Chapter 8: Seaventure

217 16 16
                                    

Malakas na buntong hininga ang pinakawalan ni Aché. Kanina pa sila paikot-ikot ngunit hindi parin nila nahahanap ang airport. Maswerte na lamang sila at may mga benches ngayon sa kinaroroonan nila.

“Magpahinga muna tayo, masakit na ang paa ko,” suhestiyon niya kay Saero. Tumingin lamang ng simple ang binatilyo sa kanya at umupo sa tabi nito. Ngunit nagtaka siya nang kinuha nito ang kanyang binti at sinimulan itong hilutin.

“A-anong ginagawa mo?”

“Masakit ito hindi ba? Pakiramdam ko kasi kasalanan ko. Sorry.”

Talagang kasalanan mo! Grr.

Kung kaya niya lang sanang sumbatan si Saero ngayon ay ginawa na niya. Ngunit napagpasyahan niyang tumahimik na lamang at mag-isip ng paraan upang makabalik sa Pilipinas. “Anong plano mo?”

“Hindi ko kabisado ang lugar sa ibabaw ng lupa, ngunit sa ilalim ng tubig, oo,” pahayag ni Saero. Nagtaka siya sa tinuran nito. Anong ibig niyang sabihin?

“Lalanguyin natin ang karagatan pabalik ng Pilipinas.”

“A-ANO?!”

***

“Huminga ka ng malalim. Maganda ang naiisip kong plano. Tsaka 'wag ka ngang makulit diyan.”

Nasa harapan sila ngayon ng malawak na karagatan. Dumadampi sa kanyang balat ang malamig na simoy ng hangin. Namumutawi din ang maalat na amoy ng dagat. Nakakahalina. Nakakakalma.

Ngunit kabaliktaran naman ang nararamdaman ngayon ni Aché. “Ano ba 'tong kagaguhang iniisip mo lalaki ha?! Paanong lalanguyin ang karagatan patungong Pilipinas kung ikaw lang ang nakakahinga sa ilalim ng tubig?! Anong akala mo sa akin? Isda? Hipon?!”

“Tatahimik ka o hahalikan kita?”

Agad niyang tinakpan ang bibig na magsasalita pa sana. Tangna Aché. Conservative! Conservative!

“O, tatahimik din naman pala.” Umirap na lamang siya kay Saero.

Sinigurado nilang walang ibang tao sa parteng ito ng karagatan bago isinagawa ang planong naiisip ng binata. Tinapak ni Saero ang kaliwang paa sa tubig at unti-unting umilaw ang kanyang paa papunta sa kanyang bewang. Bumalot ang kumikinang na tubig dito at iglap lang ay nawala ang dalawang binti nito. Nakita ulit ni Aché ang kulay asul niyang buntot na tila diyamante ang bawat kaliskis. Hindi niya mapigilan ang sarili na pagmasdan ito.

“P-pwede ko bang hawakan?”

Ngumiti lamang si Saero sa kanya.

Idinampi ni Aché ang kamay sa buntot ni Saero. Parang kaliskis ng isda ang balat nito. Maganda.

Ginamit ni Saero ang kapangyarihan upang palutangin ang sarili at pumunta sa tubig. “Eto ang naisip kong plano. May mahiwagang kwintas kaming dala na ginagamit tuwing gusto naming magkaroon ng paa. Kabaliktaran ang resulta nito kapag tao ang susuot. Narito.”

Isang kwintas ang inabot ni Saero kay Aché. Kwintas na pamilyar sa kanyang paningin. Kulay asul na kaliskis. May mga imaheng pumapasok sa isipan niya ngunit hindi niya iyon pinansin at kinuha na lamang ang kwintas. Pumunta siya malapit sa kinaroroonan ni Saero at isinuot ito.

He's the Man with a TailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon