Kabanata Isa

986 27 51
                                    

June 5, 2026


"Nagbabagang balita. Isa na namang katawan ng babae ang natagpuan sa kahabaan ng JP Rizal Avenue sa Makati City kaninang ala-una ng madaling araw. Kinilala ang babae bilang si Amanda Segui, 25. Ayon sa report ay hindi..."


"Turn off."


Hindi pa man tapos sa kaniyang ulat ang babaeng reporter ay pinatay na agad ni Brain ang telebisyon niyang may voice recognition na nakadikit sa pintuan ng refrigerator niya.


"Sige lang. Ipagpatuloy mo lang 'yang ginagawa mo at malapit na rin kitang ma-checkmate," ang sabi niya sa sarili habang mayabang na nakatingin sa 3D chess board na nasa harapan n'ya. Kasalukuyan siyang nasa kusina ng malaki niyang bahay at naglalaro ng chess nang mag-isa, gulo-gulo ang buhok at nakasuot lamang ng boxer shorts.


"Brain?" narinig niyang tawag sa kaniya ng isang pamilyar na boses ng babae ngunit hindi n'ya ito pinansin sa halip ay ipinagpatuloy lang ang paglalaro ng chess. "Brain?! Yoohoo! I'm here!" sigaw nitong muli ngunit muli rin siyang nagpatay-malisya sa pagtawag nito sa kaniya.


Maya-maya lang ay nasa harapan na niya si Serenity.


"Hoy! Nandito ka lang pala! Kanina pa kita tinatawag, ha?" nakapamaywang na bungad nito sa kaniya. Nakasuot ito ng nurse uniform na ternong puti at halatang kakagaling lang sa duty. 


Kahit kailan talaga'y ang lakas ng boses ng bestfriend niyang ito.


"Kapag kinain ng pawn ko ang pawn mo, kakainin rin ng pawn mo ang pawn ko. 'Pag nangyari 'yon, pwede nang makain ng queen ko ang rook mo. Kaso, kapag ginawa ko 'yon, kakainin naman ng horse mo ang queen ko. Aba, hindi 'ata ako makakapayag na mangyari 'yon!" ang sabi niyang muli sa sarili na para bang walang naririnig.


"Hoy Brain, 'yang turnilyo mo sa utak lumuluwang na naman! Pahinga-pahinga rin 'pag may time. Kapag ikaw dinala sa mental, bahala ka, hindi kita pupuntahan do'n!" Mas nilakasan pa ni Serenity ang boses niya ngunit wala pa ring naging epekto iyon kay Brain dahil halatang naka-focus ang atensyon nito sa nilalaro.

Kilala niya si Brain at alam niyang kapag nagsimula na itong maglaro ng chess nang mag-isa ay stress na ang utak nito. Marahil ay dahil sa kasong hinahawakan nito ngayon.


Nang sa tantiya ni Serenity ay wala talagang balak si Brain na kausapin siya ay inekis na lang niya ang magkabilaang braso sa harapan, pagkatapos ay nagtaas ng kilay. Mukhang wala na siyang ibang choice kung 'di ang guluhin ito sa ginagawa.


"Ayaw mo akong pansinin, ha?" bulong ng dalaga, pagkatapos ay lumapit sa digital table kung saan makikita ang 3D chess board na pinaglalaruan ni Brain. Walang sabi-sabing yumuko s'ya at ipinatong ang magkabilaang palad dito na naging dahilan upang matumba ang chess pieces na nasa ibabaw nito.


Agad siyang tiningnan ni Brain nang masama na sinuklian naman niya nang isang matamis na ngiti.


"Alam mo... ikaw... kahit kailan talaga, panggulo ka, e no? Panggulooo!" biglang tumayo si Brain at inipit sa kili-kili niya ang ulo ni Serenity.


Isang tili na may kasamang pagtawa ang pinakawalan ng dalaga. "Aray, Brain, bitawan mo ako. Ang baho ng kili-kili mo! Maligo ka na nga!" reklamo nito at dahil nga sa wala siyang suot na pang-itaas na damit ay dikit na dikit ito sa katawan n'ya.


Maski si Brain ay napatawa na lang rin sa kaibigan. "Dapat lang sa'yong makaamoy ng maasim na kili-kili. Baka sakaling mabawasan 'yang kaingayan mo!" Imbes na bitawan ay mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakaipit sa ulo ni Serenity sa may kili-kili niya.

"Ayaw mo, ha?" bulong ng dalaga sabay iniangat ang kanang braso. Balak niyang sikuhin sa tiyan si Brain ngunit dahil sadyang mabilis talaga ang pakiramdam at mata ng binata ay nakaiwas agad ito bago pa man tumama sa katawan nito ang siko niya.

The Devil CaseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon