Mahigit isang taon na ang nakakalipas nang makipaghiwalay si Audrey sa dating boyfriend na si Mark. Masasabi nyang kahit papaano ay naka move on na siya. Ngunit wala pa din sa loob niya na tumanggap muli ng bagong makakarelasyon. Isinubsob ang sarili sa trabaho at paminsa'y sumasama sa mga katrabaho na lumabas. Malayo ang pamilya ni Audrey kaya't umuupa lamang siya ng isang studio type condo sa Makati. Trabaho at bahay lamang ang naging buhay niya sa loob ng isang taon at mahigit na siya ay single.
"Audrey", si Jen, kaopisina ni Andrea na nasa HR Department. "Approved na pala yung 1 week leave mo, mukang matagal tagal bakasyon mo ah".
"Wala naman, gusto ko lang magpahinga at bumiyahe", nakangiting sagot ni Audrey.
Nagising si Audrey pasado alas dos na ng hapon. Nakahanda na ang mga gamit na inimpake ng nakaraang araw. Hindi na nagawang mag-meryenda, ay nilisan ang apartment at nag-book ng grab patungo sa terminal ng bus sa Cubao. Diretsong Sagada ang bus, "bahala na pagdating doon" aniya sa sarili. Wala siyang kahit anong plano o itinerary man lamang, wala siyang balak mamasyal o anupaman, gusto lamang niya ay bumiyahe ng malayo, malayong malayo.
Trenta minutos na lamang para mag 9:00PM at aalis na ang bus, hindi niya alam kung saan ang stop over kaya't bumili na siya ng pagkain at tubig kung sakaling magutom. At matulog lamang ang naiisip niyang gawin sa oras ng biyahe.
"Miss, may nakaupo na ba dito?", boses ng isang babae.
Napatingin si Audrey sa babae sabay alis ng kaniyang bag sa bakanteng upuan.
"Wala pa".
"Salamat".
Dalawang oras na ang nakakalipas nang magising si Audrey. Waring sinulyapan ang katabi, tulog na tulog ito. Pinagmasdan niyang sandali ang natutulog na babae, maganda at maamo ang mukha na sa tingin niya ay hindi sila nagkakalayo ng edad. "Ano kayang gagawin nito sa Sagada", aniya sa sarili.
"Stop over po tayo, sa mga gustong mag CR dyan, Nueva Ecija na po ang susunod", bahagyang sigaw ng konduktor.
"Miss bababa ka ba?", tanong ng katabing babae kay Audrey.
"Ah, hindi", parang nahihiyang sagot ni Audrey na nakatitig sa mga mata nito. Hindi maintindihan ang sarili kung bakit nakakaramdam ng kaba at pagka excite.
"Pwede bang makisuyo ng gamit ko? CR lang ako", wika ng babae.
"Sure".
"Thanks", nakangiting bawi ng babae.
Mga ilang minuto lamang ang nakalipas at nakabalik ang babae.
"Thanks ha", pasasalamat ulit ng babae.
"Welcome", ginatihan niya ng matamis na ngiti ang babae.
Nagulat na lamang siya nang biglang nagpakilala sa kanya ang katabi. "I'm Paige by the way", nakangiting inihahain ang kamay upang makipag hand shake kay Audrey. "I'm Audrey", pagpapakila niya.
May konting tumutusok sa kanyang puso sa tuwing mapapasulyap siya kay Paige, na para bang gusto na lamang niyang katabi ito. Na hinihiling niyang sana ay mas mahaba pa ang biyahe, mas mahaba pa sa siyam na oras. Pilit na kinukumbinsi ang sarili na baka nagagandahan lamang siya kaya ganoon na lamang ang nararamdaman, alam niya sa sarili niyang hindi siya lesbian o bisexual.
"Pauwi ka ba or travel lang?", si Paige.
"Ha? Bakit?", gulat si Audrey kaya "bakit" lamang ang naisagot.
"Nothing, just trying to make a conversation", nakangiting wika ni Paige.
"Um, wala lang, gusto ko lang bumiyahe", sagot si Audrey.
"That's it?"
"Yep", nakangiting sagot ni Audrey.
Nakaramdam ng gaan ng loob si Audrey habang nakikipag kwentuhan kay Paige. Sa haba ng biyahe ay madami-dami na din silang napag usapan, about work, life, family at mga interests nila.
Stop over sa Nueva Ecija, niyaya ni Paige na sabay na sila kumain, wala namang pag aalinlangang tinaggap ni Audrey ang invitation.
"Oh, so ikaw lang mag isa sa Manila? As in wala kang relatives?", si Paige, bilang pagpapatuloy sa kanilang kwentuhan habang kumakain.
"Yes, medyo malungkot pero ok na din", sagot ni Audrey.
Nagpatuloy ang biyahe nila ng ilang oras pa at kapwa nakatulog. Nagising si Audrey dahil may bumagsak sa kaliwang balikat nito. Si Paige, sa sobrang lalim ng tulog hindi na naramdamang humihilig na ang ulo sa balikat ni Audrey. Napangiti lamang si Audrey at hinayaan si Paige, bagkus, iniayos niya ang pagkakahilig nito, waring nakuryente siya nang mahawakan niya ang mukha ni Paige, idinikit niya ang pisngi sa ulo nito at bumalik sa pag tulog.
"Shocks! Sorry! Sorry!", nahihiyang wika ni Paige, nagising ito na nakahilig sa balikat ni Audrey.
"Ok lang, lakas ng hilik mo", natatawang sagot ni Audrey. Ilang oras pa lamang silang magkasama pero magaan ang pakiramdam niya kay Paige, na parang kilala na niya ito.
"Ay grabe ka, hindi ako humihilik", hiyang hiyang sagot ni Paige.
Malapit na silang makarating ng Sagada. Parang tila nakaramdam siya ng lungkot, na sa isip niya ay dito na nagtatapos ang maiksi nilang pagkakaibigan.
"Saan ka pala magsstay?", tanong ni Paige sa kaniya.
"Wala pa eh, wala akong itinerary", sagot ni Audrey.
"Gusto mo travel na lang tayo together? Wala din naman akong kasama e", anyaya ni Paige.
Waring nabuhayan ng loob si Audrey, na ang saya saya ng pakiramdam niya. Napansin ni Paige na parang natulala ng sandali si Audrey. "Audrey?, Ok ka lang? Ano gusto mo bang mag site seeing na lang with me?", ulit na tanong ni Paige. Parang kinilig si Audrey sa parteng "site seeing with me". "Oo naman, sakto lang para hindi boring", sagot ni Audrey na pilit na kinakalma ang sarili dahil sa sayang nararamdaman.
"Ok lang ba sayo na share na tayo ng room?", tanong ulit ni Paige.
"No problem, share na lang tayo sa fee"
"No, it's ok, bayad na naman yung room, 2 months ago pa", nakangiting wika ni Paige.
Matagal na pala ang plano ni Paige na mag-travel patungong Sagada, ang ipinagtataka ni Audrey ay kung bakit, dahil sa pagkakaalam niya, ang mga nagtutungo ng Sagada ay mga broken hearted lamang, ngunit sa observation ni Audrey ay mukang hindi naman broken hearted si Paige. Ngunit natawa na lamang sa sarili dahil bakit naman siya ay nagtungong Sagada, ibig sabihin broken hearted siya.