Ikawalong Dama

4.4K 97 10
                                    

INALALAYAN ni Haru si Nanay Conching habang pababa ito ng taksing sinakyan nila mula ospital papunta sa kanilang bahay. Hawak-hawak niya ang kanang braso nito para masigurong hindi ito matutumba. Nakasukbit naman sa katawan niya ang isang bag na puno ng mga gamit ng kanyang ina. Pagkatapos ay inakay niya ito habang papasok sa kanilang bahay.

Pagpasok sa loob ay pinaupo muna niya ito sa sofa na nasa kanilang maliit na salas.

"Magpahinga ka muna riyan, 'Nay. Ipapasok ko lang sa loob itong bag ng mga gamit mo. Tapos, maghahanda na ako ng makakain natin," sabi pa niya na bahagyang nakangiti at maaliwalas ang mukha. Kahit naman problema ang pinagdaan niya nitong nakaraang mga araw, hindi pa rin nawawala ang positibo niyang pananaw sa buhay.

Naalala ni Haru na sa lunes na nga pala siya dadalhin ni Jep sa bago niyang trabaho. Kailangang makausap na nila ngayon ang pinsan niyang si Marky para may makasama sa bahay ang nanay niya. Kung may pera lang sana siya, mas gugustuhin na niyang ikuha na lang ng kasambahay ang nanay niya kaysa naman tumira sa bahay nila ang Marky na 'yon. Hindi talaga siya komportable na makita ang pinsan niyang iyon.

Lagi na lang niyang naaalala ang mga ginawa ni Marky sa kanya. Pagtagal ay naisipan din niyang magsumbong sa kanyang mga magulang, pero hindi naman siya pinaniwalaan ng mga ito. Ang akala pa nga ng tatay niya ay gumagawa lang siya ng kung anu-anong tsismis. Iyon daw ang napapala niya sa kapapanood ng kung anu-anong palabas sa telebisyon. Kaya nga siguro mas lumakas pa ang loob ng pinsan niya na gawin nang paulit-ulit ang mga ganoong kahalayan, dahil alam nitong wala namang mangyayaring masama kahit pa nga magsumbong siya sa kanyang mga magulang. Natigil lang ang mga pinagagawa sa kanya ni Marky noong lumipat ng tirahan ang buong pamilya nito kaya bihira na itong makapunta sa kanila. Tatlong taon din iyon. Tatlong taon din siyang nakaranas ng kamunduhan sa kamay ng pinsan niya.

"Ako na lang ang tatawag kay Marky," sabi ng nanay niya habang kumakain sila.

"Kayo po ang bahala," sagot niya pagkatapos tapunan ng sulyap ang kanyang ina. Ipinagpatuloy niya ang pagkain habang si Nanay Conching ay may sinasabi pa.

"Tatawagan ko na mamaya, para makapaghanda na siya ng mga dadalhin niyang gamit."

"Para namang sigurado kayo na papayag 'yon na tumira rito," giit niya.

"Papayag iyon. Mabait ang pinsan mong iyon. Hindi ba't binabantayan ka rin niya noong bata ka pa?"

Hindi siya sumagot.

"At saka, pabor rin naman sa kanya. Mas malapit na sa trabaho niya kung dito na siya titira," dugtong pa ng nanay niya. "Basta, tiwala ako na mapapapayag ko ang pinsan mong si Marky."

Pagkatapos kumain ay nagpahinga sa kuwarto si Haru. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya. Nagising lang siya nang makarinig ng mga katok sa pinto.

Kahit inaantok pa ay bumangon siya at pinagbuksan ang kumakatok.

"O, 'Nay bakit po?"

Pumasok sa loob ng silid ni Haru si Nanay Conching. "Nakausap ko na si Marky. Sabi ko sa'yo papayag iyon, eh."

Pakiramdam ni Haru ay nawala ang kanyang antok dahil sa sinabi ng ina. "Kailan daw po siya pupunta rito?" naitanong niya sa kawalan ng sasabihin.

"Bukas. Sabi ko sa kanya, bukas na lang. Kasi sa lunes ka pa naman magsisimula sa bago mong trabaho," nakangiting sagot ng kanyang nanay.

"Mag-iingat ka rito, 'Nay. Hindi bale, nandito naman ako tuwing Sabado at Linggo. Kahit paano matitingnan ko pa rin kayo. Kapag may problema, tawagan n'yo agad ako," bilin niya sa kanyang ina.

"Oo, ako na ang bahala," paniniguro pa nito. "Huwag mo akong masyadong iniintindi. Kaya ko pa naman. Malakas pa ako..."

Hindi na nakipagtalo pa si Haru. Gagawin na lang niya ang abot ng kanyang makakaya para maalagaang mabuti ang nanay niya. Lahat ng ginagawa niya ay para rito. Mahal na mahal niya ang kanyang Nanay Conching.

DAMPI NG APOYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon