Ikapitong Lamutak

5.2K 104 8
                                    

ISANG masayang ngiti ang bumungad kay Haru nang magmulat siya ng mga mata. Nakatulog na pala siya sa pagbabantay sa Nanay Conching niya kaya hindi niya namalayang nagising na pala ang kanyang mahal na ina.

"Kanina pa ba kayo gising, 'Nay?" agad niyang tanong dito. "Kumusta na ang pakiramdam mo? May masakit pa ba?"

"Kumikirot nang konti itong opera ko, pero kaya ko naman. Maraming salamat, anak. Kung hindi mo ako nadala agad dito sa ospital, baka kung ano na ang nangyari sa akin."

"Nanay kita. Siyempre, obligasyon kong alagaan ka. Alam mo naman, 'Nay na gagawin ko kahit ano, para sa'yo." Nangilid ang luha ng nanay niya sa sinabi niyang iyon. Kung hindi lang siguro ito bagong opera ay baka nayakap na siya nito.

"Salamat, anak. Ang iniisip ko lang ngayon ay kung saan tayo kukuha ng perang pambayad dito sa ospital." Biglang nag-alala si Nanay Conching.

"Huwag n'yo nang isipin iyon, 'Nay. Ako na ang bahalang dumiskarte," paninguro pa niya. "Sabi ng doktor, kung walang magiging komplikasyon ay puwede ka nang lumabas sa Sabado." Hindi na sinabi ni Haru sa kanyang ina na bago pa siya nakatulog sa pagbabantay rito ay nagpunta na siya sa cashier at inalam kung magkano aabutin ang magagastos dito sa ospital. Malaking halaga ang kakailanganin at hindi siya sigurado kung saang kamay ng Diyos kukunin agad-agad ang halagang iyon. Pero ayaw na niyang madagdagan pa ang alalahanin ng kanyang ina. Hindi bale nang siya na lang ang mamroblema.

NANG magkita sila ni Jep sa spa ay alam na niya kung anong isasagot sa iniaalok nitong trabaho. Iniwan niya sandali sa ospital ang kanyang ina para makipag-usap sa kanyang boss.  Importanteng malaman nito ang kanyang kasagutan bago pa nito ialok sa iba ang trabahong gustong ibigay sa kanya.

"Nakapagdesisyon ka na ba?" malumanay na tanong ni Jep. Para bang balewala naman dito kung tatanggapin man o tatanggihan ni Haru ang trabahong iniaalok nito.

"Kung tatanggapin ko ang trabaho, puwede ba akong humingi ng dalawang kondisyon?" diretso niyang tanong kay Jep habang nakatingin sa mga mata nito.

"Ano 'yon?" Bahagyang nagsalubong ang kilay ng lalaki.

"Nasa ospital ang nanay ko, inoperahan siya. Gusto ko sanang humingi ng advance payment na sapat para mabayaran ko ang bill sa ospital."

Walang reaksyon sa mukha ni Jep pero muli itong nagtanong, "Ano 'yong isa pang kondisyon?"

"Na uuwi ako sa bahay namin tuwing Sabado at babalik lang ako sa bahay ng amo ko sa Linggo ng gabi."

"Iyon lang ba?" tanong ni Jep.

"Oo," maikli niyang sagot.

"Kung ganoon, sa lunes ka na mag-uumpisa sa bago mong trabaho. Dadaanan kita doon sa lugar n'yo." May kinuha si Jep sa drawer ng mesa nito. Isang kontrata. "Pirmahan mo na muna itong kontrata, katunayang tinatanggap mo ang trabaho. Bibigyan na lang kita ng kopya kapag napanotaryo ko na. Basahin mo muna."

Tinanggap ni Haru ang kontrata at walang pag-aalinlangang pinirmahan ito. "Hindi ko na babasahin, may tiwala naman ako sa'yo."

Nagkibit-balikat lang si Jep. "Ikaw ang bahala."

"Sige, Jep. Aalis na ako," sabi niya pagkatapos ibalik kay Jep ang pirmadong kontrata. "At saka pala, hindi muna ako papasok ngayon dahil walang kasama sa ospital ang nanay ko."

"Walang problema. Okay lang kahit hindi ka na pumasok. Magkita na lang tayo sa lunes para sa bago mong trabaho," sabi sa kanya ni Jep habang nakangiti. "Okay?" Tumayo si Jep at inilahad sa kanya ang kamay na agad naman niyang inabot kasabay ang pagtayo rin.

"Maraming salamat, Jep."

"Kailan mo kailangan ang pera?" tanong nito? "Magkano?"

"Sa Sabado sana," sagot niya. "One hundred fifty thousand."

DAMPI NG APOYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon