NASA sala si Benito nang dumaan si Honey. Quarter to ten na at paalis na siya ng bahay. Nag-angat ng tingin sa kanya ang bading. Awtomatikong binitawan nito ang librong binabasa. Sinalubong siya at kinuha ang bitbit niyang malaking paper bag, ganoon rin ang backpack na sukbit niya. Ganoon siya pag-umuuwi, mas gusto niyang naka-backpack kaysa naka-girly bags.
Ipinaubaya niya rito ang mga dala. Nakasanayan na niyang ginagawa nito iyon na para bang suitor niya na nagpapa-impress. Ang kaibahan nga lang nito sa nabanggit, genuine ang concern ni Benito dahil hindi ito nagpapa-cute at nagpapa-impress sa kanya. Ang hula ni Honey, ginagawa nito iyon para akalain nga ng mga tao sa paligid nila na may relasyon sila—at sa paraang iyon ay maitatago nito ang tunay na pagkatao.
"Huwag kang magpapagabi sa Sunday, 'Ney," sabi ni Benito habang isinasara ang pinto ng apartment nila. Ihahatid siya nito sa sakayan ng taxi. Linggo ng gabi ang talagang balik niya pero ipinipilit nitong hapon pa lang ay umuwi na siya. Natatandaan niyang kapag alas kuwatro na ay wala nang patid ang text nito kung nasaan na siya. Pati tuloy ang Mamu Pauline niya nagdududa rito. Baka raw nagiging lalaki na ito dahil sa ganda niya. Napabunghalit si Honey ng tawa. Napawi rin ang pagdududa nitong iyon nang isama niya ito isang gabi sa Mystic bar at nakita ang performance ni Benito. Na-shock ang pobreng ina-amahan niya nang mag-ala Madonna si Benette sa kantang "Like A Virgin".
"Hihintayin kita ng five, okay? Dapat nakauwi ka na bago ako rumampa sa Mystic."
"May susi naman ako eh, huwag mo na akong hintayin. Baka humaba na naman ang kuwentuhan namin ni Mamu at ng mga guardian 'girls' niya."
"Hihintayin kita, Ney."
"Oo na, sige na, uuwi na ako nang maaga," sabi na lang niya. Kapag ganoon ang tono nito, sigurado siyang hindi siya patatahimikin ng text bukas ng hapon hangga't wala siya sa apartment nila. "Ano'ng plano mo for a day?" usisa ni Honey habang naglalakad na sila. Kumapit siya sa braso nito.
"Gagawa ng assignments."
"Pa-kopya ah?" may assignment sila sa isa sa dalawang subjects na ka-klase niya ito.
Tumawa lang si Benito. Ang 'kopya' na tinutukoy niya ay pinagko-kompara niya ang mga answers nila. Kapag may magkaiba silang sagot ay pinupuna niya. Nagpapaliwanag naman ito at nagdi-diskusyon sila. Kadalasan ay nauuwi iyon sa isang answer na lang—depende kung sino sa kanilang dalawa ang tama. Academic scholar siya pero hindi naman siya genius, minsan ay nagkakamali rin siya. Sa una pa lang ay napansin niyang matalino ito, sa tingin nga niya ay mas mataas pa ang IQ nito kaysa sa kanya pero humble lang talaga at tahimik. Hindi nga nito ugaling magtaas ng kamay sa recitation pero kapag tinawag ito ay dire-diretso ang sagot. Matataas rin ang scores nito sa quizzes at major exams. Paminsan-minsan lang itong pumapalya, kapag bagsak na sa pagod at hindi nakapag-aral dahil inumaga sa Mystic bar.
"Sinilip ko 'yong notebook mo, 'tapos ka na sa assignment, bruha ka."
Bumungisngis siya. Tinapos na nga niya kahapon ang assignment na tinutukoy nito. Mas kumapit siya sa braso nito. "Perfect score ako?"
"Ite-text ko mamaya kapag nagawa ko na 'yong sa 'kin. I haven't check the problems yet, eh."
"Okay. Ano'ng lunch mo mamaya?"
"Sandwich lang. Wala ka naman kaya hindi na ako magluluto. Ikaw lang naman ang matakaw eh."
Tinawanan lang niya ito. Mas conscious nga si Benito sa kinakain kaysa sa kanya. Siya ay pagkain ang pang-comfort sa sarili. Kapag na-stress, nag-iisip, nag-aalala, at walang magawa ay pagkain ang pinagbubuntunan ni Honey. Kapag tumataba na siya ay nai-stress naman siya at papatayin niya ang sarili sa pag-eexercise para mabawasan ang timbang. Napapailing na lang ito sa kawalan raw niya ng disiplina sa sarili pagdating sa diet. Pero kapag ginising niya naman sa hatinggabi para damayan siya sa pag-eexercise ay walang reklamong gumigising ito.
BINABASA MO ANG
Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLY
RomanceLovefinder book 13 Unedited First draft.