Chapter 1: New LifeG I O R A C E R O
Everything happens for a reason.
Paulit-ulit ko 'yong binabanggit sa aking utak dahil hindi ako mapakali. Tumigil na rin nang pag-iyak si Chad na ngayon ay natutulog na sa hita ko.
Nakatitig lang ako sa labas at pilit nilalabanan ang antok. Ayaw ko kasi na puro kami tulog sa biyahe dahil baka kung ano ang mangyari.
Maingat kong kinuha ang cellphone ko sa bulsa dahil baka magising si Chad. Namumula ang gilid ng kaniyang mata dahil halos sampung minuto rin itong umiyak. Walang tigil.
Naka-Airplane mode ang phone ko dahil utos 'yon ni Mom. Wala akong ibang magawa kung 'di ang maglaro ng offline games.
Nagsimula na ring pumatak ang butil ng ulan sa bintana. Tinitignan ko lang ang mga taong nagtitinda malapit sa kalsada na agad tinakpan ng lona ang kanilang mga paninda.
Kahit na gano'n ang araw-araw na pinagdadaanan nila ay kita pa rin ang saya sa kanilang mata na hindi mo makikita sa ibang mayayaman at asensadong tao.
Napangiti ako nang makita ang tatlong batang walang sapin sa paa na masayang naglalaro ng basketball.
Naalala ko tuloy no'ng bata pa ako. Tuwing umuulan ay pinililit ko si Dad na siya ang mangumbinsi kay Mom na paliguin ako sa ulan.
Sasama si Dad sa 'kin sa paliligo para lang payagan ako. We played basketball until the rain was stop.
Naramdaman ko nalang na gising na si Chad na bumaling nang tingin sa akin. Naniningkit pa ang mga mata nito dahil kakagising niya lang.
"Nasa'n na tayo, Kuya?" Tanong niya sa 'kin.
"Hindi ko pa alam, Chad." Hinimas ko ang kaniyang ulo. "Siguro alam ni Mom kung nasa'n na tayo, pero natutulog pa siya, eh."
Tumango lang ito at bakas pa rin ang lungkot sa mukha niya. Humiga nalang ulit siya at inabot niya ang phone ko.
Hinayaan ko nalang siyang maglaro kaysa naman na mainip.
Lumipas ang ilang oras at bus naman ang sinakyan namin. Halos mapuno na ang bus at dalawang upuan nalang ang natitira.
Hindi kami p'wedeng tumanggi dahil matagal maghintay ng bus doon. Sila nalang ni Chad at Mommy ang pinaupo ko.
Kahit maraming dalahin ay hindi na namin alintana dahil baka abutan pa kami ng dilim.
"Sigurado ka, 'nak? P'wede naman ako nalang ang tumayo," saad ni Mom. Nasa bandang dulo kami nakap'westo at kita pa rin sa pinto ng bus ang patuloy na pagpasok ng mga pasahero. Ang iba ay nabasa na ng ulan nang muli itong bumuhos.
"Opo, Mom. Matulog na kayo." Ngumiti ako sa kanila ni Chad. Gaya nang sinabi ko ay natulog nga sila.
Halos manginig ang aking katawan nang madama ko ang air-con sa loob. Marami naman kami sa loob pero malamig pa rin.
Umulan nga pala.
Maya-maya ay bumusina ang bus at kasabay nito ang dahan-dahang paghinto ng sasakyan.
Almost 2 hours din akong nakatayo.
"Mom? Dito na ba tayo?" Umangat nang tingin si Mommy. Nilibot niya ang paligid at nang mapagtanto na nandito na nga kami ay agad itong tumayo.
"Nandito na tayo. Chad! Gising na." Tumayo na sila at ako ang nauna sa pagbubuhat ng mga dalahin.
Pahirapang makalabas sa bus dahil bukod sa marami kaming dala ay masikip din ang daan dahil marami ring nakatayong pasahero.