Prologue
Iriga City...
MALAKAS ang buhos ng ulan at basang-basa na si Honey pero nagpatuloy pa rin siya sa pagtakbo sa madilim na eskinita palabas sa lugar nila. Hindi niya pansin ang nananakit niyang mga paa. Patuloy siya sa pagtakbo habang namamalisbis ang mga luha. Naghahalo ang sakit, galit, at takot sa isip ng dalagita. Kahit anong mangyari ay hindi na siya babalik sa lugar na iyon. Lalayo siya. Iiwan niya ang lahat ng pangit na alaala. Iiwan niya pati ang nanay niyang baliw na baliw sa pagmamahal sa kinakasama nitong hayup. Tama na ang halos isang taong tiniis niya at nabuhay siya sa takot. Puputulin na niya lahat nang hirap. Sisiguraduhin niyang ang pag-alis na iyon ang magpapasimula ng positibong pagbabago sa kanyang buhay.
Naglaglagan ang malalaking patak ng luha ni Honey hanggang sa nabulagan na siya. Nagbalik sa isip ng dalagita ang mga magagandang alaala ng kabataan niya noong nabubuhay pa ang kanyang ama. Kung hindi lang ito namatay sa isang aksidente tatlong taon na ang lumipas ay sigurado siyang hindi sana naging ganoon ang buhay niya. Pero hindi siya susuko. Hindi siya basta magpapatalo na lang sa mga masasakit na karanasan. Lalaban siya at patuloy siyang mabubuhay sa kabila ng lahat. Kakayanin niya ang mga susunod na araw na parating...
Bumangga si Honey sa sa taong nasalubong niya, na papasok naman sa eskinitang lalabasan niya. Narinig ng dalagita ang pagtili nito nang mabitiwan ang itim na payong. Sa lakas ng tili, parang kampon ito ng dilim na nawisikan ng holy water nang matuluan ng ulan. Nakilala niya ang boses nito.
"M-Mamu Pauline?"
Si Mamu Pauline ang bading na may-ari ng parlor sa kanto na nabalitaan niyang lilipat na ng lugar. May magandang oportunidad raw na dumating rito. Sa hula niya ay nasa early forties na ang edad nito. Ang inuupahan ni Mamu Pauline na maliit na bahay ay ilang metro lang ang layo sa bahay nila. Regular niyang nakikita ang pagdaan nito. Mabait ang parlorista at kaibigan ng lahat. Naalala niyang namigay ito ng pagkain noong nakaraang birthday nito. Magpi-pitong buwan pa lang si Mamu Pauline sa lugar nila pero mahal na mahal na ito ng lahat.
"Honey?!" gulat na bulalas ni Mamu. Lumapit sa kanya at sinapo ang balikat niya. Hinila siya palabas ng eskinita at itinapat siya sa poste na may ilaw. Ilang segundo nitong binistahan ang mukha niya. "Susko! Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit gabing-gabi na ay nasa labas ka pa?"
"Lumayas ako sa bahay, Mamu..."
"Lumayas!?" bulalas uli nito, lalong naging malambot ang boses sa gulat. "Bakit naman ngayon pang bumabagyo at hatinggabi na? Ipinapahamak mong sarili mo, bata ka, haysus!" nakapilantik ang mga daliring pinulot nito ang payong, pagkatapos ay hinila siya para sumukob siya rito.
"Hindi ko na kayang magtagal sa bahay. Ayoko ko nang mabuhay sa takot, Mamu. Gusto ng katahimikan. Hindi ko mararanasan 'yon hangga't baliw na baliw si Nanay do'n sa hayup niyang ka-live in," hindi niya gustong ilahad rito ang baho ng pamilya niya pero pakiramdam ni Honey ay sasabog na siya. Tumulo uli ang mga luha niya.
Segundong hindi nakapagsalita si Mamu Pauline. Halatang nabigla ito sa mga sinabi niya. Mayamaya ay kinabig siya nito at niyakap, na para bang naiintidihan nito ang nararamdaman niya.
"'Yan na ba ang mga gamit mo?" tukoy nito sa sukbit niyang bag.
"Inihanda ko na talaga 'to, hinihintay ko lang talagang makapagtapos ako ng high school, balak ko talagang umalis ng bahay namin, Mamu..."
"Saan ka naman pupunta?"
"Hindi ko pa ho alam. Bahala na..."
"Naku, ang mabuti pa, doon ka muna sa parlor ko," sabi nito. "Ligtas ka ro'n. Uuwi ako sa bahay para mag-empake ng mga gamit ko. Paalis na rin ako bukas. Hintayin mo ako sa parlor. Kung ganyang wala ka namang mapupuntahan, ang mabuti pa ay sumama ka na lang sa akin. Sa poder ko ay siguradong ligtas ka."
"I-Isasama n'yo ho ako?" hindi siya makapaniwala. Hindi pa rin talaga siya pinababayaan ng Diyos.
"Alangan namang pabayaan kita pagkatapos ng mga nalaman ko?" huminga ito ng malalim at hinagod ang basa niyang buhok. "Tutal naman ay hindi pa ako menopause, puwede pa kitang maging anak."
Natawa siya sa biro nito. Inakbayan na siya at iginiya siya palabas ng eskinitang iyon. Pakiramdam ni Honey nang mga sandaling iyon ay may liwanag na tumanglaw sa kanya, pagkatapos ng maraming buwan na pakiramdam niya ay nabubuhay siya sa madilim na lugar. Tama lang pala na hindi niya isinuko ang pag-asang, isang araw ay may positibong pagbabagong magaganap sa kanyang buhay...
BINABASA MO ANG
Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLY
RomanceLovefinder book 13 Unedited First draft.