CHAPTER SEVEN
“WOW!” wika ng isang lalaking sumalubong sa kanila nang makarating sila sa class reunion nito. Katulad ng karamihan sa mga taong nakikita niya doon, mukhang may sinabi rin ito sa buhay. Gwapong gwapo din ito sa suot nitong green na polo. “Kaya pala hindi mo agad siya pinakilala sa akin at nagpaka-possessive ka, sobrang ganda pala ng girlfriend mo.” May paghangang wika nito. Inilahad nito ang kamay nito sa kanya. “Hi, I’m Jared, and you are?”
Ngumiti siya. “I’m Lyka,” pagpapakilala niya. Binigay niya ang kamay niya dito at lumuhod ito at hinalikan iyon.
“Nice to meet you, Lyka.”
“Hey, stop holding my girlfriends hand!” bruskong sabi naman ni Red kay Jared.
Natatawang binitawan naman nito ang kamay niya. “Okay, okay. Baka lapain mo na ako niyan,” pagkasabi niyon ay naglakad lakad sila. “Tara doon sa table namin. I’m with Natalie,”
Pumunta sila sa table na sinasabi nito. May apat na upuan doon at ang isa sa mga iyon ay inookupa ng isang babae na sa tingin niya ay ang tinutukoy nitong ‘Natalie’.
“Hey, Natalie, this is Lyka, Red’s boyfriend. Lyka, this is Natalie, my date.” Pagpapakilala nito sa kanya at sa babae. Nag-ngitian silang dalawa. Maganda si Natalie kahit morena ang balat nito. She looked nice. Umupo na silang tatlo sa table.
“So, ilang years na kayo ni Red?” panimula ng usapan ni Jared.
Napatingin siya kay Red. Ngayon niya naisip na hindi pala sila nag-usap tungkol sa mga bagay na ganoon
“Ahmm.. 2—“
“Wala pa kaming 1 year.” Ito na ang sumagot sa tanong na iyon ni Jared.
Kumunot ang noo nito ngunit agad din na napalis iyon. “Okay,” bumaling ito sa kanya. “Ano namang nagustuhan mo kay Red?” tanong nito.
“Hmmm.. Let me see, because Red is romantic, charming and funny. I like him whenever he smiles and whenever he holds my hand na para bang ayaw na niya akong pakawalan. And kapag niyayakap naman niya ako, pakiramdam ko, ako na ang pinakamagandang babae sa mundo,” pagkatapos niyang sabihin iyon ay tumingin siya kay Red at ngumiti. Kitang kita niyang napipilitang ngiti lang ang sinukli nito sa kanya. Base din sa reaksyon nito, alam niyang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. But that was part of the drama. 'Buti na lang, novel writer siya kaya marami siyang alam sa mga ganoong bagay.
Tumawa si Jared. Pati na rin si Natalie. Parang hindi makapaniwala ang dalawa sa sinabi niya. “Really?” Natalie said. “Nag-bago ka na pala, Red. Romantic ka daw?”
“Oo nga. Akalain mo 'yon, may isang babaeng nagpabago sa 'yo.”
Pekeng ngiti from Red. Inakbayan siya nito pero marahang pinisil ang braso niya upang balaan siya. “Yeah. Kakaiba kasi itong si Lyka. Kung ano-ano ang tinuturo sa akin. Baduy na tagalog romance novel writer kasi yan,”
Pinandilatan niya ito. “Excuse me, hindi ako baduy. 'no?”
“Hindi nga baduy, corny lang,”
“Aba—“ lumapit ang mukha niya dito. Ganoon din naman ito. Magkalapit ang mukha nilang dalawa.
“Totoo naman!” putol nito sa sinabi niya.
“Ikaw talaga, kahit kailan—“
Naputol ang sasabihin niya nang may nagsalita sa likod niya. “How sweet,” sabi ng isang sarkastikang tinig sa likod. Napalingon silang dalawa sa kung sino man ang nagsalitang iyon. Kitang kita niya ang paninigas ng mukha ni Red nang makita ang mukha ng babae. “Teresa!” sabi ni Jared nang makabawi. “How are you? Sinong kasama mo?”