, Adom? No'ng isang araw ka pa malalim ang iniisip, ah?" nag-aalalang tanong ni Abet kay Adom habang naglalakad sila patungo sa iskul. Hindi na sila sinasamahan ng kani-kanilang ina sapagkat magkasabay naman nila itong tinatahak.
Lumipas ang sabado at linggo na maraming iniisip si Adom tungkol sa kaniyang mga nakita. Hindi niya inaasahan na masasaksihan niya ang ganoong pangyayari sa pagitan nina Dariuse at ng kapatid nito; pagkatapos ng kaganapang iyon ay saka lamang nakompirma ni Abet kay Adom kung sino ang kausap ni Dariuse—ito ay ang kapatid niyang si Danielle na bully rin sa Grade I, Section Mangga. Ayon kay Abet, wala ring sinisino ang kapatid na iyon ni Dariuse. Minsan na rin siyang napag-trip-an nito noong unang araw ng klase, subalit hindi rin nagtagal iyon simula nang matutunan niyang lumaban dito. Nalaman niya rin na magkapatid ang dalawa sapagkat minsan na rin niyang narinig na tinawag ni Dariuse na 'Kuya' si Danielle sa loob ng canteen. Kaya naman ganoon na lamang kalalim ang pag-iisip ni Adom, iniisip niya na maaaring isa ito sa dahilan kung bakit mapanakit din sa iba ang kaniyang kaklaseng si Dariuse. Kung ano man ang puno't dulo niyon ay iyon ang ninanais niyang malaman.
"Ngayon, alam to na tung batit bully si Dariuse." Iyon lang ang tanging nasambit ni Adom sa kabila ng mga sinabi ni Abet.
Nagsalubong tuloy ang mga kilay nito. "Hindi ka pala nakikinig? Dami ko nang kinuwento tungkol kay Danielle, ah?"
Nakangiti namang hinarap ni Adom ang tila nagtatampong kaibigan nito. "Abet, narinig to ang mga sinabi mo. Taya nga nasabi to 'yon, eh! Tutulungan mo ato, 'di ba?" aniya.
At kahit na may konting tampo pang nararamdaman si Abet kay Adom ay napatango na lamang ito dahil alam niyang dawit na rin siya sa misyon-misyonang iyon ng kaniyang matalik na kaibigan. Noon pa man ay talagang magkasama na nilang hinaharap ang kanilang misyon sa pang-araw-araw. Sa totoo nga niyan ay may magic word din silang ginagamit bago umpisahan ang kanilang misyon o kung ano mang gawain na sabay nilang gagawin.
"Syempre naman, Adom. 'Di ba nga, tayo ang tinatawag na Double A Batts?" ani Abet na sinabayan naman ni Adom ang pagsambit nito ng katagang Double A Batts; iyon kasi ang tawag sa kanilang dalawa sa tuwing may gagawing mini misyon.
"Balitaan mo ato, Abet ah? Tita na lang tayo sa tanteen..." paalala ni Adom sa kaibigan nang makarating sila sa iskul, at pagkatapos ay naghiwalay na rin sila ng daan.
Narating na ni Adom ang kanilang silid-aralan. Nadatnan niya ang ilang mga kaklase na abala sa paglalaro habang si Jasmine naman ay seryosong nagdraw-drawing sa sarili nitong mesa. Napangiti siya sa kaniyang nakita. At nang iginala naman nitong muli ang kaniyang paningin ay doon niya napansing wala pa si Dariuse sa mesa nito; marahil ay late na naman iyon dahil sa hindi nila malamang dahilan.
"Okay, Kids! Labas na muna tayo para sa ating flag ceremony!" ani Teacher Raiza nang marinig ang pagtunog ng bell. Lumabas silang lahat sa kanilang silid at nagtungo sa red triangle upang doon pumila nang tuwid. "Kids, hands forward na! Panatilihing tuwid ang linya niyo pagkatapos niyan, ha?" utos niya sa mga estudyate nitong nagha-hands forward na. "Very good, Kids! Hintayin na lang nating magsimula." Nakangiti siyang tumayo sa dulong bahagi ng linya ng kaniyang mga estudyante at masugid na naghintay sa pagsisimula ng pag-awit ng Lupang Hinirang.
Habang abala ang lahat ng naroon sa pag-awit ng Lupang Hinirang, pasimple namang lumilinga-linga si Adom sa kaniyang paligid dahil nagbabakasakali siyang makikita niya roon si Dariuse. Napansin naman iyon ng kaniyang guro, kung kaya nang matapos ang flag ceremony at bumalik na sila sa kani-kanilang mga silid-aralan ay agad siya nitong nilapitan.
BINABASA MO ANG
The Journey of Adom (PUBLISHED UNDER H&K BPF PUBLISHING)
Short Story🎖#5 in NONFICTION - January 16, 2019 🎖#1 in CHILDREN STORY - April 30, 2019 In Genevieve: The name ADOM has the meaning of God's blessing. Kaya naman ito ang naisipang ipangalan ni Enelda Tolentino sa kaniyang nag-iisang anak na lalaki simula noo...