Chapter Eighteen

23.3K 601 30
                                    


Chapter Eighteen

Eliz

MAGBE-BENTE kwatro na magmula nang mahulog kami ni Eros sa bangin na ito base na rin sa pagpapalitan ng dilim at liwanag sa paligid. Sa loob din ng mga lumipas na oras, kahit ang umidlip dahil sa pinaghalo-halong takot, trauma at pagod sa nangyari ay hindi ko nagawa dahil maya-maya ko dinadaluhan si Eros at ang sugat na natamo nito.

Matapos ko siyang madala sa may pampang, mabilis kong pinunit iyong gula-gulanit na niyang damit at iyon ang ginawa kong pansamantalang gasa sa sugat nito. Noong una, sinubukan kong tingnan ang lalim ng sugat nito at maging iyong bala na nakabaon sa katawan nito.

Sa totoo lang, may ilang piraso man ng alaala ang nawala sa akin, hindi ko naman nakakalimutan ang takot ko sa dugo at mga patay dahil na rin sa nangyari sa mga magulang ko noon. Pero nilunok ko ang lahat ng iyon saka humanap ng kahit anong matalim na bagay sa paligid para mahiwa ang sugat ni Eros at makuha ang bala sa katawan nito—na swerte ko namang nakakita ng basag na piraso ng plato sa may isang parte ng dalampasigan at iyon ang ginamit na pagbukas sa sugat nito.

Hindi ako doktor, hindi rin ako nurse o may alam sa panggagamot. At alam ko rin ang posibilidad na baka lalo lang makasama kay Eros ang ginawa ko at lalo lang itong lumalala at magka-impeksyon. Pero nang mga oras na iyon, wala na akong ibang maisip kundi ang matulungan ito sa kahit anumang paraan, matigil ang pagdudugo nito, at maalis ang pagkukumbulsyon ng katawan nito dahil na rin sa sugat nito.

Sa buong maghapon, wala akong ibang ginawa kundi linisin ang sugat nito—matapos kong mala-himalang maalis ang bala sa katawan nito gamit lang ang limitadong gamit at kaalaman na mayro'n ako. Sinubukan ko rin mag-ikot-ikot sa paligid, pumasok sa malawak na kagubatan na nasa likod namin, para maghanap ng posible naming malabasan o kahit ang makahanap ng taong mahihingan namin ng tulong. Dahil sa kabila ng pagkaka-alis ko ng bala sa katawan ni Eros, at maya-maya kong paglilinis doon at maging pagpupunas sa mukha at leeg nito para mawala ang pag-aapoy ng katawan nito, hindi pa rin iyon naging sapat na dahilan para gumaling ito o mawala man lang ang pataas nang pataas na lagnat nito.

Ngunit gustuhin ko mang mas lumayo pa sa gubat, suungin ang kasukalan nito, hindi ko rin magawa dahil na rin sa takot; sa takot sa mga posibleng mababangis na hayop na nando'n o doon sa posibilidad na baka nasa paligid pa rin ang mga taong iyon at gustong tiyakin kung talagang napatay ba nila talaga kami.

Nang maalala ko ang isa sa pamilyar na mukha ng lalaking humahabol sa amin, doon sa lalaking tumulak sa akin, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na magagawa niya ito sa amin—lalong-lalo na kay Eros.

Kung isa nga ito sa mga taong nagnanakaw ng pagmamay-ari ng isa at kung kasama rin ito sa nangyaring sunog no'ng nakaraan, natitiyak ko na hindi ito mapapatawad ni Eros oras na magising ito at makaalis kami sa lugar na ito.

Muli kong binasa ang piraso ng tela na galing sa damit ko sa may dagat sa tabi namin at saka iyong pinahid sa mukha at ilang parte ng katawan ni Eros bago iyon tinupi at nilagay sa noo nito.

"Eros, alam kong kasalanan ko ang lahat ng 'to. Kung bakit tayo ngayon nandito at bakit ganito ang kalagayan mo," panimula ko habang pinipigilan kong ma-iyak sa harapan ng walang malay na kasama ko. "Alam ko na mas lalo ka lang magagalit sa akin at magkakasagutan na naman tayo. Pero alam mo, okay lang sa akin iyon. Okay lang na sigaw-sigawan mo ako, o kahit ang murahin ako. Kung gusto mo, palayasin mo rin ako sa isla, papayag ako. Pero pakiusap... pakiusap! Gumaling ka sana. Kahit idilat mo man lang ang mga mata mo... please!"

Wala sa loob na kinuha ko ang isa sa mga kamay nito at mahigpit iyong hinawakan, pinaparamdam sa kanya iyong init ng mga palad ko at kahit papaano, makatulong iyon para maibsan man lang kahit kaunti ang nararamdaman nito.

Breaking the Rules (Mondragon Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon