PAGKATAPOS kumain ay tinawag ni Xion ang kasambahay nilang si Callie.
"Samahan mo si Haru sa magiging kuwarto niya," utos ni Xion sa babae na agad namang tumango at tumingin kay Haru.
"Halika, sumunod ka sa akin," sabi nito kay Haru. Magkasunod na naglakad ang dalawa papunta sa magiging silid ni Haru sa bahay na iyon.
"Uuwi na ako, Xion," untag naman ni Jep. "Amelia, aalis na ako."
"Mag-iingat ka sa pagmamaneho. Mahirap maaksidente. Tingnan mo ang nangyari sa akin..." paalala ng asawa ni Xion.
"Lagi akong nag-iingat. Salamat sa masarap na pananghalian. Tutuloy na ako."
Mabilis na hinawakan ni Xion ang wheelchair ni Amelia. "Ihahatid ka na namin hanggang sa sasakyan mo."
"Well, kayo ang bahala..." nakangiting sagot ni Jep at kampanteng naglakad papunta sa kanyang nakaparadang sasakyan.
"Dreb, buksan mo ang gate," utos ni Xion sa lalaking bantay at siya ring nagbukas ng gate kanina.
Mabilis na kumilos si Dreb para sundin ang utos ng kanyang amo.
Kumaway pa si Jep sa mag-asawa bago nito pinaandar ang kotse at saka nilisan ang lugar na iyon.
ANG magiging silid ni Haru ay malaki. Hindi niya inaasahang ganito ang kuwartong ibibigay sa kanya ng mga bago niyang amo. Kung sabagay, baka wala namang maliit na kuwarto ang bahay na ito. Hindi bagay ang maliit na silid sa isang bahay na malaki at magarbo.
"Katabi nitong kuwarto mo ang kuwarto ko. Katabi naman ng kuwarto ko, ang kuwarto ni Dreb," pagbibigay impormasyon ni Callie.
"Sino si Dreb?"
"Ah, driver ni Ma'am Amelia si Dreb. Kapag kailangan ni Ma'am Amelia na pumunta sa opisina, si Dreb ang naghahatid sa kanya roon. Malamang, sa susunod na pumunta ng opisina si Ma'am, kasama ka na," patuloy na pagkukuwento ng babae.
"Matagal ka na ba rito?" tanong ni Haru.
Umiling ang babae. "Hindi. Magtatatlong buwan pa lang ako rito. Sige, may gagawin pa ako, eh. Dito ka na lang muna. O, kaya naman ay kausapin mo ang mga amo natin, baka may ipagagawa sa'yo." Kumindat pa sa kanya ang babae at saka siya iniwan nito.
Nang nakatalikod na si Callie ay saka napansin ni Haru ang kakaibang pag-imbay ng balakang nito. Seksi si Callie, hindi iyon maipagkakaila ng mahubog nitong katawan. Ang balakang nito ay senswal din kung umindayog habang naglalakad. At kanina, habang kausap niya ito ay hindi nakaligtas sa kanya ang mapang-akit nitong anyo. Napakaganda ni Callie. Walang mag-iisip na isa itong kasambahay dahil kuntodo make-up pa ito at sunod sa uso kung pumorma.
At kumindat ba ito sa kanya kanina nang magpaalam na aalis na?
Whew!
Napailing na lang si Haru habang natatawa.
Inayos niya ang kanyang mga damit sa clothes organizer na nasa kuwarto. Iilang piraso lang naman ang mga damit niya kaya hindi nagtagal ay naisalansan na niyang lahat ang mga ito.
Lumabas siya ng silid. Nakasalubong niya si Xion.
"Sumunod ka sa akin. May pag-uusapan tayo," sabi nito sa kanya kaya napasunod siya rito.
Pumasok sila sa isang silid na mistulang isang opisina ang ayos. Umupo si Xion sa silyang nasa likuran ng isang office table.
"Take a seat, Haru," utos ni Xion habang nakatingin sa kanya.
Walang kibong sinunod niya ang sinabi ng kanyang bagong amo.
"Alam kong nasabi na sa'yo ni Jep kung ano ang magiging trabaho mo rito. Now, I want to know kung naiintindihan mo lahat ng sinabi niya." Hindi inaalis ni Xion ang tingin kay Haru.
BINABASA MO ANG
DAMPI NG APOY
Fiksi UmumSi Haru ay isang lalaking kumikita sa pamamagitan ng pagmamasahe sa kanyang mga kostumer. Wala siyang pinipili, babae man, lalaki o kahit maging miyembro pa ng ikatlong kasarian. Para sa kanya, ang ginagawa niya ay isang trabaho na kailangan niyang...