WaLANG hindi nakakakilala kay Miranda Alcaraz sa bayang iyon. Nag-iisang anak. Maganda, mayaman, at matalino. At kung mayroon ka pang nais ipakahulugan sa letrang 'M' ay si Miranda iyon.
"Ano na naman ang dahilan, Miranda, at ipinatatawag na naman ako ng principal?" tanong ni Armando. Nakapamaywang na hinarap ang anak na nakadapa sa sofa.
"Kinukunsinti mo ba naman ang mga kalokohan niyang anak mo, eh," sabad ni Aurea, ang babaeng ipinanhik ng kanyang ama bilang kahalili ng mommy niya.
Matalim na sinulyapan ng dalagita ang babae.
"Ano ba ang nangyari, hija?" muling usisa ni Armando.
Bumangon si Miranda. Inihagis sa mesa ang binabasang magazine.
"Sinikmuraan ko iyong bagong instructor ng P.E. namin."
"Sinikmu... Miranda!"
"Eh, kasi naman, Papa. Pinipilit niya akong turuang lumangoy dahil swimming lesson namin. Ang sabi ko ay mas mahusay pa akong lumangoy sa kanya kaya iyong iba na lang. Hinahawakan niya ako nang pilit sa balikat. Kaya 'ayun, nakatikim siya..."
Napahawak sa noo nito si Armando. "Anak, hindi ka ba naman makapagpasensiya? Umiwas nang maayos kaya o huwag na lang kumibo?"
"Hindi ba at ginawa ko na iyang sinasabi ninyo? Iyong muse ng basketball team namin. 'Di ba, hindi ko pinapansin kahit panay ang pang-iinis sa akin na hindi ako ang nakuhang muse? Wala raw nagawa ang pera ko. Kesyo mataray lang ako dahil mayaman tayo at kung ano-ano pang pinagsasabi."
"Isa pa iyon. Pagpapasensiya ba iyong pinadugo mo ang bibig noong pobreng bata."
"Hindi ko na nga siya pinapansin pero ayaw namang tumigil."
"Alam kasi niyang anak mo na aayusin mo ang mga kalokohang ginagawa niyan, kaya 'ayan, abusada," si Aurea uli.
Kung nakamamatay ang tinging ipinukol ng dalagita sa babae ay natumba na ito. Kulang pa lamang isang taon ito sa kanila. Dinala ito ng ama niya isang araw. Tagakabilang bayan at guro sa provincial school doon.
Kulang na lang sa mga ito ay kasal. At iyon ang hindi niya mapapayagan. Sinabi niya sa papa niyang lalayas siya oras na pakasalan nito ang babae. Naniniwala si Armando na gagawin nga ng anak iyon. Kakampi ng dalagita pati na si Soledad na kapatid ni Armando.
Kaya naman ganoon kabigat ang loob ni Aurea sa kanya. Hindi na rin ito nagtuturo dahil nga hindi naman kasal sa ama niya. Sa unang mga buwan lamang siya nito pinakitaan ng kabaitan. Nitong huli ay lumabas din ang tunay na kulay.
At magmula nang dumating ang babaeng ito sa villa ay tila reyna na kung magkikilos. Bawat sabihin niya ay kinokontra. Bawat iutos niya ay ipinababago. At kung hindi lang dahil sa papa niya'y pinatulan na niya ito. Tuloy ang galit at sama ng loob niya kay Aurea ay sa ibang tao niya naibubunton.
"Anak, ga-graduate ka na sa taong ito sa high school. Sana naman ay matutuhan mong umiwas sa trouble. Ipangako mo sa aking huling pag-aayos ko na ito sa mga kalokohan mo."
"I promise..." matabang niyang sagot na sinabayan ng pasok sa silid.
Saka pa lang pumasok uli sa eskuwela si Miranda nang maayos ni Armando ang tungkol sa P.E. instructor.
"Miranda, nasa labas ng gate ang mayabang mong manliligaw. Inaabangan ka yatang sadya," si Aileen. Classmate at kaibigan niya. Anak ng isa sa mga tauhan ng Rancho Alcaraz.
"Hayaan mo siya. Binasted ko kasi iyan noong isang araw. Akala kasi komo star player at guwapo ay type ko na."
"Paano naman kasi, ang daming may crush diyan."
"Sila lang."
"At ang ama niyan ay bise mayor sa kabilang bayan kaya malakas ang loob."
"Naku, Aileen, ha. Alam mong pinsang buo ng mommy ang governor sa lalawigang ito pero hindi ko ipinagmamayabang. Katunayan nga, hindi lahat ay nakakaalam noon."
"Kunsabagay."
Sa labas ng gate ay humarang sa kanila si Randy Alfonso. Sa likod nito ay ang mga barkada.
"Hi, beautiful!"
"Paraanin mo kami, Randy. Nagmamadali ako."
