MaLAYO pa si Miranda ay natanawan na siya ni Daniel. Naitanong ng binata sa sarili kung ano ang kailangan ng dalaga rito?
"Hi," bati ni Miranda matapos itali sa bakod na
kahoy si Ivory. 'Hindi lumingon si Daniel. Patuloy sa ginagawang paglalagay ng mga pagkain ng manok.
"Hi yourself," sagot nito na lumalakad patungo sa isa pang plastic na triyangulo na siyang pinagkukulungan ng mga tandang.
"Nag-aalaga ka pala ng mga sasabungin?"
"Ito ang naisip kong maaaring pagkakitaan mula nang matira ako rito. I breed and sell them. May iilan na rin akong customers."
Palakad-lakad si Miranda. Sinusundan ang bawat paglipat ng kulungan ng lalaki na marahil ay mayroong sampu na nakakalat sa bakuran.
"Bago ka napunta rito, ano ang trabaho mo, Daniel?" kaswal na usisa ng dalaga.
Tumayo nang tuwid si Daniel at hinarap siya sa unang pagkakataon. "Doing some research at ako ang subject?" sarkastikong tanong nito.
"You are not very friendly, are you?"
Nagkibit ng balikat ang lalaki. "Kanino ko utang ang pagdalaw mo?"
"I'm just being neighborly. Do you mind?"
Hindi ito sumagot sa halip ay ibinaba sa isang tabi ang mga patuka ng manok at nagpatiunang lumakad patungo sa likod-bahay.
"Halika, pumasok ka," anyaya nito na hindi lumingon.
Walang kibong sumunod ang dalaga. Sa may pinto ng kusina ay sumungaw si Aling Caring.
"Kumusta na po kayo, Nanay Caring," bati niya sa ina ni Aileen. "Galing po ako kay Aileen kahapon."
Ngumiti ang matandang babae. "Nabanggit nga sa akin ni Aileen pag-uwi ko noong gabi. Mabuti naman at napasyal ka."
Bago pa nakasagot si Miranda ay nagsalita si Daniel. "Paki-dalhan nga ho ninyo kami ng maiinom, Aling Caring," wika nito bago tuluyang pumasok sa sala.
Sumunod si Miranda. Wala sa loob na dinadampot ang mga knick-knacks na naka-display. Tinitingnan at muli ring ilalapag. Nakasunod lang ng tingin si Daniel sa kanya.
"Alam mo bang ngayon lang ako nakapunta rito?" aniya habang iginagala ang mga mata sa loob ng kabahayan. Tulad sa villa ay malalaking narra ang wall panelling. Pero moderno ang pagkaka-disenyo ng villa dahil ipinaayos ito ng mommy niya noon.
Ang bahay ng mga Aragon ay nanatiling hindi
binago ang ayos. Maliban marahil sa pinalitan ang
mga sirang bubong at dingding. Antigo ang mga
kasangkapan."Siguro nga," maikling sagot ni Daniel sa sinabi niya.
Nang may mapagtuunan ng pansin ang dalaga sa estante. Dinampot niya ito. "Medical Encyclopedia. Nagbabasa ka ba nito?"
"I read almost everything na makapupukaw sa interest ko."
"Binili mo ito kung gayon?" patuloy ng dalaga na binubuklat ang aklat.
"Wala bang nakapagsabi sa iyong isang chemical engineer ang Tiyo Celso sa isang malaking drug company?" matabang na sagot ng lalaki.
Tumango-tango siya. Iyon nga pala ang trabaho ng tiyo nito. Lumakad si Daniel patungo sa malaking pinto. Binuksan ito at tumambad ang maluwang na terasa.
Nilingon nito ang papasok na si Aling Caring. "Dito na sa terasa ninyo ilapag iyan, Aling Caring."
Inilapag ng matanda ang tray ng juice at cookies sa mesang rattan at muling pumasok sa loob.
BINABASA MO ANG
Mga Latay ng Pag-ibig by Martha Cecilia
Romance"The she-devil had no right to torture him like this. Just the sight of her made him not all over!" Walang hindi nakakakilala kay Miranda Alcaraz sa bayan nila. Unica hija ng isang ranchero. Kasama ng kabayong si Ivory ay hindi iilang tao ang duman...