Unang Haplos

4.6K 67 2
                                    

“SEVENTY THOUSAND pesos. Hmm. Saang lupalop ng Pilipinas ko pupulutin ang ganoon kalaking halaga?” tanong ni Frecy sa sarili habang nilalaro-laro ang ice na nasa baso ng in-order na iced tea gamit ang straw niyon.

    Nasa counter siya ng Kai’s Bar and Grill ngayon at nakatalikod sa mga customers, oblivious to the crowd behind her. Ang naturang establishment ay bahagi ng Jack’s Ridge.

    Hindi naman talaga siya mahilig dumayo sa mga ganoong lugar kung saan madilim at maigay. Nasayangan lang siya sa VIP card na ibinigay sa kanya ni Sir Eduardo Santos o Sir Ed noong nakaraang linggo. Head ito ng MSRT o Matina Search and Rescue Team at madalas ay binibigyan nito ng gift certificates at kung anu-ano pang freebies ang lahat ng volunteers. Inclusive of food and drinks kasi ang card na binigay nito at sayang naman kung hindi niya pakikinabangan. Lalo na sa mga panahong ito kung kailan nais niyang mapag-isa at mag-isip ng malalim.

    Umaasa siyang kahit sa isang sandali ay makalimutan niya ang kanyang suliranin kaya siya napadpad sa lugar na iyon. Sa entablado ay may isang banda na tumutugtog ng alternative rock music ngunit wala sa mga ito ang atensiyon niya. Nais lang niyang makapag-isip at iyon lang ang lugar na alam niyang walang makakakilala sa kanya. Ang best friend niyang si Marga ay bihirang mapadpad sa ganoong uri ng lugar. Kaya kahit tumagal siya sa ganoong ayos ay walang mangungulit sa kanya at magtatanong kung napano siya.

    For once, she just wanted to be transparent with what she really felt at the moment.

    Hindi siya problemadong tao. Hindi siya ang uring malungkutin. Katunayan pa nga ay siya ang tinaguriang clown ng buong MSRT kung saan isa siya sa mga volunteer bilang community responder. Ngunit sa pagkakataong iyon ay talagang ang hirap maging masaya lalo na kung pakiramdam niya ay hinihila siya pababa ng kinakaharap niyang problema.

    “Pera lang ‘yon Frecy. Pwede mong kitain iyon,” sabi pa ni Marga na sinang-ayunan naman ng iba pa nilang kasamahan.

Kapag walang emergency ay madalas silang nag-uusap sa lounge ng MSRT. Hindi na lang siya sumagot. Hindi kasi sanay ang mga ito na namumroblema siya lalo na sa pera. Dati pa naman siyang walang pera kaya hindi na niya iyon pino-problema. Mula nang napadpad siya sa MSRT ay alam na ng mga kasamahan niya ang estado niya sa buhay. Hindi iya iyon ikinakahiya. Ang pagiging mahirap niya ang nagbibigay sa kanya ng dahilan upang pagbutihin ang kanyang pag-aaral.

    Pangarap niya sana ang maging duktor ngunit dahil sa hirap ng buhay ay napilitan siyang kumuha na lang ng Management Accounting sa University of Mindanao. Muntik pa nga siyang hindi makapag-enroll sa kolehiyo dahil sa kakulangan sa pera. Mabuti na lang at nakilala niya si Sir Ed kaya nabigyan siya ng scholarship kapalit ng pagiging volunteer niya sa MSRT. Hindi man siya magiging doktor ay masaya na rin siya dahil nakakatulong pa rin siya sa mga nangangailangan. Madalas tumutulong ang grupo nila sa mga biktima ng sakuna, sunog, baha at iba pang kalamidad. So far, naging maayos naman ang takbo ng kanyang buhay kahit pa araw-araw siyang nakikibaka sa kahirapan.

    Until her mother was diagnosed with Pneumonia a few weeks ago. Hanggang ngayon ay nasa ospital pa rin ito. Pwede naman sanang sa bahay na lang ito magpatuloy sa pagpapagaling dahil may discharge order na ito galing sa doktor nito ngunit gustuhin man niyang mailabas ito ay hindi niya magawa. Wala siyang pambayad sa hospital bills kaya habang tumatagal ito sa ospital ay lalo namang lumalaki ang babayaran nila.

Kasalukuyan ay ang tita Helena niya ang nagbabantay sa nanay niya para mas matutukan daw niya ang kanyang pag-aaral. Nakababatang kapatid ito ng nanay niya. Paminsan-minsan ay dumadalaw sila ng kapatid niyang si Fritzie sa ospital upang maging updated sa kalagayan nito. Doon siya galing kanina bago siya tumuloy sa lugar na iyon. Si Fritzie naman ay abala sa school project nito kaya sa weekend pa ito makakadalaw.

The Perfect Heroine [PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon