"H-huh?! A-anong..."
"Oo miss. Ibigay mo na s'akin ang wallet mo para matapos na ang usapan." Mahina ang boses ng matandang lalaki. Ang taas nito ay hanggang balikat lamang ni Kendra. Gulat niyang hinarap ang matalim na kutsilyong idinuduro nito.
Naisip niya ang bigat ng backpack sa kanyang likuran maging ang camera na nakasabit sa kanyang leeg.
Takang-taka siya kung bakit ang tanging pinag-iinteresan ng mamang ito ay ang kanyang wallet bag na nakalaylay sa kanyang kaliwang balakang. Wala naman itong laman kundi mga ticket, resibo, lipstick, make-up, kaunting barya at itinerary niya patungo sa kanyang destinasyon."Ano pa'ng iniintay mo? Huwag mong ubusin ang maghapon ko, o baka gusto mong isaksak ko ito sayo!" May impit sa salita ng mama habang iwinawasiwas ang patalim. May panginginig sa boses nito kaya't hindi matantya ni Kendra kung bihasa ito sa kanyang ginagawa.
"Alam mo kuya, naghintay ako ng anim na oras sa Terminal 3 dahil na-delay ang flight ko papunta ng Palawan. Pagkatapos walong oras ako nagbyahe sakay sa ordinary bus para makarating dito sa El Nido. Wala pa akong matinong tulog pagkatapos ay heto ka para kuhanin ang wallet ko?" Umakyat ang dugo sa ulo ni Kendra.
"Hinaan mo ang boses mo baka hindi kita matantiya!" Gigil na pagak ng holdaper. "Ibigay mo na sakin yan at manahimik ka na lang diyan kung hindi---"
"Alam mo kuya, wala ako sa mood makipag-takutan sa'yo." Lalo niyang tinaasan ang kanyang boses umaasang may makakarinig sa kanila subalit mukhang oras ng siesta ng mga tao. Sa isang sulok kung saan sila naroon ay malabong may mapagawi upang siya ay matulungan.
"Wala akong pakialam sa mood mo! Hindi kita gustong saktan, miss. Ibigay mo na sa'kin ang wallet mo!" Halong pagmamakaawa at panggagalaiti ang boses ng lalaki. Sabay nito ay ang muling pagduro ng nanginginig na kutsilyo. Doon pa lamang ay alam na ni Kendra na hindi sanay ang lalaking ito sa mga ganoong gawain kaya't lalong lumakas ang kanyang loob na labanan ito.
"Bueno, kung mapilit ka talaga." Inabot ni Kendra ang kanyang wallet bag. Binuksan niya ang zipper nito at ibinuhos lahat ng laman sa buhangin.
"Anak ng pu**! Anong ginagawa mo?!" Maang na tanong ng matanda.
"Ano sa tingin mo? E 'di nagpapa-holdap sayo." Bulalas niya.
Dali-daling yumuko ang holdaper at hinanap ang lahat ng pera na kanyang madadampot. Saka naisipan ni Kendra na buksan ang camera at kuhanan ng picture ang delinkwenteng lalaki.
"Anong gingawa mo?!" Tinakpan ng mama ang kanyang mukha upang hindi siya makuhanan ng picture. Sa aktong iyon nakakuha ng tiyempo si Kendra. Sinipa niya ang lalaki sa kanyang maselang bahagi dahilan para mabitawan nito ang kutsilyo at mamilipit sa sakit.
"Selfie! Kasama ng holdaper na panira ng bakasyon ko!" Nang matiyak ni Kendra na malayo na ang kutsilyo ay sinugod na niya ang matanda at binirahan pa ng sunod na sunod na sipa.
"Baliw kang babae ka!" Nanginginig na gumulong palayo ang holdaper saka kumaripas ng takbo. Kinig pa din niya itong nagmumura habang tumatakbo papalayo.
"Takbo! Sige tumakbo ka! Parang ex lang ang trip? Duwag lang?! Takbo!" Humihingal siyang nagsisisigaw. Nagulat din siya sa kanyang sarili at nasambit niya iyon. Mabuti na lamang walang nakakarinig sa kanya. Yumuko na lamang siya sa buhanginan upang pulutin ang nagkalat niyang mga gamit.
"Pinagtatadyakan mo din ba ang ex mo tulad ng ginawa mo sa kanya?" Isang malalim na boses ang narinig niya mula sa kanyang likuran.
Napaupong bigla si Kendra. Hindi pala siya nag-iisa. Nilingon niya ang may-ari ng malaking anino na nasa kanyang harapan. Muli siyang nakaramdam ng kaba. Mas mukhang mapanganib ang lalaking ito.
BINABASA MO ANG
A Buccaneer's Tale
RomanceSimple lang ang gusto ni Kendra, ang magkaroon ng isang kakaibang bakasyon. Kaya't nagpasya siyang magpunta "mag-isa" sa isang private island sa El Nido, Palawan. Subalit bago pa man siya makarating sa Isla Salve, ay sunod-sunod na kamalasan na ang...