HINDI makapaniwala si Miranda sa nakita niya sa harap ng villa nang dumungaw siya mula sa veranda isang umagang paggising niya.
"Ivory!" bulalas niya sa nanginginaing puting kabayo.
Dali-dali siyang lumabas ng silid at patakbong nanaog. Hindi pa rin makapaniwalang sinuri niya ang hayop.
"Oh, Ivory, ikaw nga!" Niyakap niya ang leeg nito. Tinapik-tapik ang ulo. "Pero papaanong...?"
"Inihatid ni Daniel kaninang umaga ang kabayong iyan, hija," anang papa niya na nasa pintuan.
"Pero, Papa, hindi ba at... ang ibig kong sabihin ay..." Hindi niya malaman ang sasabihin.
"Hindi grabe ang pinsala ng kabayo mo, Miranda, ayon kay Daniel," wika nito na iiling-iling. Noong unang makita nitong sinasakyan ni Daniel si Ivory ay hindi nito maunawaan kung bakit iniwan ng anak ang pinakamamahal na kabayo sa lalaki.
"Pinatingnan raw niya iyan sa beterinaryo at hindi naman naging malubha ang pilay. Pina-cast ni Daniel at inalagaan. Makalipas ang ilang panahon ay tumatakbo na tulad ng dati. Bago ka dumating ay ginagamit ni Daniel ang kabayo mo."
"Oh, Pa!" Nag-uumapaw sa galak ang puso niya na sinakyan ang kabayo at pinaikot-ikot sa paligid. Tuwang-tuwang walang ipinagbago ang bilis ng pagtakbo nito.
"O, Ivory, you still run like a wind! Hiya!"
Ang bahay-bakasyunan ang deneretso ng dalaga. Gusto niyang pasalamatan si Daniel.
Nasa bakuran si Aling Caring at nagwawalis.
"Magandang umaga, Nanay Caring. Nariyan po ba si Daniel?" aniya pero hindi bumababa sa kabayo.
"Naku, eh, wala si Daniel rito, Miranda. Nasa bayan at may kausap na bibili ng mga sasabungin niya."
"Hindi po bale. Saka na lang ako babalik."
"Nasa iyo na pala ang kabayo mo, Miranda," si Aling Caring na hinagod ng tingin ang mag-amo. "Hindi nga pala ako nakahingi ng paumanhin sa iyo sa ginawa ng pamangkin ko. Muntik ka nang madisgrasya."
Ngumiti ang dalaga. "May kasalanan din po ako sa kanya, Nanay Caring. Pero sige ho, tutuloy na ako."
Sa sapa nagtuloy ang dalaga at maraming oras ang ginugol niya roon bago umuwi.
Kinabukasan ay muling nagtungo ang dalaga sa bahay ni Daniel subalit malayo pa siya'y hindi na niya natanawan ang jeep nito sa bakuran. Nahinuha niyang wala ang sadya kaya agad nang nagbalik sa villa.
Nang sumunod na araw ay dumating ang anak na lalaki ng Tiya Soledad niya, si Joey, upang kuhanin ang motorsiklo niya.
Itinawag ito ng papa niya sa mga ito upang siyang mag-uli ng bike.
"Alam mo ba, pinsan, na ang tagal kong napahinuhod ang daddy at mommy na sa akin na mapunta ang bike mo?"
Natawa ang dalaga. "Hindi mo na kailangang sabihin, kilala ko ang mga iyon. Parang ang papa, naghisterya nang makita ang motorsiklong iyan. Pero paano mo nakumbinsi ang mga Tiyo at Tiya?"
"Gamit ni Kuya Rene ang isang kotse, 'di ba? Eh, may trabaho na rin ako ngayon kaya nakumbinsi ko silang ang bike mo na lang tutal hindi mo naman pinababayaran ng cash. Payable when able, 'di ba 'insan?" biro nito.
"Okay lang iyon. O, ano, gusto mong subukan natin ngayon?"
"Sure." Kinuha nito ang helmet at isinuot. "Hop in."
Pagkatapos magpaalam ay umalis na ang dalawa. Nakaangkas si Miranda sa likod ni Joey.
"Okay, ah. Palitan ko kaya ng pang-tracks ang gulong nito?"
BINABASA MO ANG
Mga Latay ng Pag-ibig by Martha Cecilia
Romance"The she-devil had no right to torture him like this. Just the sight of her made him not all over!" Walang hindi nakakakilala kay Miranda Alcaraz sa bayan nila. Unica hija ng isang ranchero. Kasama ng kabayong si Ivory ay hindi iilang tao ang duman...