4
Ngayong nangakatuntong ang alas-nueve y kinse ng umaga, sisimulang paganahin ang mga kampana upang mahikayat ang lahat upang dumalo sa ikalawang misa. Nagsidayo upang sumamba ang lahat— mga mayayaman at mga taong mababa ang panlipunang antas na pakatitiis at pakababata nang nakatayo sa bungarang pinto ng Katedral de Almeria. Nagsasatsatan ang lahat ng napapaloob, maging mga mayayamang Donya at magigiting na Heneral.
Makaraan ang ilang sandali ng pawang kaangayan, pinatunog nang malakas, nang makatatlong ulit ang naglalakihang mga dambana ng katedral, hudyat upang simulan ang misa; nagsitindig ang lahat at pulos dumami ang mga mapagpanggap, mga taong nagkukunwang relihiyoso at relihiyosa, at nag-umawit ang koro sa laang palapag sa dakong bungad. Tangan-tangan ang mga dusaryo't humihigpit na pangangapit ay tumitindi nang tumitindi ang kanilang mga kapangyarihan buhat ng mapanlibak na pananampalataya. Unang lumakad patungong altar ang sakristang kapit-kapit ang matayog na krus, kahoy ang pagkakayari at ilang talampakan ang taas. Sinundan naman ito ng apat na sakristan, ang babaeng relihiyosang angat-angat ang Dakilang Aklat, at sakristang nagwawasiwas ng kamanyang. At hindi magpapahuli, ang paring magmimisa. Mayroong kalakihan ang hulma ng katawan, katamtaman lamang ang katangkaran, kulay itim ang sutana, madilim na lila ang kulay ng abito, at itim ang kusable. Malalim ang mga mata ngunit nanlilisik sa manubok na matulog, mahimlay, at lalo nang humilik sa loob ng simbahan: ito ay ang Padre Gregorio Elveticio, pinanlilisikan ng paningin ang magbabaling ng mata sa labas ng simbahan sa halip na kamaya't batiin ang mga ito, pagsusupladuhan ang mga taong magbibigay-galang sa kaniya at babati ng "magandang umaga," at higit sa lahat, sa kabila ng kaniyang ganiyong pag-aasal ay kaniyang aasahang mananainga ang lahat sa kaniyang pagbasa sa Ebanghelyo at manaka-nakang mahabang sermon.
Apat namang mag-asawa ang nangakalikmo sa harap, at sisimulaing mulang kaliwa pakanan— isang lalaking matipuno ngunit mayroong kabilugan ang hulma, maputi ang balat, at maikli ang buhok, malalim ang pagkapula ng kaniyang damit at mataas ang sumbrero: ito ay ang Don Zacarias Vicencia na may-ari ng tatlong hacienda sa Le Havre sa Pransiya. Siya'y isang taong mayaman, marangyang magpapista, at sukdulang maggasta hindi alang-alang sa kaniyang sarili kundi sa kaniyang asawang pawang masungit sa lahat ng panahon. Ang asawa naman niyang si Donya Geronima ay mayroong hilig sa pangongolekta ng mga alahas— mga alahas na binalungan ng esmeralda, mga brilyante, sapiro, mga gamit na pawang pangkolektor lamang, at isa na ang alahas na nagtataglay ng makadugong-bughaw na kulay at nagmula sa alahasan ng Reyna Eleanor ng Aquitania sa monarkiya ng Inglatera. Sinasabi nga, at nagiging kuwento-kuwento ang palagiang awayan ng dalawang marahil ay bunsod ng taguan ng salapi, mga hindi natatagpuang kuwintas, at kung anu-anong bagay na walang halaga.
Sa tabi ng Donyang masungit ay isang lalaking matangkad ngunit yayat ang katawan, kayumangging de-butones ang kaniyang pang-itaas, at pantalong itim naman sa ibaba, matigas ang mukhang marahil ay nahawaan ng Donya Geronima sa kaniyang siping: ito naman ang Don Vedasto Valenciana, isang matipunong naninilbihang heneral sa tanggulan ng Catalana. Kaniyang katabi ay ang Donya Severina Valenciana, isang mahabaging maybahay, nagtataglay ng maamo at mala-anghel na mukha, mahusay makitungo, mainam na mangusap, at ang pinakadalisay na intensiyon ay namumugad sa kaniyang puso. Kapuwa'y nananahan ang mag-asawa sa Catalana, na sadyang mahinusay at mapayapang kalye, marahil ay napalaganap ni Severina ang kaniyang kabutihan at kababaang-loob.
Kapagkatawid sa gitnang lakaran ng padre, makikitang muli ang isang babaeng mayroong katandaang kung tatayai'y kuwarenta hanggang cinquenta años ang gulang, kulu-kulubot ang balat bagaman maputi, taglay-taglay ang anim na pulseras na tigtatlo sa magkabilang kamay, at tatlong alahas na rubi, esmeralda, at diyamante ang pagkakayari; nangangalimbahin ang kaniyang mahabang bestidang sayad sa sahig at nasasayawan ng mga ipinintang orkidyas at asalea. Maamo't mabait ang mukhang nangungulubot, ngunit masasabing nawalan ng laman ang Impiyerno sapagkat ang mga demonyo'y kumawala sa daigdig. Itong lahat ng paglalarawan ay tumutukoy sa Donya Gregoria Reverente, isang masungit at supladang maybahay ng kaniyang katabing Don Romulo Reverente na kabalintunaan ang pag-uugali kaysa Donya. Sa kabila ng magkaibang pag-uugali'y bihirang-bihirang mag-away ang dalawa, na mas lalong ipinagbubunyi ng kanilang mga kapitbahay.
BINABASA MO ANG
Pag-ibig sa Gabi ng Taglagas
Romance"Ilang pagkakataon ang kailangan upang mahulog akong muli sa iyong mga matitimyas na kasinungalingan?", tanong ni Laureliana. "Isa lamang, Liana, at nagdaan na ang panahong iyon, ang mahabang pagkakataong iyon," tugon ni Martin. "At bakit, Martin?" ...