CHAPTER ONE
“OH, oh, oh.. oh, oh, oh.. Awesome!”
Ang sikat na line na iyon sa isang sikat na TV show ang sumalubong kay Lyka pagdating niya sa bahay nila. Kitang kita niya na bidang bida ang kanyang three-year-old na pamangking si Menchie habang bigay rin ito sa pagsasayaw na animo isa sa mga dancers din sa naturang show na iyon. Tatawa tawa naman ang kanyang kapatid na si Donald habang pinapanood nito ang unica hija nito.
Pumasok siya sa loob ng bahay. Agad naman ang salubong ng kanyang bibong bibong pamangkin at humalik sa pisngi niya. “Tita Lyka! Pasalubong ko po?” agad na tanong ng bata sa kanya.
Kinuha niya ang isang pack ng wafer sa kanyang bag at binigay sa kanyang pamangkin. Agad-agad ang pagsilay ng saya at pagkasabik sa mukha nito ng makita ang pagkain. Humalik muli ito sa kanya at nagpasalamat. Favorite nito ang wafer kaya kinain agad iyon ng bata. Tuwang tuwang pinanood niya ring kumain ang pamangkin.
Si Menchie ang kanyang una at nag-iisang pamangkin. Dalawa silang magkapatid. Ang Kuya Donald niya at siya. Nang makatapos siya ng college ay nagpakasal ang kanyang kapatid at biniyayaan ng isang anak na si Menchie. Ngunit sa malas nga lamang, nang magdadalawang taong gulang na ang bata ay naaksidente ang kanyang kuya at nagdulot iyon dito ng malaking pinsala. Na-paralyze ang kaliwang bahagi ng katawan nito dahilan para hindi na ito makapagtrabaho at malugmok na lamang sa bahay.
Ang asawa naman nitong si Ate Lourdes ang tumayong padre de pamilya sa pamilya ng mga ito ngunit hindi sapat ang kinikita nito para sa gamot at pang araw-araw na gastusin ng pamilya ng mga ito. Hindi kasi nakatapos ng highschool si Ate Lourdes kaya naman labandera lamang trabahong kayang pasukan nito.
Siya naman ay nagtapos ng kursong Bachelor of Arts in Communication sa isang hindi gaanong kilalang unibersidad sa Maynila. Ganoon pa man, utang niya sa kanyang kapatid ang karangalang natamo niya. Kung hindi dahil dito ay hindi siya makakapag-aral. Ulila na kasi silang magkapatid. Sampung taong gulang pa lamang siya noong sabay na namatay ang kanilang mga magulang dahil sa isang aksidente. Seventeen years old naman ang kanyang kapatid noon at dahil sa nangyari, hindi na ito nakapag-kolehiyo at nagtrabaho na lamang sa isang factory. Ito ang nagpa-aral at bumuhay sa kanya.
Malaki ang utang na loob niya sa kanyang kuya kaya naman ngayon ay tinutulungan niya ito at ang kanyang pamilya. Hangga’t kaya niya ay tutulungan niya ang mga ito. After all, ganoon din naman ang ginawa nito sa kanya kaya naman dapat ay suklian din niya ang ginawa nito sa kanya noon.
Isa siya ngayong tagalog romance novel writer sa isang publishing company sa Pilipinas. Hindi kalakihan ang sweldo niya ngunit tama na iyon para mabuhay silang normal na magkakamag-anak. Masaya sila kahit ganoon. At least, kahit papaano ay nakaka-survive sila. She’s been working as a romance writer for 2 years and now, she’s already quite famous kaya naman alam niyang maiaahon din niya ang pamilya sa tulong ng kanyang galing at talent sa pagsusulat.
“O, Lyka. Nandito ka na pala,” bati sa kanya ni Ate Lourdes. “Kamusta naman ang lakad mo?”
“Ay naku, sobrang hassle! Grabe pala ang pila diyan sa BIR dahil lang diyan sa withholding tax na 'yan! Diyos me, pagod na pagod ako,” aniya saka umupo sa silya. Lumapit naman sa kanya si Menchie at sinimulan siyang i-massage. Natuwa naman siya sa ginawa ng bata sa kanya. Natural na dito na gawin iyon. Sweet ito at maalaga.
“Salamat, Menchie. Tatanda yata nang maaga si Tita dahil sa stress,”
“Naku, Tita. Bad 'yan. Paano kayo makakahanap ng gwapong tito ko kung may mga wrinkles na kayo?”
“Iyon na nga eh! 'Tsk. Kung sana lang talaga may totoong prince charming, matagal ko na siyang napikot.”
“Ano po iyong napikot?” inosenteng tanong ng bata.