CHAPTER SIX
PAPASOK na si Red sa kanyang opisina nang maalala ang schedule niya. Kinuha niya iyon sa sekretaryang si Gina. Akmang papasok na sana siya sa loob ng kanyang office nang magsalita ito.
“Sir, may bisita po kayo,”
Kumunot ang noo niya. Sino ang magiging bisita niya nang araw na iyon eh wala naman siyang kilalang may balak bumisita sa kanya nang araw na iyon? Ngunit bago pa niya iyon maitanong kung sino iyon ay lumitaw na ang ulo nito sa pinto ng opisina niya.
“Jared?”
“Pare!” niyakap pa siya nito. “Long time, no see! Kamusta ka na?”
Si Jared ay kaklase niya noong college. Medyo close sila nito. “Ayos naman. Ikaw? Akala ko sa America ka na nakabase ngayon.” tugon niya nang makapasok sila sa opisina niya.
“Umuwi lang ako ngayon kasi may class reunion daw tayo,”
Kumunot ang noo niya. Wala siyang kaalam-alam tungkol doon. “Class reunion? Kailan?”
“Sa Tuesday na, ah. 'Di mo alam?” Today is Friday.
Umiling siya. “So may balak kang umattend?”
“Oo naman. Na-mi-miss ko na rin ang mga loko nating classmates. Lalo na si Natalie,” ang tinitukoy nito ay ang college crush nitong classmate din nila. “Titignan ko kung maganda pa rin siya hanggang ngayon,”
Umiling iling siya. “May fiancée ka na at lahat, babae pa rin ang nasa isip mo?” ang huling balita niya dito ay na-engage na ito sa isang American red head na naging katrabaho nito sa bansa.
Lumungkot ang mukha nito. “My engagement with Marla is now off, Pare. Wala nang kasalanang magaganap.”
Kumunot ang noo niya. “Why?”
“'Wag mo nang alamin, long story,” anito saka muling nagbukas ng topic. “Ikaw? Kamusta naman ang lovelife mo? Naka-move-on ka na ba kay Teresa?”
Binatukan niya ito. “Stop talking about her, okay? I don’t want my day to be ruined.” Si Teresa ang dating girlfriend niya and the only girl who broke his heart.
“So hindi ka pa rin talaga nakaka-move-on sa kanya?” pumalatak ito. “Ayon sa mga nakalap kong balita tungkol sa madadaldal nating kaklase, she’s engaged.”
Natigilan siya sa sinabi nito.
“Affected much? It’s been 6 years..”
“I’m not affected. I already have a girlfriend!” pagpapalusot niya para hindi na siya muling kulitin nito.
Namilog ang mga mata nito. “Really? Nasaan siya? Can I see her?”
“Saka ko na siya ipapakilala sa 'yo at baka maagaw mo pa siya sa akin.”
“Possessive boyfriend?” tumawa ito. “Anyway, that’s good na may bago ka ng girlfriend. I can’t wait to see her. Dalhin mo siya sa reunion, ha?”
Tumango na lang siya upang makalusot sa mga tanong nito. Lagot siya ngayon. Saan kaya siya hahanap ng girlfriend na maaring iharap sa mga ito? Hindi niya hahayaan na alaskahin siya ng mga ito na hindi pa rin siya nakaka-move-on sa pang-iiwan sa kanya ni Teresa.
Kailangan na talaga niyang magkaroon ng girlfriend by Tuesday.
“TELL me, paano ako magkaka-girlfriend by Tuesday?”
Naibuga ni Lyka ang tubig na iniinom niya nang marinig ang sinabing iyon ni Red. Inis naman na pinunsan agad nito ang damit nito kung saan niya naibuga ang tubig.