Isang Ladron

10 0 0
                                    

3

Muling sumibol ang umaga, subalit nagkukumahog at hindi magkamayaw ang lahat ng mga tagabayan ng Aragon na animo’y nangaggagayak dahil sa isang pilit parangyaing piyesta; maraming kargador na ang nagbubuhat ng kanilang mga nahuling isda patungong Avila, at maraming mamamayan ang nakapila’t nag-uunahan sa pagkuha ng kanilang mga uulamin para sa agahan; mula sa Castelana’y isa-isang nagsimulang bumiyahe ang mga kalesang pinakakaripas ng mga kabayo, sakay-sakay ang mga pasaherong kung hindi man nagtatrabaho ay ninasa lamang na maggumala; sa Katedral de Almeria, maraming mga mayayamang matatanda, mga Don at Donya, mga Senyor at Senyora, ang kusang naakit sa pag-aalingawngaw ng dalawang malalaking dambana at dumalo sa ikalawang misa sa umaga, hindi mawari ang dahilan: maaaring sadyang malalim at nasa mga ugat at kalamnan ang kalaliman ng pananampalataya sa Diyos, o maaaring ginagawa’t ikinikilos lamang upang magmukhang mga relihiyoso’t relihiyosa at nang matawag bilang “katulad-tulad” at “kawangis-wangis” ng kataas-taasang Corregidor o ng mga opisyal na sumusunod sa kaniyang pang-iinggrato at paghahari-harian. Ngunit, gumalantang sa madla ang isang sigaw:

"Magnanakaw! Hulihin ninyo, mga hangal!” pang-aagaw-pansin ng isang matandang hindi gaanong mayroong katangkaran, pinagsamang puti at itim na buhok, nakagintong salamin, matapang ang mukha, at ang kaniyang kasuotang decente ay nababahiran ng kabulaglagan dahil sa mala-heneral nitong pagsasalita. Itong matandang ito, bagama’y matanda ang pangalan, ay ang Don Apolonio Almerique, isang maharlikang mamamayan sa Calle Aragonesa na tinatahananan ng isang buong pamilya’t magkakaangkan, ang angkan ng mga de los Departes. Kasama niya ang kaniyang mga anak at mga apo sa kaniyang malaking Villa Roma, isang malaking bilya sa dulong dako ng Calle Aragonesa; bagaman ang loob ng kaniyang malaking bahay ay pinalalamutian ng maraming mamahaling muebles, pare-parehong mga inggrato at inggrata ang lahat ng madasalin, at pare-parehong mga imbecil pagdating sa pakikipag-ugnayan sa iba pang kilalang mayayaman.

Descerebrados, walang hiya! Itong maralitang nakatira sa Casares, sa bahay na niyari ng basura, walang gagamunting karangalang-asal ni galang ang nalabi, nagawa pang mangulimbat mula sa mga tindahang pawang mayayaman lamang ang nararapat na makinabang, walang utak! Magbabayad ka sa kagagawang iyan, makikita mo kung ano ang higit na makapangyarihan, ang kagagawa’t balaking taliwas at humihidwa sa saklaw ng batas, o ang isang kasulatang mula sa opisina ng mataas na corregimiento! Descerebrados ladron, iyo pang nadaig ang paninila ng mga leyon sa Aprika, layas!” walang tigil at masatsat na pang-iingay ng Don, na animo’y lubhang marami pang nasasabi kaysa sa mga kababaihan pagdating sa mga away-away.

Sa tanang haba ng kanyang pagsasalita ay walang naglaan ng oras upang pakinggan ito, dahilan upang madaliang humupa ang mga kaganapan sa bungad ng Calle Aragonesa, habang patuloy na pinagmamasdan ng Almerique ang matuling pagtakbo ng magnanakaw hanggang sa marating nito ang pinakadulong bahagi ng Daang Reina, at maaaring napatawa ang Don Apolonio marahil sa nakita nitong mangilang beses itong natalisod bagaman palagi itong naduduling saan man niya ibaling ang kaniyang paninging nanlalabo. Naglakad na ito pabalik sa kalye, walang ibang tangan-tangan maliban sa kaniyang salaming hinubad at nililinis marahil ay nakasasagap ng samu’t saring duming lulutang-lutang sa malamig na simoy ng Atlantiko. Sa kaniyang nakatatandang panlilimayo’y kaniyang nasangga ang isang nagdudumaling dalaga, marahil ay hindi nakita buhat ng nanlulugo’t nanghihinang mga mata.

O ikaw hija, saan ka muling patungo? Palagi ka na lamang humahangos at nagmamadali, sino ba ang iyong nakahiligang dalawin?”, wika ng Don. Mahinhin, mayumi, maamo, at mahabagin ang mukha niring dalaga, maputi’t makinis ang balat na nagmimistulang sutlang hindi mahalit-halit, malalim ang pagkapula ng kaniyang bestidang mayaman ang pagkakahabi, hawak-hawak ang isang pamaypay na itim, maringal na maringal ang pagkokolorete, at mayroong magandang lilang bulaklak na nakatuhog sa kaniyang kulay-luksa at malalagong pulumpon ng buhok. Ito ay ang Doña Laureliana de los Departes, mahinhin at magaan ang pakikitungo, palangiting dalaga, hindi kailanman gumugunaw sa kaniya ang masasamang mga salitang ibinabato ng iba nang dahil sa pagkainggit, at malapit sa pag-aalaga at pagmamahal ng kaniyang mga magulang na sina Señora Maria Umbrijana de la Montaga at Señor Vernaldino Marcelin de los Departes.

Pag-ibig sa Gabi ng TaglagasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon