NASA gitna ako ng sala ng tinuluyan kong bahay sa Pico Mundo sa loob ng ilang araw. Malungkot kong iginala ang paningin ko sa paligid, inalala kung saan nakapuwesto bawat silya at sofa. Bahagyang madilim doon dahil makulimlim sa labas.
Ito na ang araw na magpapaalam ako sa Pico Mundo. Ito na ang araw na maiiwan ko ang lugar na nagturo sa 'king magmahal at tumanggap ng sarili. Ito na ang araw na iiwan ko si Jeffrey, ang anghel na mahal na mahal ko...
Inalala ko kung paano ako napunta sa ganoong sitwasyon...
"Parang awa n'yo na po, ako na lang ang parusahan n'yo..." sabi ko, nagmamakaawa sa hudgado. Naroon ako sa silid kung saan nila ako tinanong, nakatayo ako dahil hindi ako mapakali. Dahil alam kong nahihirapan si Jeffrey. Sila naman ay nakaupo, nakatingin sa 'kin.
"Kung ano man ang nangyayari sa kanya, pahintuin n'yo na po." Kinuyom ko ang mga kamao kong nanginginig. "Ayoko pong makita siyang nahihirapan. Ayoko po. Hindi ko po kaya."
Naawa akong tiningnan ng kamukha ni Dolphy, na napag-alaman kong Anghel Adonael ang pangalan. "Kung ano man ang nangyayari sa kanya, pinili niya iyon."
Umiling ako para sabihing hindi ko siya naiintindihan.
"Ikaw dapat ang mapaparusahan. Ikaw dapat ang makakaramdam no'n ngayon. Ikaw dapat ang mapupunta sa Kaharian ng Pagpaparusa. Pero sinabi niya sa 'min na siya na lang." Bahagyang nanginig ang tinig ng anghel, na tila ba malapit na rin itong maiyak. "Siya na lang ang sasalo ng lahat. Siya na lang ang masasaktan para sa 'yo. Siya na lang ang magdurusa para maging masaya ka."
Isinalaysay ni Anghel Adonael ang naging kasunduan nito at ni Jeffrey.
Nang marinig ko ang lahat ay lalo akong napaiyak. Hanggang sa huli pala, gusto akong protektahan ni Jeffrey. Pipiliin pala niyang siya ang mapahamak kaysa ako. Hanggang sa huli pala, gagawin niya ang lahat para hindi ako masaktan.
Hindi na ako nakapagsalita ng mga panahong iyon. Nagbakasakali akong ang mga luha ko na ang nagsasalita para sa 'kin.
Naglayo ng tingin si Anghel Adonael. Para bang hindi niya kayang makita ang basag na puso sa harap niya. "Ngayon lang ako nakakita ng ganoong katinding pagmamahal," sabi ng anghel. "Aaminin ko sa 'yo..." Kumuyom ang kamao ng matandang anghel. "Aaminin ko sa 'yo, gusto ko kayong makitang maging masaya. Kasi alam kong totoo kung ano man ang meron kayo. Pero hindi namin puwedeng hayaaang mangyari iyon. Kaya nakapag-isip isip na kami kung ano ang maari naming gawin."
Tahimik lang ako, inisip na kahit anong makakapagpawala ng sakit na nararamdaman ni Jeffrey, gagawin ko. Kahit kapalit pa niyon ay isakripisyo ko ang sarili ko.
"Natuwa kami sa mensaheng ibinigay mo kahapon," sabi pa ni Anghel Adonael. "Pinag-aralan namin ang kaso mo at naisipan namin na... Na ikaw ang ibalik sa mundo. Ikaw ang bigyan ng tsansa na muling mabuhay."
"Kung... kung ako po ba ang ibabalik n'yo sa mundo, hindi na mapupunta si Jeffrey sa Kaharian ng Pagpaparusa?" paniniguro ko
Tumango si Anghel Adonael.
Hindi ko na kailangang mag-isip pa. "Gagawin ko din po ang lahat para hindi na magdusa si Jeffrey." Napayuko ako. "Kung ito ang paraan para mangyari iyon, tatanggapin ko 'yon ng buo..."
"Pero kailangan kong sabihin 'to... Kapag ikaw ang bumalik sa mundo, mabubura lahat ng ala-ala mo tungkol sa Pico Mundo. Hindi namin hahayaang magkaroon ng tao sa mundo na alam kung saan napupunta ang mga nagpapakamatay. Ang mananatili lang sa isip mo ay ang mga natutunan mo rito tungkol sa buhay."
BINABASA MO ANG
Mad World (Complete)
RomanceMy name is Herminia. I became so depressed pagkatapos pakasalan ng lalaking mahal ko ang kaibigan ko. I thought maybe suicide would end it all. So I did it. I killed myself. Only to discover na mapupunta ako sa isang dimensiyon na tinatawag na Pico...