2
Nang makauwi na ang pitong mangingisda kasama ang kani-kanilang mga maalalahaning mga asawa, agarang napawi ang linggalang nakagagambala, bumalong na muli ang katahimikan at kapayapaan. Habang natutulog ang mga tao, akin munang isasalaysay ang ilan pang katangian ng bayan ng Aragon, lalo na ang baku-bako't pauka-ukang hugis ng Daang Reina.
Sa kahabaan ng Daang Reina ay mayroon itong mga eskinitang lumalawig pakanluran at pasilangan, sapagkat ang daan ay sumasaklaw pahilaga at patimog patungong karagatan. Dalawampu't dalawa ang mga eskinitang taglay nito, taglay ang sari-sariling mga bansag. Sa unang apat na malalaking eskinita sa timog, ang Calle Casares, Calle Merida, Calle Tarragona, at Calle de la Cadaques, isang pares sa kaliwa't kanang dako, ay pinupunan ng mga maliliit na bahay na kadalasan ay mga tahanan ng mga pamilyang mayroong mga kamag-anak na alipin o mababa ang antas sa lipunang Espanya, maaaring mga magkakapamilyang mangingisda o magsasaka, o maaari namang mga mangangalakal at mga tindero sa lansangan. Dito nananahan ang pitong mangingisdang atin nang nakilala.
Sa ikalawang apat na mga malalaking eskinita, ang Calle Guirona, Calle Avila, Calle Caceres, at Calle Albarracín, ay pinupunan naman ng mga gusaling ginagamit at nagsisilbi bilang mga gusaling pagawaan at pinagkukunan ng lahat ng mga pinakapangunahing pangangailangan ng mga mamamayan; sa Guirona nakapuwesto ang lahat ng tindahang may kahinggilan sa mga pananamit, habang sa Avila ang mga panganing tulad ng mga isda, tinapay, at iba pa; sa Avila palagiang dinadala ng mga kargador buhat sa pampang ang kanilang ma nahuhuling isda, kung kaya'y bawat pagsikat ng umaga ay punung-puno ang lahat ng mga batya't palanggana ng mga sariwa't nagsasaganang mga isda. Sa Caceres nakapuwesto ang lahat ng mga tindahang mayroong kinalaman sa mga pagayak o pagpapalamuti sa kung anumang gusali o pagpapaanyaya; mga bulaklak, mga lamparang pintado, mga kakaibang lilok ng mga diyos at diyosa ng mga Romano't Greciano, mga pasong nagbubunyi sa tingkad ng iba't ibang mga kulay, mga obrang huwad at ginaya mula sa ibang mga kilalang pintor sa Europa tulad nina Van Gogh, da Vinci, at Michelangelo, mga eskultura ng mga santo't santa o kaya'y mga lilok na hinango sa kalikasan. Sa Albarracín naman makikita ang mga kagamitang ginagamit ng mga trabahador sa palasyo, dahilan upang makilala ang eskinitang ito pagdating sa mga magagandang-gawang kagamitan, na kung miminsan ay dinarayo ito upang magtingin-tingin at igala ang mga mata sa dami ng kagamitan hanggang sa umulwang tuloy-tuloy ang mga paningin at manghina.
Sa ikatlong apat na malalaking eskinita, ang Calle Santiago, Calle Holandesa, Calle Salamanca, at Calle San Sebastian, ay pinupunan naman ng mga maharlika at mayayamang mamamayan. Madalas ay mararangya ang mga piyestang ginaganap at idinaraos sa mga eskinitang ito. Dito nananahan ang mga mayayamang mga Don at Donyang nagtataglay ng kakal'hating kapangyarihan at naglalaksaang kayamanan, ngunit maraming mamamayan ang lumalayo sa mga kabahayan marahil ay hindi naaayà sa ugaling ipinararamdam ng mga tagaroon, kadalasan ay "sakim" at "maramot" ang madalas na ipanudyo ng mga taong mayroong mas mabababang antas. Aking hindi na iisa-isahin ang mga nakapaloob sa mga eskinitang ito, sapagkat kapos at lubhang kulang ang isang kabanata alay lamang sa paglalarawan, inuulit ko, kulang!
Sa ikaapat na apat na malalaking eskinita, ang Calle Toledo, Calle Ronda, Calle Malaga, at Calle Andaluza, ay nagtataglay rin ng mga timdahang gaya ng sa Guirona, Avila, Caceres, at Albarracín, ngunit pawang mga mayayaman lamang gumagamit at nakikinabang. Higit na marangya't maririkit ang mga obrang itinitinda rito, at higit na mahal ang kinakailangang bayaran, kahit na ang mga obrang ito ay pinalamutian lamang ng gintong pintura sa mga panlabas na guhit nito ay agad-agad namang lumipad lagpas-langit ang halaga ng bawat isa. Sa Toledo ang mga pananamit, sa Ronda ang mga pagkain, sa Malaga ang mga pagayak at palamuti, at sa Andaluza naman ang mga kagamitan.
Ang ikalima't huling apat na malalaking eskinita, ang Calle Castelana, Calle Antequera, Calle Catalana, at Calle Almeria, ay mga pinaghalu-halong mga gusaling iba-iba ang silbi: ang nasa Castelana'y mga palamparahan at paradahan ng mga karosa't anda sa tuwing magaganap ang isang prusisyon, o madalas na paradahan ng mga kalesang bumibiyahe araw-araw; ang Antequera ay alang-alang sa mga patay, isang buong kalye alang-alang sa mga patay, isang buo! Mayroon ditong isang sementeryong walang sinumang nagbalak na paghawanan at iniwan lamang na nakabalandra nang walang kalinis-linis, marahil sa pangamba't takot na bumangon muli ang mga yumaong bangkay at habulin ang lahat ng kanilang nagkasalang mga mahal sa buhay, at manlagim. Ang Catalana naman ay nakalaan para sa iba't ibang mga pook-pulungan, ngunit kadalasan ay nagiging
magandang lugar upang maglaro at magsugal gabi-gabi, lalong lalo na sa Casa de Loteria, kung saan ang lahat ng mga mayayamang mayroong matatayang salapi ay makikipaglaro’t magpapaligsahan sa kung sino at kaninong angkan ang mayroong pinakamayamang napaghirapang kayamanan, dahilan upang magbunsod ng mga away-aso at away-pusa halos gabi-gabi. Tanyag din sa kalyeng ito ang maraming mga painuman, maiging pinigang mga ubas mula Austria at ginawang mamahaling alak para lamang inumin at lagukin ng isang maharlikang hilig-hilig ang magpakalango. Napakaraming mga mararangyang pagdiriwang na kadalasa’y maiingay at nakabibingi ang nangyayari sa Calle Catalana, at kung sakaling ang pangalang “Catalana” ay maging ngalan ng isang babaeng sanggol, laking pagsisisi ng mga magulang nito na ang pangalan ng kanilang mumunting paslit ay hinango sa isang kalyeng napakaingay at dayuhan ng mga nais ipag-alibugha ang kanilang oras. Sa Calle Almeria naman, ay payak at karaniwang mga bahay at tahanan lamang ng mga mayayaman, ngunit mayroong isang katangi-tanging malasin, ang Katedral de Almeria. Ito lamang ang maituturing na “malaki’t katanggap-tanggap na simbahan” sa tanang bayan ng Aragon sapagkat sa pagtangtang ng mga paa’t pagyapak ay mararamdaman ang madaliang pagtigil sa pag-ikot ng mga de-ikot na relo sa ibabaw ng marmol nitong sahig; mataas, hugis pahabang tatsulok, at matarik na bubong, maraming kandelaryang ipinaglalambitin sa bawat tatlumpu’t limang dangkal, at isang maningning na altar: ito ang pinakatangi-tanging ipinagmamalaki ng mga mayayaman sa Calle Almeria.Sa tatas ng pangheherundyo’t tuloy-tuloy na pagbabasa sa aking mga salita’y mapabata man o mapamatanda, mapamayaman man o mapadukha, babae o lalaki, Don o Donya, Senyor o Senyora, ay pihong maliligaw sa laki ng bayan ng Aragon, kung sa panghaharaya’y hindi mapagkakasiya ang lahat ng ngalan ng mga eskinita sa iisang basa lamang. O humaya ka, ikaw na bumabasa nito, marahil ay kinakailangan mo rin ng sapat na oras ng pagtulog, sapagkat iilang oras na lamang ay sisikat muli ang Oropeong araw at magbubukang-liwayway, muling aawit ang mga ibong mapayapang nakadapo sa mga sanga ng pino’t pupunin ang mga tainga ng mga maagang magising, muling lalagaslas ang mga alon sa dagat at sisimulan nitong muling maglakbay, matutulog na sa wakas ang mga kabundukan sapagkat ang oras ng kaniyang pagbabantay ay natapos na, at maraming pang ibang mga bagay-bagay ang naghihintay at nag-aabang sa iyong paggising sa banig sa sahig ng nanlalamig at naninipis na kumot. Pakahayaan mo, ikaw na bumabasa nito, na uyayiin ka ng mga matitimyas na salita’t kataga ng pagpapaalam; sisibol muli ang isang napakaganda at maaliwalas na umaga.
BINABASA MO ANG
Pag-ibig sa Gabi ng Taglagas
Romance"Ilang pagkakataon ang kailangan upang mahulog akong muli sa iyong mga matitimyas na kasinungalingan?", tanong ni Laureliana. "Isa lamang, Liana, at nagdaan na ang panahong iyon, ang mahabang pagkakataong iyon," tugon ni Martin. "At bakit, Martin?" ...