5
Cela ne prendra pas longtemps
Hindi magtatagalUmaalimbuyaw ang mag-asawang Ybañez sa kanilang binatang anak na tumatakbong kumakaripas at humahangos patungo sa isang mistulang lubhang mahalagang bagay. Bagama't namamanata ang kabayanan sa lagablab ng araw, patuloy ang lahat sa kanilang pamumuhay. Habang naglalakad si Martin ay maraming tao ang nakabangga't nabalya, kung kaya't ilang dalaga ang nagpasadya't haya-hayang nagpabangga sa kaniya.
"Don Martin, saan po ang inyong sadya?" tanong ng isang dalaga.
"Lihim lamang. At kahit mapaabot ko sa inyong kaalaman ay wala rin itong madudulot na saysay." tugon ni Martin.
"Hindi ko ipapaalam kahit kanino."
"Uuwi ako upang magpahinga. Marahil ay susundan mo ba ako?"
"Hindi po, wala ngang saysay. Ako'y hahayo na, at magpahinga kayong mabuti, ginoo!"
Nagpaalam ang dalaga at napabulong sa sariling "mahal ko ang ginoong iyon! Walang aagaw sa kaniya mula sa akin!" Naku't dalagang Espanyola, mapangaraping labis!
Makailang minuto'y narating ni Martin ang pampang at nagmamasid sa malayo ang mga matang nananabik sa isang hindi mapagwaring bagay, habang nakatago ang mga kamay sa bulsa ng luksang pananamit, nagmimistulang matandang debotong nakikini-kinita ang pagbubukas ng mga pintong pinid ng langit. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay umalingawngaw sa yungyong ng kadahunan ang tinig ng isang lalaking mistulang kaedad niyang viente y tres, katamtamang katangkaran, kayumangging balat, kapuwa nakasombrero, itim ang damit, at nananalas ang mga mata.
"Hoy, Martin! Ano, mamansin ka! Napakabulag naman nito..." pabirong tawag nito, gaya ng laging ipinanlilibak kay Martin. Nabalisang lumingon ang kausap na tila'y nanggulilat, at nakilalang ganap ang tumawag sa kaniya, umapaw ang hindi nauunawaang kagalakang napipinta sa mga mukha nila. Iyon si Demetrio, ang matalik na kaibigan ni Martin.
"Matagal na kitang hindi nakikita! Malaki ang pinagbago mo!" wikang natutuwa ni Martin. Idinantay ni Demetrio ang kaniyang kamay sa kaliwang balikat ng kausap na tila nagwiwikang "nasiraan ng ulo! " sa kaniyang naglalim na guni-guni.
"O, kumustang buhay rito sa Aragon, ganoon pa rin ba? Halos walang pinagbago itong lugar na ito," puna ni Demetrio.
"Ganoon pa rin, nakatayo pa rin ang malaking simbahang katabi ng rotonda, nakasiksik pa rin ang mga lumang kainang hindi pa nababasagan ng pinggan, inaalikabok pa rin ang mga tindahang pangalakal sa Albarracin, namimilipit pa rin ang mga makikitid na kalsada ng kabayanang ito, marami pang nananatiling buhay! Siya nga pala, ipagbukod natin para mamaya ang mga kumustahan at iba pang disparates sapagkat mayroon akong kailangang ibungad sa iyo, doon sa kainan," at nagsimulang maglakad ang dalawa patungong Restaurante Clasíco.
"Ano naman iyon? May naibigan ka bang muli isang magandang dalagang paypay nang paypay habang nanunulis ang mata, namumutawing puti ang ngiti, at pumipintig ang iyong pusong kakawala mula sa mga tadyang? Kung gayon, kapang-ilang beses na! Ha ha ha!" at napahalakhak ang binatang Demetrio na nagmistulang kaawa-awang baliw na lilikaw-likaw sa bangketa.
Ngunit natambad sa harapan ng kanilang mga mata ang nakalatag na mga guho ng dakilang kainan, tinibag at giniba.
"Ay, kawawang lugar! Ano kaya't napagguho ang dakilang kainang ito?"
BINABASA MO ANG
Pag-ibig sa Gabi ng Taglagas
Romance"Ilang pagkakataon ang kailangan upang mahulog akong muli sa iyong mga matitimyas na kasinungalingan?", tanong ni Laureliana. "Isa lamang, Liana, at nagdaan na ang panahong iyon, ang mahabang pagkakataong iyon," tugon ni Martin. "At bakit, Martin?" ...