KABANATA LABINDALAWA
"Saan ba ang bahay niyo, Jasmine?" tanong ni Adom habang palipat-lipat ang tingin sa labas ng bintana at sa kaklase.
"Sa Maypajo lang, Adom..." tugon ni Jasmine.
Tumango lamang si Adom bago muling ipinagpatuloy ang panonood ng mga nakakasalubong na sasakyan sa labas ng bintana. Sa ilang sandali lang din ay narating na nila ang tapat ng bahay nina Jasmine na kung saan may isang babae ang nagmamadaling magbukas ng gate niyon nang bumusina ang kanilang sinasakyan.
"'Lika na, Adom..." pagyayaya ni Jasmine nang inihinto na ng driver ang sasakyan sa kanilang garahe.
Sumunod si Adom sa kaklase habang palinga-linga sa paligid; namimilog ang kaniyang mga mata dahil sa ganda at laki ng bahay na kaniyang nakikita hanggang sa makapasok sila sa loob. "Bahay niyo 'to, Jasmine?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Huminto si Jasmine sa gilid ng sofa at saka nakangiting hinarap si Adom. "Oo, Adom. Hintayin mo na lang muna ako rito, ah? Magbibihis lang ako," aniya sa kaklase at saka hinarap ang direksyon kung saan naroon ang kanilang kasambahay. "Manang, pakibigyan na lang po muna si Adom ng meryenda! Aakyat po muna ako sa taas saglit!" sigaw niya rito.
Mayamaya lang ay lumabas na ang isang matandang babae mula sa kusina at dumiretso sa kinauupuan ni Adom. Habang si Jasmine naman ay kasalukuyan nang umaakyat sa ikalawang palapag ng bahay upang magpalit ng damit.
"Anong gusto mo, Hijo? Juice, tubig o—"
"Tubig na lang po sa atin," agap ni Adom.
Nagtaka naman ang matanda. "Naku! 'Wag na po ako. 'Yong sa 'yo na lang po," sabi naman ng matanda.
Napapahiyang ngumiti si Adom at saka napakamot sa ulo. "Sorry po, ah? Bulol po tasi ato," pagtatapat nito.
Humulma ang letrang 'A' sa bibig ng matanda bago tumango-tango. Akmang tatalikod na sana siya upang tumungo sa kusina subalit napahinto siya nang biglang magtanong si Adom.
"Nasa'n po pala ang mga magulang ni Jasmine, Lola?" tanong niya.
Bahagyang humarap ang matanda sa kaniya. "Nasa ibang bansa ang mga magulang ni Jasmine, Apo. Ako at ang iba pang mga kasambahay lamang ang kasama niya rito," tugon nito na ikinalungkot ng reaksyon ni Adom.
"Gano'n po ba?" Malungkot ang tinig na iyon ni Adom. "Ang lungtot po siguro n'on, no? 'Yong hindi mo tasama ang mga magulang mo sa malating bahay," aniya na siyang ikinalungkot din ng reaksyon ng matanda.
"Tama ka, Hijo. Mabuti nga ngayon, nakapag-adjust na ang batang 'yon, e! Dati kasi, madalas siyang magmukmok at umiyak sa loob ng kuwarto niya," tugon ng matanda. Saglit na naghari ang katahimikan sa pagitan nila bago muling nagsalita ang matanda. "Kaya sana, bilang kaibigan ay mapasaya mo ang alaga ko, ah? Hindi rin kasi biro ang lungkot na pinagdaraanan ng batang iyon, eh. Naiintindihan ko naman na kailangang kumayod ng mga magulang niya para mabigyan siya ng magandang kinabukasan, pero naiintindihan ko rin ang nararamdaman ng batang 'yon lalo na sa mga oras na kailangan niya ng mga magulang," dire-diretsong saad ng matanda.
Nakombinsi naman si Adom sa pahayag na iyon ng kausap kung kaya agad siyang sumang-ayon dito. Nagkaintindihan sila sa kung ano ang nais iparating sa kaniya ng matanda tungkol sa kaklase nitong si Jasmine. Ilang sandali ay nagpaalam na rin ang matanda na tutungo na siya sa kusina upang kuhaan siya ng meryenda. Sakto namang pababa si Jasmine kaya lumipat ang paningin niya rito at sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makaupo sa katabing sofa na inupuan ng matanda kanina.
"Bakit, Adom?" nagtatakang tanong ni Jasmine sa kabila nang pananatili ng ngiti nito sa mga labi.
Napakurap si Adom at nauutal na sumagot. "G-Gusto mo ba maglaro tayo ng pera-perahan?" sabi niya na lang.
BINABASA MO ANG
The Journey of Adom (PUBLISHED UNDER H&K BPF PUBLISHING)
Short Story🎖#5 in NONFICTION - January 16, 2019 🎖#1 in CHILDREN STORY - April 30, 2019 In Genevieve: The name ADOM has the meaning of God's blessing. Kaya naman ito ang naisipang ipangalan ni Enelda Tolentino sa kaniyang nag-iisang anak na lalaki simula noo...