"Bakit ba ang sungit mo? O, sige, ibi-breyk ko na si Trixia bukas basta ba magsyota na tayo ngayon."
Naningkit ang mga mata ng dalagita. "Hindi kita type. Masyado kang mahangin para sa akin."
"Playing hard to get ka lang, eh. Kung hinahalikan kita dito sa maraming tao di natauhan ka?" Pinitik nito ang hawak na sigarilyo at lumingon sa mga kabarkadang nagtawanan.
"Subukan mo at tinitiyak ko sa iyong pagsisisihan mong naisip mo man lang iyon!"
"Subukan daw, o?" Nilingon nito ang mga barkada na nagkantiyawan. "O, di pagbigyan..." Kasabay niyon ay niyakap si Miranda at pinagha-halikan.
Nagpipiglas ang dalagita ngunit dahil malaki at mataas ang lalaki ay wala siyang nagawa. At nang muli siyang hagkan nito ay kinagat niya sa labi.
"Aray!" sigaw ng binatilyo. "Hayup kang babae ka..." At isang malakas na sampal ang ipinadapo nito sa pisngi ni Miranda.
Biglang nag-atrasan ang mga naroong nanonood pati na ang mga barkada ng lalaki.
Itinaas ni Miranda ang mukha at tinitigan ang lalaki. Nag-aapoy ang galit sa mga mata niya.
"T-tayo na, Miranda..." yakag ni Aileen. Tiningnan ang binatilyong ngingiti-ngiti.
"Pipiliin mo ang tatarayan mo, ha!" pahabol nitong sigaw nang malayo-layo na ang dalawa.
"Huwag mo siyang pansinin, Miranda," ani Aileen na hawak pa rin sa braso ang kaibigan. Kinakabahan itong may kasunod pa ang nangyari.
"Titiyakin kong hindi na niya mauulit pa ang ginawa niya, Aileen!" may banta sa tinig niya na lalo pang nagpakaba sa kaibigan.
Kinabukasan ay hindi pumasok si Miranda. Itinaon niyang naglalaro ng basketball ang mga player nang patakbuhin niya sa loob ng compound ng eskuwela ang kabayong si Ivory.
Nagpulasan ang mga estudyanteng nadaanan niya. Sa mismong gitna ng basketball court ay pinahinto niya si Ivory. Biglang naghiwalay ang mga nabiglang manlalaro.
Kahit ang coach-teacher na lalaki ay hindi nakakilos sa pagkabigla sa paglitaw ng malaking kabayong puti sa gitna ng court.
Hinarap ng kabayo si Randy na bahagyang nagulat.
"Ikaw, inabangan mo ako sa labas ng school premises para bastusin. Duwag ka kasi. Wala kasing sinabi ang tatay mong vice mayor!" umaalingawngaw ang tinig ng dalagita. "Ako, kaya kong gawin sa iyo ang anumang gusto kong gawin kahit pa saang impiyerno!"
"Eh, Miranda..." kahit nabigla ay sinikap pa ring magpakatatag ni Randy.
"Sinabi ko na sa iyo kahapon na pagsisisihan mong naisip mo man lang na bastusin ako. Ngayon, pagsisisihan mong may nakilala kang 'Miranda Alcaraz!'"
Umigpaw ang kamay ni Miranda na may hawak ng latigo sa katawan ng hindi nakakilos na si Randy. Sunod-sunod na hagupit ang ginawa niya rito.
Punit na ang uniporme nito ay ayaw pang tigilan ni Miranda. Saka pa lang nakabawi sa pagkabigla ang coach nang sumigaw ng tulong si Randy.
Mabilis nitong hinawakan at pinigil ang kamay ni Miranda na may hawak ng latigo.
"Miranda, tama na!"
"Magkita tayo kahit saan mo gusto, Randy Alfonso!" huling salitang binitiwan ng dalagita bago muling pinatakbo palabas ng eskuwelahan si Ivory.
Nagdemanda ang mga magulang ni Randy. Subalit agad ding namatay ang balitang demanda. Kung bakit ay walang makapagsabi. Hindi na rin tinapos ni Randy ang huling taon nito sa high school sa paaralang iyon.
Nasa unang taon na ng kolehiyo si Miranda ay hindi pa rin nakalimutan ng lahat ang pangyayaring iyon. Maliban sa mga trouble na ginagawa ni Miranda ay walang masasabi ang mga professor niya sa kanya. Matalino at behaved siya sa klase.
BINABASA MO ANG
Mga Latay ng Pag-ibig by Martha Cecilia
Romance"The she-devil had no right to torture him like this. Just the sight of her made him not all over!" Walang hindi nakakakilala kay Miranda Alcaraz sa bayan nila. Unica hija ng isang ranchero. Kasama ng kabayong si Ivory ay hindi iilang tao ang duman...