Ika-siyam na Pagluha

1.9K 34 19
                                    

"FRECY? WHAT are you doing here? Akala ko natutulog ka na," pukaw ni Jigs sa kanya habang nakaupo siya sa sofa na nasa balkonahe ng nirentahan nitong log cabin para sa kanilang dalawa. Tig-iisa sila ng silid. Sabi nito, parte daw iyon ng tungkulin niya bilang PA nito. Na samahan ito sa leisure trips na tulad niyon.

Kanina ay nilibot nila ang halos lahat ng tourist spot sa Bukidnon, pati na sa Dahilayan Adventure Park kung saan matatagpuan ang pinakamahabang dual cable zipline sa buong Asya. Nang mapagod sila ay sa Malaybalay naman sila pumunta kung saan may bird-watching tower. Pinakahuli nilang pinuntahan ay ang Seagull Mountain Resort kung saan sila naroroon ngayon.

Nang marating nila ang lugar ay iniwan lang nila ang kanilang mga gamit sa cabin at dumiretso na sila sa pinagmamalaking waterfalls ng resort. Kaya napagod siya nang husto ngunit hindi naman siya makatulog. Kanina pa pumasok si Jigs sa silid nito ngunit heto at dilat na dilat pa rin ang mga mata niya.

"Ayaw akong dalawin ng antok, eh. Nasobrahan yata ako sa excitement sa activities natin ngayong araw," sagot niya sabay yakap sa sarili. Umusad siya nang tumabi ito sa sofa at tiningala din ang madilim na langit. "Ikaw, bakit ka lumabas? Akala ko natutulog ka na."

"Hindi rin ako makatulog. Nilalamig ka ba?" tanong nito.

Nang hindi siya sumagot ay hinubad nito ang suot nitong jacket at ipinatong sa kanyang balikat. Pagkuwan ay umakbay ito sa kanya.

"Ayos na?" tanong pa nito.

"Salamat," aniya at tulad kaninang nasa bus sila, humilig siya sa balikat nito habang ang mga daliri nito ay nilalaro ang hibla ng kanyang buhok. Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila. Tila ba kontento na silang pagmasdan ang madilim na gabi habang nasa bisig ng isa't isa.

"Nabanggit mo kanina na member ka ng rescue team. Which one?" basag nito sa katahimikan.

"Sa Matina Search and Rescue Team o MSRT," sagot niya. Ipinaliwanag din niya ang tungkulin niya sa kinabibilangang rescue team.

"So, matagal ka nang kabilang sa rescue team na iyon?" pang-uusisa pa nito.

"Matagal-tagal na rin. Malaki ang utang ng loob ko sa head namin. Naging scholar ako sa campus dahil sa tulong niya," sagot niya. Nang-usisa pa ito tungkol sa MSRT at masaya naman siyang ibahagi rito ang tungkol sa mga experiences nila at ng kaibigan niyang si Marga.

"Hindi ka ba napapagod? No wonder you are so petite. Ang dami mo palang pinagkakaabalahan. May time ka pa ba sa lovelife mo sa lagay na 'yan?" tanong nito kapagkuwan.

"Masarap sa pakiramdam kapag may mga tao kaming natutulungan. Mga biktima ng sunog, baha at iba pang kalamidad. At lovelife? Well, hinihintay ko kasi na ligawan ako ng secret love ko eh," sagot niya.

"Ang bagal naman pala niya," kumento nito.

Tumawa siya nang mapakla. Kung alam lang nito na ito ang tinutukoy niya. "Oo nga. Sobrang bagal. Usad pagong 'kamo," sagot niya.

At manhid pa! Nais niyang idugtong ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Conservative nga daw siya, remember?

"Sabi naman sa'yo tayo na lang eh," anito na ikinalaki ng mata niya.

"W-weh? Bakit? Love mo ba ako?" hindi mapigilang tanong niya sabay dalanging sana ay 'Oo' ang isasagot nito.

"I can learn," sagot nito. Dismayadong nanlumo siya. Mukhang wala na nga sigurong chance na mamahalin siya nito.

But he said he can learn. Meaning may chance pa, singit ng makulit niyang puso.

Malabo na. Kahit ano naman gawin ko, si Celine pa rin ang mahal niya. Hindi niya pa rin ito makalimutan, katwiran niya.

The Perfect Heroine [PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon