Chapter 1 (Psych room)

55 0 0
                                    


"Baliw!", nasabi ko sa bestfriend ko na si Nadia nung may binulong siya sakin.

"Pumayag ka na kase Kat. Hihingin ko lang naman ang number tapos yun, I-text mo", pangungulit ni Nadia.

"Nads, ayoko."

"Eto naman ang seryoso masyado. Binibiro lang naman kita. Pero.... kung sakaling gusto mong gumawa ng first move kay Steve, sabihin mo agad sakin, at akong bahala!", sabay tapik ni Nadia sa balikat ko.

"Baliw ka talaga." Natatawang sagot ko kay Nadia. Napatingin ako sa paligid, takot na baka may makarinig sa usapan namin. Nasa classroom kame ng psychology class. Wala pa yung professor sa harap, may 25 seats sa kaliwa kung nasaan kame ni Nadia, yung gitnang isle, at 25 seats din sa kanan kung nasan si Steve. Halos puno na yung mga upuan sa buong room. Magkatabi kame ni Nadia sa 4th row, pinakadulo ako, malapit sa pader. Eto ang favorite spot ko, hindi sa gitna, hindi malapit sa bintana. Napatingin ako sa direksyon ng kinauupuan ni Steve, 3rd row, kanan ng isle. Naka black shirt siya, ripped jeans, at maroon vans shoes. Pero ang pinaka kapansin pansin ay ang mahaba at dark black hair neto na naka man bun. Yung bun na parang minadali at medyo magulo ang pagkakatali. Ang pogi ng dating. Totoong crush ko si Steve, pero hanggang dun na lang yun dahil may gusto akong iba.

"Jay!" Itinaas ni Nadia ang kamay niya para ipakita kung saan kame nakaupo.

"Medyo late natapos yung meeting namin", hinihingal na sabi ni Jay habang papalapit samin. Umupo siya sa 3rd row sa harap ko.

"Ikaw lang yung taong kilala ko na nalelate sa class na 7pm." Pabiro kong sinabi.

Lumingon si Jay sa likod at sinabi sakin "Sorry na po inay", habang nakangiti at naka peace sign. "Nads, pagtanggol mo naman ako."

"Tama na nga yan, parating na si prof oh." Sabay turo ni Nadia kay Professor Robert na naglalakad na sa hallway.

Pumasok na nga classroom si prof Robert at natahimik na ang classroom. Humarap na ang lahat sa pisara. Napatingin ako sa likod ni Jay na nakaupo sa harap ko. Simple lang siya manamit, yung typical na shirt, jeans, at rubber shoes. Wala ring kakaiba sa buhok niyang clean cut, na hindi na halos nagbago since high school. Kababata ko siya, pero 3rd year high school kame nung nagsimula akong magkagusto sa kanya. Hindi ko ito masabi kay Jay, dahil natatakot ako sa magiging epekto nito sa friendship namin. Hindi ko din ito masabi kahit kanino, kahit kay Nadia.

Nagsimula ang class sa checking of attendance. Binasa ni prof Rob ang mga pangalan sa bawat index card na hawak niya. Naunang tinawag ang pangalan ng mga kaibigan ko.

"Alfonso, Jayson"

"Dela Rosa, Nadia"

"Diaz, Katrine".

"Present, prof", nang matawag ang pangalan ko.

Isa-isang tinawag ang mga pamilyar na pangalan na every week ko nang naririnig.

"Guzman, Joaquin Christopher".

"Present po." Isang boses ng lalaki ang narinig ko sa likod. Napalingon ako dahil ngayon ko lang narinig ang pangalan na yon.

Nakita ko ang isang lalaki sa 5th row sa likod, sa dulo rin tulad ko. Naka white and black striped polo shirt, jeans at white shoes, sakto lang ang haba ng buhok na di tinipid sa wax, at walang kahit isang hibla ng bigote. Mukhang di makabasag-pinggan. Ayos at tikas mayaman. Napatingin siya sakin kaya bigla akong tumingin sa harap. Mag 2 months na ang semester na to at ngayon lang siya pumasok, napaisip ako. Pakealam mo ba Kat.

Sa kalagitnaan ng class ay hindi na ako nakikinig sa lecture. Excited na akong matapos ang klase dahil sabado ngayon at walang pasok bukas. Sabik na din akong makita at mayakap ang alaga kong pusa na si Peete pag uwi ko.

Natapos na din ang klase sa wakas. Naglalakad ako palabas ng campus kasama si Jay. "Hindi pa ba uuwi si Nads?" tanong ni Jay.

"Magkikita daw sila ng pinsan niya bago umuwi." Sagot ko.

Sumakay na ako ng jeep paglabas ng campus. Kumaway ako kay Jay na nakatayo pa sa labas ng campus gate. Kumaway din siya at ngumiti. Yung ngiti niya, yun na siguro ang pinaka paborito kong ngiti. Yung ngiti na mapapawi lahat ng pagod at stress mo sa buhay. Napa buntong hininga ako, umaasa na sana balang araw magkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin sa kanya ang nararamdaman ko.

"Bayad po." Iniabot ko ang 7 pesos sa ale nang mapansin kong may kulang sa kamay ko. Oh no, yung precious bracelet ni Mama. Matagal na niyang pag-aari yun at kakabigay niya lang sakin last week. Mawala na ang lahat wag lang ang bracelet na yon. Iniisip kong pano natanggal sa kamay ko yun at nahulog. Hindi pwedeng may humila nun sa kamay ko dahil mararamdaman ko yun. Hinanap ko sa bag ko, sa paligid ng jeep, pero hindi ko makita. Relax, Kat. Mahahanap mo din yan. Focus. Isipin momg mabuti. Naalala ko pang suot ko yun bago ang last class ko kanina.

Pinara ko ang jeep at bumaba ako. Sumakay ako ng jeep pabalik ng campus.

Hinihingal akong naglalakad sa campus habang hinahanap ko ang bracelet sa lahat ng lugar na dinaanan ko kanina. Wala ng masyadong tao sa paligid maliban sa mga Law students at mga Master's degree students na pauwi na. Madilim na at tahimik pero hindi ako nagpapatinag kahit medyo nakakatakot. Nakarating ako sa room kung saan ang psych class ko kanina. Papasok na ako nung may narinig akong nag uusap sa library na katabi nito. Sumilip ako at nakita kong may isang lalaki at babae na tila may pagtatalong nagaganap. Maingat akong umalis nang biglang nahulog ang cellphone ko. Magaling, Kat. Ang galing ng timing mo. Natataranta kong pinulot ang phone ko at pumasok sa room na katabi nito. Umupo ako ng payuko sa sahig para hindi nila ako makita. Bakit ba ako nagtatago? Di ko din alam. Narinig ko silang naglakad paalis ng katabing library at palabas ng building. Napahinga ako ng maluwag at naalala kong nasa loob ako ng psych classroom ko.

Oo nga pala, kailangan ko na hanapin ang bracelet ko. Tumayo ako at nagsimulang maghanap sa sahig sa harap ng classroom papunta sa likod. Pagdating ko ng 4th row, nakita kong may kumikislap sa ilalim ng upuan ko kanina. Dali dali akong lumapit at nakita ko nga ang bracelet ko, ang bracelet ni Mama. Nakahinga ako ng mas maluwag, para akong natanggalan ng malaking tinik sa leeg. Hay, salamat. Tumayo na ako at naglakad papalabas ng room nang bigla akong napahinto sa narinig ko sa likod. Tahimik ang buong paligid kaya dinig na dinig ko ito na para bang nasa tabi ko lang yung tunog.

May humahagulgol sa likod ko. Matinis at parang nagmamakaawa. Nanigas ang buo kong katawan. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nakakakilabot.


I'm in love with a PsychoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon