Kabanata Tatlo

269 15 1
                                    

Pagsapit ng ala syete ng umaga ay naghanda na agad si Brain sa pag-alis. Kailangan kasi niyang bumalik sa main office ng PNP upang alamin kung mate-trace ba nila mula sa street CCTV cameras ang sasakyan na kinalulunaran niyong lalaking pumick-up kay Amanda sa Ermita noong gabing pinatay ito.

Pagbaba niya ay naabutan niya sa sala sina Perla at ang limang taong gulang na anak nitong si Antonina. Isa ito sa mga taong naglilinis ng bahay niya isang beses sa isang buwan. Sa dami ng iniisip ni Brain ay nakalimutan niyang ngayon nga pala iyong araw ng paglilinis ng bahay.

"Magandang umaga po, Sir Brain. Okay lang po ba na sinama ko 'tong anak ko? Wala po kasing mag-aalaga sa kaniya sa bahay gawa nang umuwi si Nanay sa probinsiya," tanong nito pagkakita sa binata habang sinusuklayan ang bata. Nakaupo ito sa sofa habang nakatayo naman patalikod dito ang anak.

"Sige lang, Perla. Kaso, nakalimutan kong ngayon nga pala uli kayo maglilinis. Hindi tuloy ako nakabili ng maluluto n'yo d'yan mamaya," sagot ni Brain. Nakasanayan na kasi niyang palutuin din sina Perla ng tanghalian sa tuwing naglilinis ang mga ito sa bahay niya.

"Ayos lang 'yon, Sir. Ako na lang po'ng bibili."

"Sige. Bigyan na lang kita ng pera," ang sabi ng binata sabay kuha ng wallet sa secret pocket ng itim niyang coat. Kumuha siya ng isang libong piso roon pagkatapos ay lumapit sa mag-ina.

Matapos iabot ni Brain ang pera kay Perla ay napatigil siya pagkakita sa cover ng libro ng anak nito na nakapatong sa center table ng sala na gawa sa marmol.

Kulay dilaw iyon kung saan sa gitna ay may larawan ng isang batang nakadapa at nagsusulat. Sa taas ng larawan ay mababasa ang mga katagang, 'Trace the Dots'. Kung titignan ay isa lamang iyong ordinaryong libro, pero nang dahil doon ay may bigla siyang naisip.

"Bakit Sir? May problema po ba?" tanong ni Perla.

"Ah, wala, wala," sagot na lang ni Brain pagkatapos ay nagmamadaling umakyat muli ng hagdanan papunta sa opisina niya sa third floor.

Habang paakyat ng hagdan ay hindi niya maiwasang mainis sa sarili. Pakiramdam niya ay ang tanga-tanga niya dahil ngayon lang niya naisip iyon.

Nang makarating sa opisina ay dumiretso agad siya sa kinapepwestuhan ng digital board niya at pinaliit iyong mapa ng Maynila na nasa kaliwang parte nito. Matapos iyon ay kinuha niya ang digital board marker sa taas ng board at pinagdugtong-dugtong ang mga lugar na may bilog na marka. 


Mula Antonio Arnaiz Avenue sa Makati kung saan natagpuan ang bangkay ng pinaka-unang biktima ay gumuhit siya ng isang pahalang na linya papunta sa Roxas Blvd. kung saan naman nangyari ang pangalawang pagpatay. Mula Roxas Blvd. ay gumuhit naman siya ng isang pababang linya papuntang EDSA sa Pasay kung saan nakita ang bangkay ng ikatlong biktima. Matapos iyon ay nagpatuloy lang siya sa pag-trace hanggang sa bumalik muli siya sa Antonio Arnaiz Ave kung saan natagpuan ang pang-limang bangkay.


"Rectangle?" bulong niya pagkakita sa nabuong hugis.


Hindi man niya sigurado kung may patutunguhan ba ang ginagawa ay nagpatuloy pa rin siya hanggang sa makabuo muli siya ng isa pang hugis. Mali - hindi pala hugis iyon kung hindi'y isang numero.

The Devil CaseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon