Chapter 1

65.4K 790 22
                                    

PINANONOOD ni Miranda ang pagbababa mula sa ferry boat ng kanyang Kawasaki 250 motorcycle.

Ginamit niya ang bike mula Maynila hanggang Batangas. Dalawang oras ding mahigit ang biyahe ng ferry boat patungong Mindoro. At ngayon ay ito rin ang gagamitin niya patungong Rancho Alcaraz.

Nakikini-kinita na ni Miranda na maghihisterya ang papa niya. Pero kaya niyang lambingin si Armando Alcaraz.

Nagtapos siya ng Business Management two weeks ago. At dinahilan ng papa niya ang pagtatapos na iyon. Nagtaka pa ang papa niya dahil hindi man lamang siya nakakuha ng karangalan gayong matalino siya.

Ipinagkibit niya ng balikat iyon. Ipaubaya na lang ang honors sa mga estudyanteng kailangan ang ganoong accomplishment para mag-land nang maayos na trabaho.

Bakit naman siya magpapakahirap na magsunog ng kilay gayong maaari namang hindi. Basta ba mataas sa passing grade ay okay na sa kanya. She loves to enjoy life. Disco, party, and some boys!

Kunsabagay, nitong huling taon niya sa kolehiyo ay talagang behaved siya. Medyo nag-matured nang kaunti. Nagdi-disco pa rin siya at nagpupunta sa party pero hindi na tulad ng dati. Bigla ay nagsawa siyang lahat sa mga iyon. The boys bored him to death. Wala man lamang nag-come up sa standard niya.

At twenty-two, siguro nga ay tumatanda na siya.

Pagkatapos maisaayos ang dapat ayusin ay kinuha na niya ang motorsiklo at sinakyan. Mula sa bayan ay thirty minutes hanggang rancho.

Ano kaya ang sasabihin ng papa niya sa pagkakabili niya nito? Kahit ang Tiya Soledad at Tiyo Johnny niya ay naghisterya nang makitang bumili siya ng bike. Tanging ang mga pinsan lamang niyang lalaki ang nakakampi niya.

Ito ang dahilan kaya hindi siya sumabay pauwi
sa papa niya pagkatapos ng graduation. Natitiyak kasi
niyang hindi ito papayag sa plano niyang bumili ng
motorcyle. Sasabihin nitong aksidente lang ang
hinahanap niya.

Kaya heto at nag-e-enjoy siya sa bago niyang sasakyan. Ibinenta niya ang kanyang second hand na kotse para may maidagdag sa pambili nito. Sa South Expressway nga ay walang naghinalang babae siya.

Bakit ba, eh ang suot niya'y maong na nakapaloob sa boots ang laylayan, navy blue na T-shirt, at itim na oversized leather jacket. Plus the helmet na nakabalumbon sa loob ang mahaba niyang buhok.

Hindi nagtagal ay sinapit niya ang bukana ng Rancho Alcaraz. Ni hindi siya nagmenor kahit hindi na sementado ang daan. Kaysarap i-drive ang motorsiklo. Kahit makitid ang daan ay kayang-kaya.

Hindi niya inisip na may sasakyang daraan sa rough road na iyon dahil pulos kabayo ang gamit ng mga tauhan sa rancho kaya hindi pa rin siya nagmenor kahit natatanaw niyang malapit na siya sa sharp at blind curve.

Malapit na siya roon nang mula sa kabila ay sumulpot ang isang jeep. At kahit na magmenor ang driver ng jeep ay sasalpok pa rin siya rito dahil mabilis siya.

Kasabay ng dahan-dahang pag-apak sa preno ay kinabig ng dalaga ang motorsiklo pakaliwa sa labas ng daan.

Humagis siya sa makapal na kugon at ang motorsiklo niya ay humapay sa matataas na damo, isang dipa mahigit ang layo mula sa kanya.

Mabilis na inihinto ng driver ng jeep ang sasakyan nito at tinakbo ang kinaroroonan ni Miranda.

Nakadapa sa damo ang dalaga at sa paningin ng driver ay tila hindi siya humihinga. Paluhod na yumuko ito at hindi malaman kung paano siya itatagilid. Hindi nito magawang galawin siya dahil baka may butong nabali at lalo lamang siyang mapahamak.

Mga Latay ng Pag-ibig by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon