SI MIRANDA ay sa bahay naman nina Aileen nagtuloy. Malayo pa siya ay natanawan na siya ng kaibigan.
"Miranda!" salubong ni Aileen. "Kailan ka dumating?"
Bumaba ng kabayo ang dalaga at niyakap ang
kaibigan."Balita ko ay nag-asawa ka na?"
Nahihiyang nagyuko ng ulo si Aileen. "Pasensiya ka na kung hindi ko natupad ang kasunduan nating ikaw ang abay sa kasal ko. Sa huwes lang kasi sa bayan kami nagpakasal."
"At tanan kayo kaya ganoon," tukso niya. "Okay lang iyon. O nasaan ang asawa mo?" Tumingin siya sa bahay.
"Halika nga pala. Doon tayo sa ilalim ng punong sampalok. Doon tayo maupo." Hinila nito ang dalaga sa upuang kawayang nakapaligid sa malaking puno.
"Kilala ko ba ang napangasawa mo?" ulit na tanong ng dalaga.
"Hindi. Tagakabilang bayan. Sa bangko siya nagtatrabaho. Clerk."
"Oh well at least maganda naman pala ang hanapbuhay ng mister mo. Pero teka, may itatanong nga pala ako sa iyo."
"Tungkol saan?"
"Hindi ba ang Nanay Caring ang katiwala sa bahay-bakasyunan ni Daniel?"
Tumango ang babae. "Nagkakilala na ba kayo ni Daniel?"
"Nagkita kami kanina sa sapa. Inabutan ko siyang naliligo roon."
Biglang namilog ang mga mata ni Aileen. "Sa
sapa? O, ano'ng nangyari? Inaway mo ba? Nagpang-
abot ba kayo?""Relax. Hindi. Nagtaka nga ako kung bakit hindi ako nagalit nang makita ko siya," nakangiting wika niya.
Napuna ni Aileen ang kakaibang kislap sa mga mata ni Miranda. "Ano ang ibig sabihin niyang kakaibang kislap sa mga mata mo, ha? Huwag kang magsisinungaling, kilala kita 'pag may crush sa isang tao."
"Naiintriga ako sa lalaking iyon. Maliban pa sa malakas ang dating niya sa akin."
"Alam mo bang biyudo si Daniel, Miranda?" ani Aileen na nakapagpabigla sa dalaga.
"Biyudo?"
Tumango si Aileen. "Iyon ang sabi ni Nanay. Namatay sa panganganak ang asawa ni Daniel kasama na ang bata, wala pang isang taon ang nakalilipas."
Hindi agad nakakibo si Miranda.
"But... but he's young..."
"Iyon ang una nilang anak. At ayon sa kuwento ng inay ay bagong kasal lang ang mga ito."
Gustong manlumo ni Miranda sa narinig. Hindi para sa sarili niya kundi para sa lalaki. Alam niya kung paano mawalan ng isang minamahal.
Pagdating sa Villa ay kinausap ng dalaga ang ama habang nasa mesa sila at naghahapunan.
"'Pa, alam ba ninyong biyudo si Daniel?"
Tumango si Armando na patuloy sa pagsubo.
"Kilala n'yo ba si Daniel, Papa, bago siya napunta rito?" patuloy ng dalaga.
"Kapatid ni Gelso ang ama ng batang iyan, hija. Taal na taga-rito ang mga Aragon. Ang bahay-bakasyunan na iyan ang talagang bahay nila. Nang magsipag-asawa ang magkapatid ay sa Maynila na nanirahan ang mga magulang ni Daniel. Namatay sa isang hold-up-hostage ang mag-asawa sa isang bangko kasama ng ilan pa. Kinupkop ng mag-asawang Guada at Celso ang apat na taong gulang na si Daniel at pinag-aral dito. Sa mismong paaralang pinasukan mo noong ikaw ay elementarya pa lamang." Umabot ng pagkain ang matanda at sandaling huminto sa pagkukuwento.
"Ano ang nangyari pagkatapos, Papa?"
"Isang chemist si Celso at nahirapan sa pagparoo't parito sa atin kaya ipinasyang sa Maynila na manirahan. Pinatapos lang ng mag-asawa ang elementarya ni Daniel bago lumuwas. You were barely four years old then."
"Hindi na ba nagbalik dito si Daniel mula noon?"
"Kasama itong bumalik ng mag-asawa noong pagpasyahan nilang ipagbili na ang lupain nila sa atin. Ang buong bakasyong iyon ay itinigil ng mag-asawa dito hanggang sa matapos ang bilihan ng lupa. At ang sabi ng mag-asawang Celso at Guada sa akin ay sa ibang bansa na sila maninirahan. Ipinadala ng kompanyang pinagtatrabahuhan ni Celso sa main office."
Umabot ng tubig ang dalaga at uminom. "How come na hindi ko nakita at natatandaan si Daniel, 'Pa?"
"Graduation mo ang linggong iyon sa elementary at valedictorian ka. Busy kayo ng mommy mo sa paghahanda ng valedictory speech mo pati na rin sa pag-aayos ng birthday mo na natapat sa araw ng graduation." biglang nag-iba ang boses ni Armando sa alaalang iyon ng asawa.
"At mula noon ay ngayon na lang may bumalik sa bahay ng mga Aragon," ani Miranda na tinanguan naman ng ama. "Saan nakapag-asawa si Daniel, 'Pa? Sa Amerika ba?"
Masusing tinitigan ni Armando ang anak. "Maliban sa maaga itong nabiyudo ay wala na akong alam, Miranda. Bakit ba ganoon na lang ang pagnanais mong alamin ang buhay niyong tao?"
Nagkibit ng mga balikat ang dalaga. "Wala naman, 'Pa. Kapitbahay natin, so interesado ako." Pagkatapos magpahid ng bibig ay tumayo na siya.
Naghihinalang sinundan ng tanaw ni Armando ang anak na pumanhik sa itaas. Kung hindi pa nito kilala ang dalaga ay baka maniwala itong ganoon nga.
Biglang pumasok sa isip ni Armando ang anyo ni Daniel. Sa iilang buwang ipinanatili rito ng lalaki ay nakuha nito ang paggalang ng mga tao niya sa rancho Alcaraz. At siya man ay gusto niya ang lalaki.
Walang alam sa gawaing pang-rancho si Daniel. Makinis ang kutis na bagaman hindi kaputian ay hindi rin naman kayumanggi. Pero sinikap ng lalaking makibagay sa buhay sa kapaligiran. Sa tulong ni Mang Pepe ay pinag-aralan nitong mangabayo. Madaling natuto si Daniel at ngayon, sa loob ng ilang buwan ay para na rin itong ranchero kung kumilos.
Hindi iilang beses niya itong nakitang tumutulong sa mga tao niya sa pag-aanak ng mga baka. Sumasama rin ito sa burol kung saan nanginginain ang mga baka upang samsamin sa hapon.
At bumagay sa lalaki ang sunog na balat sanhi ng malimit na pagbibilad sa araw. Minsan ay inalok na niya itong pangasiwaan ang buong rancho Alcaraz subalit magalang itong tumanggi. Tutulong ito kung kinakailangan pero hindi bilang empleyado.
At ngayon ay napansin niya ang pagkakainteres ng anak dito tulad din ng ibang mga kadalagahan na kumikislap ang mga mata kapag dumadaan at binabati ni Daniel.
Can Daniel tame her daughter o isa na naman si Daniel na mapapaamo ni Miranda?
BINABASA MO ANG
Mga Latay ng Pag-ibig by Martha Cecilia
Romance"The she-devil had no right to torture him like this. Just the sight of her made him not all over!" Walang hindi nakakakilala kay Miranda Alcaraz sa bayan nila. Unica hija ng isang ranchero. Kasama ng kabayong si Ivory ay hindi iilang tao ang duman...