CHAPTER THREE
TRIP ni Lyka na pumunta ng mall nang araw na iyon. Nagkaroon kasi siya ng writers block kaya hindi gumana ng ayos ang utak niya para makapag-tipa ng mga nobela. Paminsan-minsan ay nagkakaganoon siya. Lalo na kapag kinukulang siya ng inspirasyon. Sa mga pagkakataong ganoon ay madalas siyang nagpupunta ng mall mag-isa para mag-observe sa mga tao at maghanap ng gwapo. Kapag ganoon kasi ay nagkakaroon siya ng inspirasyon at madalas siyang sinisipag sa pagsusulat.
Naglibot libot siya sa mall. May pambili naman siya pero hindi naman niya gustong mamili dahil nag-iipon siya. Balak kasi niyang bumili ng mas upgraded na laptop dahil pakiramdam niya ay malapit nang masira ang laptop niya na college pa simula ng mapasakanya. Tumingin tingin lang siya ng mga bagong laptop sa mall para kapag oras na may pang bili na siya ay hindi na siya mahihirapang tumingin.
Nang mapagod siya sa pagtingin sa mga laptop ay umupo siya sa pinakapopular na tambayan sa mall na iyon, ang fountain na nasa gitna ng mall. Madalas ay doon siya nakakasaksi ng mga kilig moments, PDA at paminsan minsan naman ay pag-aawayan ng mga magkasintahan. Favorite niyang tumambay doon dahil natutuwa siyang pagmasdan ang mga taong naglalandian at nagkakatuwaan doon. Alam niyang iyon din ang magiging cure sa naging sakit niya ngayong “writers block”.
Umupo siya sa gilid ng fountain. Sa oras na iyon ay nakapatay ang fountain kaya naman walang natilamsik na tubig kaya pwedeng pwede siyang magsulat. Ang tanging tubig lamang ay ang nasa ibabang bahagi ng fountain na may mga koi fish na naglalanguyan na madalas namang pagkatuwaan ng mga tao.
Natuwa siya nang biglang may pumasok agad sa isip niyang istorya. Sinulat niya iyon sa laptop at nakabuo agad siya ng plot. Na-engross siya sa pag-susulat. Nakaka-enjoy kasing gawin ang mga eksenang naiisip niya kaya naman parang nabalewala na sa kanya ang oras. Natutuwa din siya at hindi ganoon kaingay ang paligid kaya naman mabilis siyang makapag-sulat at makaisip ng mga ideya at eksena.
“What?!” malakas na sigaw ng lalaki sa harapan niya. Kung makasigaw naman ito ay parang ito lamang ang tao sa mundo. Nagsitinginan tuloy ang lahat ng mga tao sa paligid nito ngunit tila wala naman itong pakialam. Patuloy pa rin ito sa nakikipag-usap sa kung sino man na nasa kabilang linya ng cellphone nito. “This can’t be happening! Pipirma pirma siya ng contract tapos hindi siya sisipot sa usapan?”
Naiinis siya sa lalaki. Nawala tuloy bigla ang concentration niya sa pagsusulat ng dahil dito. Tumikhim siya ng malakas para naman maramdaman nitong nakaka-istorbo ang malakas nitong boses sa paligid. Ngunit hindi pa rin natinag ang lalaki.
“This is crap!” malakas pang sabi nito. Naputol ang pisi niya. Minura pa nga nito ng minura ang kausap nito sa cellphone.
Tumayo siya at kinublit ito pero wala pa rin itong pakialam. Patuloy pa rin ito sa pakikipag-usap sa kausap nito sa cellphone. Nag-aalboroto na ang isip niya dahil tila invisible siya sa paligid. Sa inis niya ay kinuha niya ang cellphone nito ngunit dumulas sa kamay niya ang cellphone nito at nahulog iyon sa fountain.
“Damn!” pakiramdam niya ay lumindol yata dahil sa lakas ng boses nito. Dahan dahang humarap ito sa kanya. “Who the hell do you think you are—“ naputol ang sasabihin nito nang makita ang mukha niya.
“Ikaw?!” halos sabay nilang sabi sa isa’t isa.
“Oh, look who’s here. The arrogant Mr. Red Montereal!” nakangisi at halukipkip pang sabi niya.
“And look who is in front of me. The baduy romance writer, Lyka Mendoza. And shes giving me another one hell of a headache.” Aroganteng arogante namang sabi din nito.
“Akalain mo, sa laki ng Pilipinas, magkikita pa muli tayo!”
“At sa laki din ng Pilipinas, hindi ko akalaing maiinis muli ako sa maliit na babaeng katulad mo.”