Chapter 17: Mark of the Enemy (Marka ng Kaaway)

3.9K 126 87
                                    

"What you do in this world is a matter of no consequence. The question is what can you make people believe you have done."

-Sherlock Holmes


"Nasaan si Johan?" tanong ni Helena. Nang maalimpungatan siya ay agad siyang bumangon sa kanyang hinihigaan. Naglakad-lakad, naghanap ng kasagutan at nagtataka kung bakit wala ang binata sa lugar na iyon.

"Ano bang nangyayari nasaan siya sumagot kayo?!" bulyaw naman niya sa mga sundalong tikom ang bibig.

Napayuko na lamang sila at tila iniiwas ang tingin sa dalaga. Bahagya namang gumilid si Helena upang makita ang nangyayari sa hologram screen na kanilang tinitingnan. Nakita niya ang ilang mga pulang tuldok na nakalapat sa isang mapa ng Quezon. Tila lalo siyang nag-alala sa pagkakataong iyon. Naglaro na sa kanyang isipan ang kung ano mang puwedeng gawin ni Johan kaya't wala siya sa lugar na iyon.

"A-ano bang binabalak niya?" wika niya.

"P-pasensiya na po, Madam. Pero ayaw niyang sabihin..." wika naman ng isang sundalong pinagpapawisan na ng malamig.

"Sabihin na ano?!"

"N-na pupunta siya sa kuta ng kalaban...ay...mali!" Naibulalas na lamang ng sundalong iyon ang hindi niya dapat sinabi. Nanlaki naman ang mga mata ni Helena, tumalikod siya at tiningnan ang isang heli ship na nakadaong sa di kalayuan.

"Ma'am pasensiya na po pero hindi po namin kayo papayagang sumunod." Kinapitan siya ng sundalong iyon sa balikan. Tiningnan na lamang ni Helena nang masama ang sundalong iyon.

"U-utos po niya na wala daw pong susunod, kahit sino. Kahit kayo pa daw po," paliwanag niya.

"Hindi siya malakas, at kahit naghihilom ang mga sugat niya ng katulad sa akin ay hindi pa rin siya makakatagal doon. Ano bang iniisip niya?!" Hinawi ni Helena ang braso ng sundalong iyon at hindi nagpapigil. Agad namang sumunod ang lima pang sundalo at hinarangan ang dadaanan ng dalaga.

"Madam. Pasensiya na po, pero hindi kami papayag na umalis kayo," Luminya ang mga sundalong iyon sa harapan ni Helena at ibinuka ang kanilang mga kamay.

"Paraanin ninyo ako kung ayaw niyong masaktan..." malumanay niyang sambit. Tila itinatago ang panggigigil ngunit nakikita naman iyon sa mga sarado niyang kamao. Napalunok na lamang ng kaunting laway ang mga sundalong iyon.

"Pasensiya na po...pero hindi kami aalis dito. Iyon po ang utos ng commander." Napapikit na lamang sa insi si Helena at huminga nang malalim.

"Hayaan mo siya..." Isang boses ang kanyang narinig sa kanyang likuran. Boses iyon ng babae, matamlay ang tono ng kanyang pananalita at nang siya ay lumingon ay nakita niya si Layla. Mugto pa rin ang kanyang mga mata ngunit mababakas sa kanyang mukha ang galit na naipon sa kanyang kamalayan.

"Layla? Hindi mo ba naririnig ang sarili mo? Paano kung..."

"Ginawa niya iyon para wala nang mapahamak na iba. Dahil nagsisisi siya sa mga nangyari. Mas pipiliin niya na lang ngayon na siya na mismo ang kumilos. Iyon ang gagawin niya," wika naman ni Layla na tila nakatingin siya sa kawalan habang nakikipag-usap kay Helena.

"Pero..." sambit na lamang ni Helena. Muli siyang tumingin sa mga sundalong nakaharang. Dahan-dahan namang umiling ang nasa gitna ng limang sundalong iyon.

"Kung matatapos ang buhay niya sa ganitong paraan, hayaan mo siya. Dahil may dahilan ang lahat ng ginagawa niya," dagdag pa ni Layla.

"Sinisisi mo ba siya sa pagkamatay ni Edward ha?!" tanong naman ni Helena.

"Hindi ko sinabi 'yan," sagot naman ng dalaga sabay talikod sa kanyang kausap.

"Huwag mo akong tinatalikuran kapag kinakausap kita!" bulyaw naman ng dalaga.

Philippines: Year 2303 - A Game of WarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon