Chapter 11

23.9K 446 1
                                    

"Miranda!"

Nagbalik sa kasalukuyan ang isip ng dalaga sa pagtawag na iyon ni Armando. Dumungaw siya sa nakatingalang ama.

"Mag-usap tayo, hija..." Pagkuway pumasok na ito sa kabahayan.

Siya naman ay pumasok sa silid niya. Nag-alis ng jacket. Pagkatapos ay ng t-shirt. Pilit niyang inaninaw sa salamin ang dalawang pilat sa kanyang likod.

Kinagabihan nang araw ding iyon matapos ang engkuwentro nila ni Daniel ay nagpunta ito sa villa upang kausapin siya. Subalit anoman ang gawin ng lalaki ay hindi niya ito pinakiharapan.

At hindi pa sumisikat ang araw kinabukasan ay nagpahatid na siya kay Mang Pepe sa pantalan.

Matinding sakit ng katawan, puso, at kahihiyan ang sama-sama niyang nadama noon. Isama na ang pamimighati para sa kabayong si Ivory.

Sa Maynila ay hindi niya maipaliwanag sa doktor na tumingin sa kanya kung paano siyang nagkalatay Hindi rin siya napilit ni Soledad, na pinag-isipang ang papa niya ang may kagagawan niyon.

Hindi niya napigil ang tiyahin nang tawagan nito si Armando at galit na galit na komprontahin ito.

Gumaling ang mga latay subalit nag-iwan ng mga pilat. Maaari niyang ipatanggal ito sa pamamagitan ng plastic surgery pero hindi niya ginawa.

Wala siyang intensiyong alisin sa likod niya iyon.

Sa hapunan nang gabing iyon ay hinimok siya ni Armando na ipagbili na lang ang motorsiklo at bumili ng bagong sasakyan. "I'm sorry, 'Pa. Pinag-ipunan ko nang matagal ang ipinangbili ko diyan mula sa sarili kong allowance."

"Then if I can't persuade you, I have to imposed my authority as your father, Miranda. Idispatsa mo ang motorsiklong iyan. Ipagbili mo o di kaya ay ipamigay mo sa mga pinsan mong lalaki," may katigasang wika ni Armando.

"Pero, Papa..."

"It is final!" Noon lang sa buhay ni Miranda narinig niyang tumaas nang ganoon ang boses ng ama. Nakikita niya ang determinasyon sa tinig nito.

Matiim niyang tiningnan ang ama. "Is Daniel has got something to do with this?"

"Why should you think so? Bakit kailangang impluwensiyahan ng ibang tao ang pakikitungo ko sa sarili kong anak?"

Hindi na sinagot ng dalaga iyon. Ibinuhos niya ang pansin sa pagkain.

"Hindi mo na ako sinagot?"

Huminga nang malalim ang dalaga. "Alright. Pero gagamitin ko muna ang motorsiklong iyon dito sa loob ng rancho. Alam naman ninyong wala na si Ivory."

Magsasalita sana si Armando tungkol doon pero minabuting huwag nang kumibo.

"I'll give you one week to dispose that bike, Miranda." naroon ang finality sa tinig nito. Nang hindi kumibo ang anak ay lihim na nangiti si Armando. Daniel was right afterall.

Kinabukasan ay dinalaw ni Miranda si Aileen na kabuwanan na ang tiyan.

"Kumusta ka na?" bungad niya sa kaibigan na nagbuburda ng lampin.

"Halika, tuloy ka," nakangiting sagot ni Aileen. Tila hirap na hirap sa dinadala.

Pumasok ang dalaga. Tinitigan ang tiyan ng kaibigan. "Kailan ba 'yan?"

"Araw na lang ang hinihintay ko. Nahihirapan na nga ako, eh. Panay kasi ang tigas ng tiyan ko."

Hindi maalis-alis ang tingin ng dalaga sa tiyan ng kaibigan. Pakiramdam niya'y siya ang nahihirapan. Ilang sandali muna ang pinalipas niya bago muling nagsalita. "Gusto ko nga palang humingi ng paumanhin sa ginawa ko noon sa pinsan mo, Aileen."

Ngumiti ang kaibigan. "Matagal na iyon. Sinabi naman ni Natoy na kasalanan niya. Nahulog ka sa kabayo. Mabuti nga at hindi ka nasaktan."

Tumango-tango ang dalaga.

"T-totoo ba iyong bali-balitang ginawa ni Daniel sa iyo, Miranda?" alanganing tanong ni Aileen.

Huminga nang malalim ang dalaga. "Bahala kang mag-isip. Hindi ko itatanggi at hindi ko rin aaminin."

"Kung totoo man iyon ay si Daniel ang higit na naapektuhan. Ayon sa inay ay lagi na lang itong nag-iisip. Laging nakatanaw sa malayo. Minsan nga raw ay naitanong nito sa inay kung may balita sa iyo."

Mapaklang ngumiti ang dalaga. "Kung totoo man ang sinabi mo, Aileen, pareho lang kami. Hindi ko siya nakalimutan sa loob ng nagdaang mga buwan."

May simpatya sa mukha ni Aileen para sa kaibigan nang muling magsalita. "You really did fall for him."

"I'm afraid so. Ang akala ko noon ay crush... infatuation. Pero hindi. Siya ang naging sukatan ko sa mga lalaking nakatagpo ko sa Maynila."

Sandali lang na nag-isip ang kaibigan. "Alam mo bang minsan ay nabanggit ng inay na may hinala siyang may pagtingin sa iyo si Daniel at sinisikap lamang sikilin?"

Nag-angat ng mukha ang dalaga. "Bakit naman nasabi ng Nanay Caring iyon?"

"Itinanong ko rin iyang tanong mo sa inay pero hindi ako sinagot."

"Hindi ko maintindihan si Daniel, Aileen. I could see the needs in his eyes 'pag tinitingnan niya ako. Pero iba ang sinasabi niya. He was in fact trying to move heaven and earth to put me off!"

"At nagtagumpay si Daniel sa parteng iyon dahil isang taong mahigit ka ring nawala."

Temporarily. Gustong sabihin ng dalaga. Pero hindi rin niya tiyak ang sarili. Hindi niya alam kung dapat pa niyang ipagpatuloy ang kahibangan.

Mga Latay ng Pag-ibig by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon