Ang Tulay
Napasigaw siya nang makita sa hulihan ng kanyang sasakyan ang hindi niya mabilang na kaluluwang nakaharang sa tulay. Matatalim ang mga mata ng mga ito habang nakatitig sa kanya.
NABALITAAN ni Alex mula sa kanyang mga pinsan na may gaganaping street dance party sa kabilang bayan. Iyon daw ang unang pagkakataong magkakaroon ng ganoong event doon bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan sa taong iyon.
"Cool, guys," masiglang sabi niya sa apat na pinsan. "Join tayo sa street party na 'yon. Tiyak na masaya 'yon. Maraming beses na akong naka-experience ng ganoong gimmick sa Manila at nag-enjoy talaga ako."
Tikom ang mga labing nagtinginan ang kanyang mga pinsan. Napakunot ang kanyang noo. Ramdam niyang walang balak ang apat na pumunta sa street dance party na iyon. Ni hindi man lang niya kinabakasan ng excitement ang mga ito.
"Come on, guys. Don't tell me na wala kayong balak sumama sa akin sa pagpunta roon?"
Sabay-sabay na umiling ang mga ito.
"Kuya Alex," ani Karla, ang pinakabata sa kanila. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang bahagyang takot sa mukha nito. "Gusto sana naming pumunta roon kaya lang ay natatakot kami."
"Kailangan kasi nating tumawid sa isang tulay para makapunta roon," dagdag ni Ferdie at nagpakawala pa ng buntong-hininga. "Wala naman kasing ibang daan para makarating tayo sa street party kundi 'yong tulay."
"Ano naman kung dadaan tayo sa isang tulay?"
"Maraming kababalaghang nangyayari sa tulay, Alex," sabi ni Dina na tila kinikilabutang nayakap pa ang sarili. "Walang tagarito ang hindi natatakot doon at talagang umiiwas na tumawid doon kapag gabi."
"Maraming nangyaring aksidente sa tulay na 'yon," maagap namang dugtong ni Dindo. "Karamihang sangkot ay mga dayo o motoristang napapadaan doon kapag dis-oras ng gabi. At iisa ang kanilang sinasabing dahilan nakaranas daw sila ng kababalaghan sa tulay."
Tumawa siya. Hindi siya naniniwala sa mga sinabi ng kanyang mga pinsan.
"Tigilan n'yo nga ako," sabi niyang tinapik pa ang mga balikat nina Ferdie at Dindo. "Malayo na ang narating ng siyensiya at hindi na uso ang mga ganyang kuwento. Alam n'yo, pagtatawanan at mapapahiya lang kayo sa mga barkada ko sa Manila kapag narinig ang pinagsasasabi ninyo."
"Hindi ka namin pipiliting maniwala, Kuya Alex," nakangusong sabi ni Karla. "Pero nagsasabi kami ng totoo."
"Kung kami ang masusunod, hindi ka namin papayagang pumunta sa party," seryoso pa ring sabi ni Dindo. "Pero kung talagang gusto mo ay hindi ka naman namin mapipigilan. Ikaw ang may katawan, eh."
"Hindi kita masasamahan, pinsan," ani Ferdie. "Isipin mo nang duwag ako pero wala akong pakialam. Ayokong makipagsapalaran at baka 'yon Pa ang maging mitsa ng buhay ko."
"Labas din ako riyan," segunda naman ni Dina. "Hindi ako sasama sa iyo, Alex, kahit gustung-gusto kong mag-joyride sa wheels mo. Hindi ko type makakita ng lumulutang na kabaong sa gitna ng Kalawang Bridge. O kaya naman ay makakita ng mga marahas na multong nagbabarikada sa gitna ng tulay para lang huwag kang makadaan o makalampas doon."
Humalakhak siya. "Kung ayaw n'yong sumama, kaya kong mag-isa. And I assure you, mami-miss n'yo ang kalahati ng buhay n'yo."
AMINADO si Alex na nakadama siya ng kakaiba kanina habang nagmamaneho ng kanyang kotse at dumaan sa tulay na kinatatakutan ng kanyang mga pinsan. Nang sandaling iyon ay wala naman sa isip niya ang tungkol sa naging paalala ng mga ito ngunit nakaranas talaga siya ng ganoong pakiramdam.
Hindi tuloy siya masyadong nakapag-enjoy sa dinaluhang street dance party dahil kahit ano ang gawin niya ay hindi niya maiwaksi ang pangamba.
Halos isang oras lamang siyang nakipagsayaw sa mga bagong kakilala at nagpasya na siyang umuwi. Nang magpaalam siya sa mga ito ay lalong nadagdagan ang kaba sa kanyang dibdib dahil seryosong nagbabala ang mga ito.
"Pati ba naman kayo?" aniyang sinikap huwag mahalata ng mga ito na natatakot na rin siya. "Wala bang ibang nasa isip ang mga tagarito kundi ang mga kababalaghang nagaganap sa Kalawang Bridge? Guys, tinatakot n'yo lang ang sarili ninyo."
Tulad din ng mga pinsan niya ay seryoso ang mga ito at totoong nagmamalasakit sa kanya. Kaya nilisan niya ang lugar na iyon na abut-abot ang dasal na sana ay huwag siyang makaranas ng anumang kababalaghan sa tulay na kanyang daraanan.
"Oh, my God!" naibulalas niya nang malapit na siya sa Kalawang Bridge. Minsan pa kasing naghari sa kanya ang kakaibang pakiramdam. Pinagpawisan siya nang malamig. Napahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela ng kotse. "Ano'ng ibig sabihin ng pakiramdam na ito? Makikita ko na ba ang mga multo?"
Nang nasa bukana na siya ng tulay ay nanlaki ang kanyang mga mata dahil nasinagan ng headlights ng kanyang kotse ang nakahilerang mga ataul na nasa gitna niyon. May tig-iisang kandila sa ibabaw niyon. Biglang natapakan niya ang preno sa tindi ng takot. Kumurap-kurap siya at isiniksik niya sa kanyang isip na pinaglalaruan lang siya ng paningin niya. Subalit nabatid niyang totoo iyon nang manatili ang mga ataul sa harap niya. Napasigaw siya nang makitang unti-unting lumulutang ang mga iyon. Nanginig ang kanyang buong katawan. Tila ibig sumabog ng kanyang ulo. Nataranta siya at hindi niya malaman ang gagawin.
Nang papalapit na sa kanyang kotse ang mga ataul na lumulutang sa hangin ay bigla siyang napalingon sa likuran upang umatras sana. At minsan pa siyang napasigaw nang makita sa hulihan ng kanyang sasakyan ang hindi niya mabilang na kaluluwang nakaharang doon. Matatalim ang mga mata ng mga ito habang nakatitig sa kanya. Halos mapugto na ang kanyang hininga sa labis na takot.
Ginamit niya ang kanyang nalalabing lakas ng loob at pinaharurot ang sasakyan palayo ng lugar na iyon. Pikit-matang sinagasaan niya ang mga ataul na nakalutang katapat ng bumper ng kanyang kotse. Nang wala siyang naramdamang impact ay napadilat siya. Kapagkuwa'y tinapakan niya ang preno at humihingal na lumingon. Wala na ang mga ataul at mga multong naghatid sa kanya ng labis na takot.
"Lord, salamat at hindi ako napahamak. Totoo pala ang lahat..."
DAHIL naniniwala na si Alex sa nagaganap na kababalaghan sa tulay ay nag-usisa siya sa kanyang Lolo Tasyo tungkol sa bagay na iyon. Nalaman niya mula rito na noong panahon ng digmaan ay doon pinatay ng mga Hapon ang maraming Pilipinong ibig lisanin ang bayang iyon upang makalayo sa kalupitan ng mga ito. Kamatayan ang tinamo ng mga ito kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang mga kaluluwa ng mga ito.
Wakas.
BINABASA MO ANG
Nag-iisa kaba?
Kinh dịGusto mo bang matakot? Then read this? Ang tanong nag-iisa kaba? Tara't samahan mo akong subaybayan ang mga kababalaghang nangyayari sa bagay bagay sa mundo. Paano kaya kung ikaw ang nasa sitwasyon na ito? Na hindi ka pinapatahimik ng mga ligaw na...