Ang Pamamangka

16 0 0
                                    

1

Nandidilim ang gabi sa Aragon, maulap, dumudungaw ang inaantok na buwan na pinababayaang gumala ang kanyang mga anak na mapusyaw na silahis, nakahiga ang mga bituin sa himpapawid na tanging sumasalo sa kanilang pagkahulog sa lupa, nahihimbing sa pagtulog ang lahat ng mga mamamayan, mapamayaman o mapadukha lamang, kapwa pagod ang lahat.

Sa kabila ng kanilang pagtulog, sa buong gabi nakatanghod at nagbabantay ang mga guwardiya sa pampang at sa kabundukan.

Hanging malamig ang pumapaypay at humihipan sa mga halamang kahit sa pagtulog ay sumasayaw pa, naglalakad ang mga bundok na animo'y mga higanteng embudo na nakakabit sa isang mahinhing pananamit ng isang reyna, humehele sa bawat tainga ang bulong ng mga alon ng dagat na patuloy lamang sa paglakbay hanggang sa marating nito ang kanyang huling masasapitan, at sinong hamak at namumuyat ang makaaalam sa dahilan ng paghele ng mga ito?

Sinagot ito ng pagpupulong ng mga kagaykay sa likod ng mga nagtataasang talahib sa may bandang palayan na pakiwari'y pinag-uusapan ang susunod na tatahanan.

Ang mga kalsada ng bayan maliban sa mapanglaw na naliliwanagan ay baku-bako, maraming uka't lubak, na maging ang kataas-taasang hari'y kapag naglakad ng hindi aabot ng tatlong hakbang ay mapapatid at mapapasubsob ang marangya nitong damit sa maputik na kalsada. Tanging mga lamparang marumi at nanghihina ang nagpapailaw sa bawat kanto, kung tutuusi'y pito, at sa bawat eskinita, na kung titigna'y dalawampu't dalawa.

Ganito ang eksena gabi-gabi sa bayan ng Aragon, tahimik, mapayapa, at maginhawa.

Ngunit isang kaluluwang takas sa pagkahimbing ang naglalayag laban sa mga paghampas ng mga alon— isang lalaking katamtaman ang katangkaran, naka-polong pantulog, mahaba ang pananamit sa ibaba, maputi ang balat, maaaring tawaging mabalahibo, katamtamang laki ng mga tainga, maliit na bibig at mga labi, at bilugán ang mga mata. Nanghihingal ito dahil sa walang humpay na pagkumpas ng mga sagwan sa tubig, sapagkat sinong nagbibihis-mayaman ang maglalayag nang lihim patungo sa mga sulok ng dagat, at sinong nag-aasal-dukha ang babangon nang maaga upang kumuha ng bangka't haya-hayang papalaot?

"A, ikaw, ang maringal na buwan," wika nito. "Ano'ng ginagawa mo't tinititigan mo ang aking bangka na parang ikaw ang aking inang mahigpit? Bakit nar'yan ka't sinasaksihan itong paglalayag ko nang maaga, at ano ang iyong pakay? Papangaralan mo ba akong bumalik sa bayang iyon? Oo man o hindi, hindi ko gugustuhin! Isang bayang nilason ng puro kapalaluan at karamutan, bigyan mo ako ng dahilan kung bakit kailangan kong bumalik sa purgatoryong iyon! O siya, kung alam ko palang hindi ka makakatugon at isa kang piping nilalang, hindi ko na hahayaan ang aking sariling magmistulang baliw na kumakausap sa buwan sa kalagitnaan ng dagat."

Ito ang tinig ng isang lalaking walang kagustuhang tumirang muli sa kanyang bahay, sa kanyang bayan. Sagwan lamang nang sagwan, sagwan nang sagwan, sagwan nang sagwan. Nilingon niya ang dalampasigang natutulog sa kaniyang likuran, at walang makita bukod sa mga matayog na punong nakayukong minamasdan ang kabuhanginang kaniyang inaalagaan. "Ay, nawa'y palagi kang ganiyan, palagi ka sanang mapayapa at tahimik.", napawika ito sa sarili.

Ilang sandali ang lumipas ay mayroong narinig ang lalaking ito ng mga kalugkog ng kahoy, na kaniya namang ikinatakot at ikinabalisa. Karakaraka ang kanyang paglingon; nakita niya ang mga mangingisdang inilalabas ang kanilang mga bangka upang magsimula nang pumalaot, marahil ay mas marami ang mahuhuling isda sa gabi kaysa sa ilalim ng init ng araw na kalaunan ay gagawing bulad na uulamin ng buong bayan buhat ng mga kargador sa pampang.

Pag-ibig sa Gabi ng TaglagasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon