Kabanata Dalawa

293 17 1
                                    

Note: Sa mga nakapagbasa na po ng Kabanata Isa bago ko ito i-post, pabasa po ulit. May mga inedit po kasi ako doon. Salamat!

___

Pawis na pawis at hinahabol ang hininga na napabalikwas ng bangon si Brain. Tumingin siya sa malaking digital clock na nakadikit sa pader ng kwarto niya. Ala una pa lang ng madaling araw.


Makalipas ang ilang buwan ay ngayon na naman n'ya lang napanaginipan muli ang tagpong iyon - ang tagpong matagal na niyang hinahanap sa alaala niya pero hanggang ngayon ay bigo pa rin siya.

Sa panaginip niya ay nakakulong siya sa loob ng isang baul habang umiiyak at tinatawag ang mga magulang. Sa palagay niya ay mga limang taong gulang pa lamang siya noon. Kitang-kita n’ya rin sa panaginip na iyon mula sa butas ng baul na pinagtataguan niya kung paano pinatay ang mag-asawang kung hindi siya nagkakamali ay tunay niyang mga magulang.


Malaking bahagi ng kabataan niya ang hindi na niya matandaan at iyon ang kinaiinisan niya. Bukod kasi sa hindi niya alam kung bakit, ay wala na rin ang mga kinilala niyang magulang upang magpaliwanag sa kaniya. Namatay ang mga ito labingsiyam na taon na ang nakalilipas nang sumabog ang eroplanong sinasakyan ng mga ito. Ang tanging naaalala n'ya lang ay inampon s'ya ng mga ito noong limang taong gulang pa lamang siya. Bukod doon ay wala na siyang iba pang alam tungkol sa pagkatao niya.

Simula nang mamatay ang mga kinilala niyang magulang ay ang Yaya Marie na lang niya ang nag-alaga sa kaniya pero namatay rin naman ito halos limang taon na ang nakararaan nang dahil sa kagat ng aso. Noong nabubuhay pa ito, lagi niya itong tinatanong kung nasaan kaya ang tunay niyang mga magulang, ngunit wala rin naman itong maisagot dahil nauna pa siya sa bahay ng mag-asawang Artisuela kaysa rito.


Malakas ang paniniwala niyang siya at ang batang iyon sa panaginip niya ay iisa, dahil na rin sa kamukhang-kamukha niya iyon noong bata pa s'ya. Kung totoo nga ang hinala niya, ibig sabihin ay pinatay noon ang tunay niyang mga magulang. Kaya ba siya napunta sa pangangalaga ng mag-asawang Artisuela? Ano na'ng nangyari sa mga pumatay sa mga magulang niya? Nahuli ba ang mga ito? Nakulong? Wala siyang ideya!


Napasabunot na lang sa sarili si Brain pagkatapos ay nagdesisyong umakyat sa opisina niya na nasa ikatlong palapag ng bahay. 


Kung tutuusin ay masyado talagang malaki ang bahay na iyon para kay Brain. Ilang beses na nga bang iminungkahi ni Serenity sa kaniya na ipagbili n'ya na lang iyon? Ayaw n'ya lang gawin iyon dahil para sa kaniya, kapag pinagbili niya ang bahay na iyon ay parang pinagbili n'ya na rin ang mga alaalang iniwan sa kaniya ng mga kinilalang magulang. Sa ngayon ay mayro'n lamang siyang anim na taong pinapalinis sa buong kabahayan at least isang beses sa isang buwan.


Pagkapasok niya sa opisina ay dumiretso agad siya sa mesa niyang gawa sa makapal na salamin. Sa ibabaw niyon ay kapansin-pansin ang isang maliit na keypad na nakapwesto sa may parteng ibabang dulo niyon sa kanan. Pumindot ng ilang numero roon si Brain at matapos iyon ay biglang may lumabas na mga salita sa ibabaw ng mesa.


Unang nagflash doon ang malaking pulang 'Confidential' sign. Matapos ang tatlong beses niyon na pagflash ay lumabas naman ang mga salitang 'Please enter your agent code to access this data base' na sinamahan pa ng isang pahabang box sa ibaba. Inilapat ni Brain ang kanang hintuturo sa box na naging dahilan upang magflash naman ang isang keyboard sa mesa kung saan siya may pinindot muling access code. Matapos iyon ay nakita na nga niya sa harapan ang listahan ng mga files na may kinalaman sa hinahawakan niyang kaso ngayon.


Agad dumiretso ang mga mata ni Brain sa file na nasa pinakahuling bahagi ng listahan. Hindi nga siya nagkamali. Naka-upload na doon ang file no'ng babaeng pinatay kahapon na madaling araw sa JP Rizal.

The Devil CaseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon