☾
“ANTAYIN mo 'ko!” sigaw ng isang sirena habang nakikipaghabulan sa isang sireno. Pinilit nitong habulin ang nauuna ngunit sadyang mas mabilis lumangoy ang mga sireno kaysa sa kanila kaya 'di niya ito naabutan.
Samantalang nakangisi namang lumalangoy ang binatang sireno nang hindi tumitingin sa kanyang nilalanguyan. Lingid sa kanyang kaalaman ang isang lambat na nakahandang manghuli ng mga isdang dadaan. Huli na ng marinig niya ang sigaw ng kaibigang sirena at napulupot ang buntot sa lambat.
"Aczeth!"
Inilahad ng sirena ang kamay upang maabot ang binatang si Aczeth ngunit nahuli na ito at naitaas na ang lambat. Wala siyang nagawa kundi lumangoy pabalik sa kanilang kaharian at ibalita ang pangyayari.
"Mabuti naman at nagkaroon na tayo ng huli," tugon ng isang estranghero habang hinahatak ang lubid na nakakonekta sa lambat.
"Mabigat ba pare?" tanong naman ng katabi nitong nakatanaw lamang sa tumataas na lambat. "Oo. Baka malaking isda ang nahuli natin."
Isang hatak pa at nanlaki ang kanilang mga mata sa nakita.
"I-isang sireno! 'Wag mong hahayaang makawala!" kumuha ng baril ang pangalawang lalaki habang nanatiling nakahawak sa lubid ang isa. Pinipigilang makatakas ang sirenong si Aczeth.
"Akala ko'y hindi totoo ang mga sireno o sirena. Limpak limpak na ginto ang makukuha namin mula sa iyo! Haha!"
Nandilim ang paningin ng binata at ikinumpas ang kanang kamay. Biglang nagkaroon ng malaking alon sa tabi ng bangka.
"Bilisan mo! Gumagamit siya ng kapangyarihan!" Tumama ang alon sa bangka ngunit hindi ito natumba.
Ikinumpas ulit ng binata ang kamay patungo sa lubid at bigla na lamang itong naputol. Nahulog siya pabalik sa dagat at mabilis na lumangoy.
Kung pupunta siya pabalik sa kanilang kaharian, matutunton ng dalawang masasamang tao ang kanilang kinaroroonan. Nag-isip siya ng paraan at humanap ng ibang lugar. Balak niyang ligawin ang dalawa.
Gamit ang bilis sa paglangoy, naiwala niya ang dalawang estranghero ngunit maski siya ay hindi na rin alam ang pabalik sa kanilang kaharian.
"Nawala na ako," pagsasalita nito sa sarili habang nakabusangot.
Iginala niya ang mata sa paligid at nakakita ng isang anino ng taong nalulunod. Dahil sa likas na kabaitang taglay ng mga sireno at sirena, hindi niya napigilan na lumapit sa nalulunod na katawan at buhatin ito pabalik sa itaas.
"Isang babae. Bakit ito nalulunod?"
Inilapag niya ang katawan ng babae sa buhanginan at napatitig dito. Maputi ang balat at may gintong buhok. Tinapik niya ang pisngi nito. "Gising."
Napabusangot siya ng walang reaksiyon ang babae. Biglang pumasok sa isipan niya ang nakitang gawain ng mga tao noong tumakas siya sa kaharian isang araw. Kung saan may taong nalunod at hinalikan ng paulit-ulit hanggang sa ito'y nagising.
"Baka siya'y magising kapag hinalikan ko," inilapit niya ang mukha sa dalaga hanggang sa naglapat ang kanilang mga labi. Biglang pumasok sa kanyang isipan ang bilin ng kaniyang Lola.
"Ang halik nating mga sirena at sireno ay sagrado. Kung sino man ang iyong hahalikan ay magiging kabiyak mo na habang buhay. Kahit na kayo'y paghihiwalayin ng tadhana, darating ang araw na magkikita kayong muli upang ipagpatuloy ang inyong pag-iibigan. Kaya kayo'y mag-ingat sa hahandugan ninyo ng halik, mga apo."
![](https://img.wattpad.com/cover/178114359-288-k563293.jpg)
BINABASA MO ANG
He's the Man with a Tail
FantasiaAché Serin's life turned upside-down when she met a merman named Saero. Ang normal niyang buhay ay nasira at kailangan niya pang tulungang makabalik sa kanilang kaharian ang sireno. Ngunit paano kung sa kalagitnaan ng kanilang paglalayag, unti-untin...