Ikinasal si Juan De Salcedo kay Dayang Kandarapa. Isinuot niya sa daliri ng prinsesa ang gintong singsing na may tampok na perlas--ang La Peregrina.
Inialay naman ni Kandarapa sa kabiyak ang isang pumpon ng lotus na kulay rosas. Binalot niya ang mga tangkay ng bulaklak ng isang mensaheng nagsasabing si Juan de Salcedo ang una at huling lalaki na kanyang mamahalin.
Tutol si Miguel López de Legazpi, lolo ni Juan, sa kanilang pagmamahalan kaya inutusan nitong maglayag si Juan sa malalayong probinsya. Sumunod si Juan sa abuelito sa pag-asang paglaon ay matatanggap din nito ang pag-iibigan nila ni Kandarapa.
Di nagtagal, nagpadala si Don Miguel ng mensahe kay Dayang Kandarapa na pinakasalan na ni Juan ang anak na dalaga ng Raja ng Kaog, Santa Lucia.
Subalit ang dumurog sa puso ni Kandarapa ay ang balitang pumanaw na si Juan sa pakikipagdigma.
Samantala, ipinagkasundo ni Lakan Bunao si Dayang Kandarapa sa Raja ng Macabebe.
Isinumpa ng dayang na tutulay muna siya sa baging pasan ang isang malaking isda at mamamatay muna bago siya pumayag na makasal sa iba.
Tinanggap ni Lakan Bunao ang kondisyon. Inutusan niya ang kanyang mga tauhan na magtali ng baging patawid sa Ilog Pasig.
Kahit bumabagyo, lumusong si Kandarapa sa ilog suot ang pulang bestida na regalo ni Juan. Naalala niya ang pangako ng asawa bago ito umalis: "Hindi kita pagtataksilan, Dara. Kung malulungkot ka habang ako'y wala, ihagis mo ang singsing na perlas sa Ilog Pasig. Lilitaw ang isang malaking isda, at sasabihin niya sa iyo na ikaw lamang ang aking mamahalin habambuhay."
Hindi alintana ang ulan at ang mga nililipad na dahon sa paligid, inihagis ni Kandarapa ang singsing sa ilog at nilunok iyon ng dambuhalang isda na lumitaw. Natakot ang mga taong nasa tabing-ilog.
Napaluha si Kandarapa nang magsalita ang isda. "Prinsesa Kandarapa, kung paanong hawak ni Juan ang aking buhay, hawak mo naman ang kanyang puso. Sabihin mo ang iyong kahilingan."
"Hayaan mong makatulay ako sa baging habang pasan ka."
Matapos makatawid sa kabila ng ilog ay ibinalik ni Kandarapa ang isda sa tubig. Lumangoy ito palayo at di na muling nakita pa.
BINABASA MO ANG
PRINSESA
Исторические романыHango mula sa kasaysayan ng buhay-pag-ibig ni Juan de Salcedo at ni Prinsesa Kandarapa.