TUTOP ang bibig na pinagmamasdan ni Honey ang marahang paglalakad ni Ben palapit sa kanya. Nakatayo siya sa may pintuan at naghihintay. Mag-aalas sais pa lang ng umaga nang mga sandaling iyon. Nauna na niyang nalaman sa text na hindi ito makakauwi sa apartment sa oras na inaasahan niya. Dumaan daw muna sa ospital. May nangyari sa Mystic bar at aksidenteng napasama si Ben sa mga nasugatan.
Kaagad na nagulo ang mundo ni Honey. Kahit madaling araw kanina,gusto niyang lumabas at hanapin si Ben. Wala nga lang siyang ideya kung saang ospital. Sinadyang hindi sabihin sa kanya, ayaw nito na lumabas pa siya.
Bumalik sa pagtulog, iyon ang gusto nitong gawin niya. Paano niya magagawa iyon kung labis labis ang nararamdaman niyang pag-aalala? Hindi rin maintindihan ni Honey kung bakit ganoon na lang katindi ang pag-aalala niya. Siguro dahil alam niya ang kakayahan ng kaibigan--bading nga 'diba? Hindi totoong malakas gaya ng dating na pa-macho. Ano ba naman ang laban ng bading na iyon sa mga brusko sa bar?"O, lungkot agad?" napapangiting tanong nito hindi pa man nakakalapit sa kanya. "Buhay pa ako, 'Ney."
Tinapunan niya ito ng masamang tingin. "Nagagawa mo pang magbiro! Saan ang sugat mo?" Lumapit siya at hinanapan ito ng pinsala. Napaigtad si Ben nang hawakan niya sa bandang tagiliran. Nanlaki ang mga mata ni Honey. "Diyan ang...diyan ang—"
"Hindi naman malalim, nahiwa lang," biglang agaw nito at hinila ang isang braso niya gamit ang kaliwang kamay. Ang kanang kamay nito, nakasapo sa bahagi ng tagiliran. "Walang masyadong dugo, Ney. Huwag mo nang isipin," hinapit nito ang katawan niya gamit ang isang braso at niyakap siya. Alam ni Honey na paraan nito iyon para kalmahin siya. Alam ni Ben ang wala sa lugar na takot niya sa dugo at sugat—na nag-ugat sa nasaksihan niyang trahedya noon. Sa mismong araw na bumalik siya sa bahay nila para kumustahin ang nag-iisang kapamilya, duguan at luhaang ina ang nakita nila ni Mamu sa may pintuan. At nang pumasok siya sa bahay, natagpuan niyang naliligo sa sariling dugo ang kinakasama nitong kinamumuhian niya.
Dagling ipinilig ni Honey ang ulo. Ayaw niyang alalahanin ang partikular na eksenang iyon. Pinalad na nabuhay ang stepfather niya pero isang buwan pagkatapos nitong makalabas ng ospital, naging biktima ng hit and run at namatay. Hiwalay na ito at ang nanay niya bago pa man ang naaksidente. Sa wakas ay pinaniwalaan rin ng ina ang mga sumbong niya. Nahuli pala nito sa akto ang hayup na minomolestiya ang batang kapitbahay. Marahil ay naipon ang galit sa dibdib ng kanyang ina, napagtantong totoo lahat ang mga sumbong niya bago siya lumayas. Nagdilim ang paningin nito kaya kamuntik nang mapatay ang hayup. Inayos na lang sa baranggay ang gulo ng mga ito. Pagkatapos ay umuwi ang Nanay niya sa probinsiya nito sa Bohol.
Natatandaan ni Honey na nanginginig siya noon sa halo-halong emosyon. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa Nanay niyang luhaan at mahigpit na sapo sa kanang kamay ang kutsilyo at sa duguang katawan ng stepfather niya sa sahig. Shock ang nangingibabaw sa dibdib ni Honey. Ramdam niyang papatindi ang panginginig niya, hindi magawang kumilos sa kinatatayuan. Ang mahigpit na pagyakap sa kanya ni Mamu Pauline ang nagpahupa ng nararamdaman niya. Iyak na siya nang iyak habang inilalayo siya ni Mamu sa lugar na iyon.
Ilang linggo na pabalik-balik sa isip ni Honey ang eksenang iyon. Pagsapit ng semestral break, dinala na siya ni Mamu sa isang psychiatrist na kaibigan nito. Hindi na raw dapat lumala pa ang epekto sa isip niya ng traumatic experiences na pinagdaanan niya.
Pagkatapos ng mga mga pinagdaanan niyang therapy, naging okay na si Honey. Hindi nga lang ganap. Kapag nakakakita siya ng sariwang sugat at dugo ay parang nagbabalik sa isip niya ang lahat. Natatagpuan niya ang sariling nagpa-panic, natatakot at nanginginig."Don't think about my wound, okay?" ani Ben sa banayad na tono. Hinagod-hagod nito ang likod niya. "Nandito na ako, Ney. Buhay na buhay. 'Wag nang isipin, ha?"
Ilang segundong nakasubsob lang siya sa dibdib ni Ben, mariing nakakapit sa magkabilang mga balikat nito, pinipilit niyang kalmahin ang sarili.
"Ano'ng nangyari sa bar?" mababang tanong ni Honey nang sa wakas ay kontrolado na niya ang sariling emosyon. Marahan siyang dumistansiya sa katawan ni Ben.
"Mababaw na argumento lang. Nauwi sa pisikal," maikling paliwanag nito. "Mga lasing na eh."
"Bakit ka nadamay?" usisa niya. "Dapat nasa stage ka 'di ba?"
"Tumulong lang. Nadamay kasi si Raj."
"Ayun naman pala!" naibulalas ni Honey. May urge siyang saktan si Ben. Tama bang ipahamak ang sarili para sa hopeless na damdamin sa boss nito? "So, magpapakamatay ka pala para kay Raj mo? Ang haba ng bigote no'n ah! At ano naman ang napala mo? Mamahalin ka na ba niya pagkatapos mong mawalan ng balde-baldeng dugo?" exaggerated niyang taong. Naiinis siyang kailangan pa nitong masaktan para sa lalaking iyon na wala namang pakialam sa feelings nito.
"Raj saved me, 'Ney."
"Saved you?"
"Fatal sana ang sugat ko kung hindi niya ako itinulak."
Napaawang ang mga labi ni Honey. Napapakurap na napatingin siya kay Ben. Sinagip ni Rajed? Ibig bang sabihin, may katugon ang damdamin nito sa lalaking iyon? Hindi niya nagustuhan ang ideya. Tutol siya. Kung bakit ay hindi niya alam. Basta, hindi niya gusto ang ideya.
"M-May feelings na rin siya sa... sa 'yo?"
Napatitig si Ben sa kanya. Tila ina-absorb ang tanong. Ilang segundo bago ito malanding bumulalas ng 'yes!'
Hindi nakapagsalita si Honey. Pakiramdam ng dalaga, may bahagi niya ang nasaksak rin. Hindi na talaga niya maintindihan ang mga nararamdaman. "Congrats sa 'yo!" sarkastiko yata siya. Sana ay hindi nito nahalata iyon. "Puwede ba, 'wag kang masyadong malandi kapag magkasama tayo? Nakakairita minsan eh!" at nagmartsa siya palayo rito. "Huwag mo akong kausapin kapag si Benette ka. Ang landi landi mo!" Hindi niya alam kung bakit naiinis siya. Pero naiinis talaga siya. Ibinalabag niya pasara ang pinto ng silid pagkapasok. Wala na siyang ganang mag-almusal.
Hanggang magkasama silang pumasok sa university nang hapong iyon ay bad mood pa rin siya. Tahimik si Honey sa buong biyahe. Pasulyap-sulyap naman si Ben sa kanya. Hindi rin nagtangkang kausapin siya. Kilalang-kilala siya nito. Kapag ganoon ang mood niya, argumento ang kahulugan ng pakikipag-usap sa kanya. Kadalasan, ganoon ang mood niya kapag may monthly period siya. Iniisip siguro ni Ben na red days niya kaya kulang na lang ay umusok ang kanyang ilong sa pagkakabusangot.
Hinayaan lang siya nitong manahimik.
BINABASA MO ANG
Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLY
Storie d'amoreLovefinder book 13 Unedited First draft.